“Pag nakikita mo ko, anong nakikita mo?”
Halos matawa siya sa tanong ko, pero alam kong nag-iisip na siya ng isasagot nung napatingin siya sa malayo. Nakaupo kami sa tabi ng dagat at nag-aabang ng paglubog ng araw.
“Ano ba yang mga tanong mo. Ang seryoso nito.”
“Sige na,” pamimilit ko. Pinatong ko yung ulo ko sa balikat niya at marahan kong tinulak-tulak para maglambing. “Gusto ko lang malaman.”
“Wag mo kasi akong itulak para makaisip ako,” protesta niya. Tumigil ako sa pangungulit at tiningnan siya habang nakakunot ang noo na nakatingin sa ‘kin.
“Ano nga ba...” Itong babaeng to, ang hilig sa pa-suspense. Pero ilang sandali lang eh nagsimula na rin siya. “Nakikita ko yung eyes mo, parang laging inaantok. Parang ang sarap matulog. Yung lips mo, parang...anytime pwede mong ilapat sa’kin. Yung kamay mo, ang laki. Parang pwedeng gumawa ng tinapay.” Natawa siya bigla.
“Ituloy mo,” pang-uudyok ko naman. Puta, kinikilig yata ako. Kung alam ko lang na ganito sagot nito, matagal ko na sanang tinanong.
Nangingiti pa rin siya kahit umiwas na ng tingin. Akala ko ayaw na niyang ituloy dahil awkward nga naman, pero ibinalik niya ang tingin sa ‘kin at ngumiti.
“Yung arms mo gustong-gusto ko kasi parang ayaw akong pakawalan. Parang kapag yakap mo ko, kahit anong sabihin ng iba, parang walang value yon, kasi nga yakap mo naman ako. Diba? Tapos, ang tangkad mo. Bagay ka sakin kasi maliit lang ako.”
Hindi ko alam kung san nakuha ng babaeng ‘to ang pagka-vocal niya ngayon, pero wala akong pake. Kung nakakain lahat ng letra ng sinasabi niya, busog na busog na ko ngayon. Pero ito nga’t nangingiti nanaman siya at umiiwas ng tingin. Siguro kasi mukha na ‘kong gago habang ninanamnam lahat ng sinasabi niya.
“Ano pa ba...” Tumungo siya saglit bago ako tingnan nang deretso. “Pag nakikita kita, alam kong “worth it” yung paggising ko sa umaga. Parang alam kong happy ako hanggang sa pagtulog. Parang complete na yung day ko. Alam mo yun? Parang nakikita ko yung dreams ko. Yung future ko. Pag nakikita kita, ikaw lang nakikita ko.” Bumuntong-hininga siya saglit, sabay kurot sa akin. “Kinilig ka, no? Tanong ka pa ah.”
Alam kong nakanganga na ko habang hinahabol lahat ng salita niya at sana walang insektong nagtangkang pumasok. Ito yung gusto ko kay Kathryn. Alam niya kung paano magkulong ng kusa sa puso ko. Tiningnan ko siya at biglang para akong bata na gusto magnga-ngawa pero pa-macho to, pre, kaya kumibit-balikat lang ako. “Hindi no. Anong kilig dun? Napanood ko na sa TV yan e.”
“Kunwari ka pa,” sabi niya at kiniliti ako nang bahagya. “Eh, you? Anong nakikita mo kapag nakikita mo ko?”
Sinasabi ko na nga ba’t itatanong niya din to. Ibinaling ko yung atensyon ko sa dagat, nag-iisip ng pangtapat sa lahat ng magaganda niyang sinabi tungkol sakin. Na-pressure naman ako. Para tuloy nang-aasar yung bawat hampas ng tubig sa buhangin, ewan ko ba. Anong sasabihin ko? Tiningnan ko siya tulad ng ginawa niya kanina. Palubog na yung araw sa may likuran pero mas nakakasilaw siya. Nagpapansin yung alon ng dagat pero mas nakakalunod yung mga mata niya. Masarap sa talampakan yung buhangin pero mas gusto kong hawakan yung balat niya. Pag nakikita ko siya, gusto kong maging Noah sa The Notebook para umakyat sa Ferris wheel at humiga sa gitna ng kalsada at igawa siya ng bahay at magsagwan ng bangka at makipaghalikan sa ulan, sa pader, sa abandonadong bahay, sa tabi ng piano, sa kwarto, sa sala, sa veranda, at magmahal ng todo-todo dahil yun naman ang dapat sa isang taong katulad niya. Pag nakikita ko siya, nakikita ko yung mga anak namin na hindi pa namin nagagawa, na pwede bang gawin na namin mamaya?
“Huy,” tawag niya sa akin. “Ang daya mo. Sagutin mo din yung question ko. Pag nakikita mo ko, anong nakikita mo?”
Huminga ako ng malalim “for full effect” at babanatan na sana siya ng mga pamatay kong linya. Pero inabot niya ang mukha ko at nilandas ng hinlalaki nya ang pisngi ko at alam kong natunaw ako, nawala ako, at nakalimutan ko lahat ng mga pa-cool kong linya at iba ang nabanggit ko.
“Buong mundo. Yung buong buhay ko. Tara, Kath. Pakasal na tayo.”
BINABASA MO ANG
The Littlest Things
FanfictionA collection of stories about the beauty and the bassist.