“Ang daming stars, no?”
Nakahiga kami sa inilatag kong dalawang pinagdugtong na tela sa tabi ng dagat habang nagsa-star gazing. Sabi niya kasi, romantic daw manuod ng bituin. O eh di sige. Basta makarinig ng salitang “romantic,” hindi ko uurungan yan, kahit pa ang konsepto ko ng romantic eh yung tipong magkasama lang kaming dalawa, romantic na. Puta, kahit nga wala kaming gawin, kami ang epitome ng romansa.
“Uy, sabi ko, ang daming stars,” pag-uulit niya.
“Ah. Oo nga.” Limang oras na ang nakalipas matapos ko siyang yayaing magpakasal. Hinampas ako. Bata pa daw kami. Sabi ko joke lang. Tiningnan lang ako. Nag-pout. Kiniss ko naman. Dalawang segundo. Mabilisan. Kinurot ako pakatapos. May tao daw. Dumating si Tita Min. May tao nga. Kain na daw kami. Bumalik kami nang bandang alas onse para mag-star gazing. Wala nang tao.
“Happy ka?” usisa ko.
“Yah. You?” Ibinaling niya ang tingin sa ‘kin. Parang star yung mata niya. Nagniningning kahit sa dilim.
“Mm-hmm,” sagot ko. Pero sagot ng utak ko, “Basta masaya ka, masaya ‘ko.” Hindi ko na sinabi dahil sisimangutan ako panigurado. Corny. Cheesy.
Itinaas niya ang kanang kamay niya sabay turo sa langit. “Bal, look.” May kumpol-kumpol na mga bituin sa tapat ng hintuturo niya. “Yan yung Small Dipper.” Ang liit. Hindi ko naintindihan yung itsura. May itinuro siya ulit. “Yan naman yung Big Dipper. Cute no? Mukha talagang tabo.” Tumawa siya bigla. Paos. Nakakapanghina. Hinayaan ko lang siyang ituro nang ituro lahat ng constellations na alam niya at palihim kong pinagmasdan ang mukha niya. Tuwang-tuwa siya. Nakakaaliw. Nakakabaliw.
“Eto, tingnan mo.” Tumingin siya bigla sa’kin kaya’t dali-dali ‘kong ibinaling ang tingin ko sa langit, sabay kunot-noo kunwari. “Yan yung babae na nakaupo sa throne.”
“Teen Queen?”
“Cassiopeia, loko.”
Hinanap ko yung Orion para magpakitang-gilas sana. Pero napansin kong nanahimik siya bigla. Bumangon ako agad at umupo ng maayos para tingnan siyang mabuti. “Bakit? Anong problema? Nilalamig ka na?” Nawala ang ngiti sa labi niya, at ramdam kong may bumabagabag sa kanya. “Uy, bakit?” tanong kong muli. Bumangon din siya at umupo sa may tabi ko.
“Ang daming stars, no?”
Teka, ito yung tanong niya kanina. Hindi ko na sinagot. Tiningnan ko lang siya at hinintay magsalita.
Napabuntong-hininga siya. “Naisip ko lang, ang daming stars. Parang mga tao sa mundo. Parang mga...katulad natin. Pero sa dami nating lahat, nag-meet pa din tayong dalawa. Ang swerte ko, they let me meet a star like you.”
“May problema ba don?” mahina kong tanong – nagtatantya, nakikiramdam.
“Wala. Pero ang daming stars, iba-iba pa yung constellations. Iba-ibang batch pa ng mga tulad natin yung darating. Ang dami nila. Ang daming pangalan na pwedeng ikabit sa name mo. Ang daming pwedeng pumalit sakin... sa tabi mo.” Tumungo siya na parang nahihiya sa mga sinasabi niya. “Gusto kong maging selfish minsan. Gusto kong sabihin na gusto ko ako lang. Tayo lang. Pero hindi ako ganon. Bat hindi ako ganon? Sana ganun na lang ako.”
May isang patak ng luha na lumagpak sa hita niya. Agad ko siyang hinila at niyakap. Agad naman niyang ibinaon ang mukha niya sa dibdib ko. Sabi niya, romantic daw ang star gazing. Pero parte ba ng pagiging romantic ang pag-iyak? Sana nag-suggest ako ng MOMOL. Baka sakaling romantic. Eh di sana walang iyakan. “Kath, kung may maswerte dito, ako yun. Kung may dapat matakot dito, ako din yun. Pero yung mga ganyang bagay, hindi yan dapat iniintindi. Oo, madami sila. Pero at the end of the day, yung stars, nakikita mo lang. Natatanaw mo lang. Pero ako, ako yung totoong yakap-yakap mo. Kamay ko yung hawak-hawak mo. Hindi mo lang ako natatanaw. Naki-kiss mo pa ‘ko,” hirit ko habang haplos-haplos ang buhok at likod niya. At narinig kong muli ang paos niyang tawa.
Inintay kong humupa ang lungkot niya sa bisig ko. Matapos ang ilang balik ng tubig-dagat, umalis siya mula sa pagkakayakap sa ‘kin at tiningnan ako. Nagso-sorry ang mga mata niya dahil sa biglaang pag-iyak, pero nag “I love you” ang labi niya at parang kidlat sa bilis akong hinalikan. Isang kurap ng mata. Isang pitik ng pulso. Napangiti siya sa natulala kong mukha sabay higa nang hindi nag-iintay ng “I love you, too.” Nanatili ako sa pagkakaupo. Nabaliw yata ako nang tuluyan sa mga pabigla-bigla niyang kilos at sa pabago-bago niyang mood at napatingin na lang sa malayo. Biglang naramdaman ko ang mahina niyang paghila sa t-shirt ko.
“Come here. Tabi na tayo,” pagyaya niya.
“Saglit lang,” pakipot ko naman.
Nag-isip-isip ako ng pwedeng sabihin para mas mapagaan ang loob niya at sinubukang intindihin kung ano bang nakakaiyak sa mga anak ng bakang bituin na yan. Pero nang nilingon ko siya para lambingin sana, nakapikit na ang mga mata niya at mahimbing na ang tulog niya.
Napangiti naman ako. Inabot ko ang kaliwang kamay niya at hinawakan ito. Bigla siyang humilik at mas lalo akong napangiti. Naisip kong totoo ngang magulo ang mundong ginagalawan namin – masarap sukuan, masarap iwanan – pero ‘pag kasama ko siya, okay lang. Tahimik. Payapa. Steady lang. Parang gagong napangiti ulit ako.
Magha-hatinggabi na nang bitawan ko ang kamay niya. Marahan akong humiga para tabihan siya. Sabay yakap na masikip, mahigpit, yakap na alam naming pareho. Lumakas ang hampas ng tubig sa buhangin at naghalo ang amoy ng dagat, ang amoy niya, ang paghinga ko, ang taas-baba ng dibdib niya, at bago pa tuluyang makatulog, pinagmasdan kong muli ang mukha niyang maganda. Sa dilim, kita ko pa din ang bakas ng iniluha niya kanina, at alam kong natunaw ang puso ko. Pumikit ako’t niyakap siya nang mas mahigpit. Tulog naman na siya. Magpapaka-romantic na ‘ko.
“Lintek na Cassiopeia at Big Dipper yan,” bulong ko. “Kahit isang milyong constellation pa ang mabuo habang natutulog tayo dito, wala akong pake. Spaceman ako at ikaw ang buong universe ko. Habambuhay kong ie-explore ang kalawakan mo.”
BINABASA MO ANG
The Littlest Things
FanfictionA collection of stories about the beauty and the bassist.