Entry No.1 - Hatid ng Iyong Paglisan by Dbluemoon

12 2 0
                                    

Ito na ang huling gabing magsusulat ako't iiyak,
Dahil sabi ni Nanay kailangan ko ng bumalik sa realidad.
Tatlong buwan na rin kasi simula nang nawala ka,
Ngunit mabigat pa rin ang aking puso't namumugto ang mga mata.

Nakikita ko pa rin sa hangin ang tiyan nyong bilugan.
Naririnig ko pa rin ang bawat halakhak mo sa tuwina.
Di kaya'y ang mga pang-aasar nyo't mga pang-aalaska.
Nalulungkot akong lahat ng ito'y pawang sa aking memorya na lamang mabubuhay.

Kakatapos lamang ng ika-labing walong kaarawan ko,
May litrato pa tayong tatlo,
Kayo ang nasa gitna, naka-akbay ang matatabang braso sa'ming dalawa
Sinasadyang magpabigat, kaya inis at tumatawa ang mukha ko sa litrato.

Masyado kayong kwela,
Ikaw nga ang buhay ng ating tahanan.
Kaya nga siguro lumaki rin akong maloko, nagmana sa inyo.
At ngayong wala ka na, napundi ang ilaw ng bahay na 'to.

Ang sabi nyo sa akin, huwag akong mag-alala,
Matagal ka pang mamatay dahil isa kang masamang damo.
Kung alam ko lang na hindi nyo pala kaya,
Sana tumabi ako sa inyo sa bawat araw na ika'y lumalaban.

Teka, napupuno na ng luha ang papel.
Nanlalabo na naman ang paningin ko,
Sumasakit ang dibdib at humihikbi.
Parang hindi yata 'to ang huling gabing iiyakan ko kayo.

Naalala nyo pa ba?
Lahat ng manliligaw kong binantaan nyo ang buhay huwag lang akong saktan.
Matutuwa kaya kayo?
Kapag nalaman nyong kayo ang kaisa-isang lalaking iniyakan ko.

Paano na kami?
Si Nanay na reyna nyo,
At akong inyong prinsesa?
Anong gagawin namin, Tay, ngayong wala ka na?

Mini-Contest Entries CompilationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon