Entry No.5 - Sulok ng Madilim na Silid by abigaille31

14 1 0
                                    

Tahimik at 'di gumagalaw sa kinalalagyan,
Kahit ang oras ay lumilipas ng 'di namamalayan,
Nakatalungko sa madilim na sulok nang malamig na silid,
At ang tanging kasalo'y luha at hikbing walang patid.

Naalala ang unang araw na kita'y nasilayan,
Nang ang magandang mukha mo'y napagmasdan,
Mundo ko'y saglit na huminto sa pag-inog,
Ang murang puso ko sayo'y nahulog.

Noong unang beses na sambitin mong ako rin ay mahal mo,
Ginawa mong ulap ang bawat tinatapakan ko,
Nalagyan ng ilaw ang buhay kong nasanay sa dilim,
Sa unang pagkakataon may nagmahal at nagpahalaga sa akin.

Noong unang gabing masakop ko ang iyong katawan,
Nang patunayan mo sa'kin na ika'y akin lang,
Nayanig ang buong sistema ko sa mga halik mo,
Ang bawat haplos mo'y tila mga alab na tinupok ako.

Noong iharap kita sa altar ng paborito mong simbahan,
Nang ipangakong habangbuhay kitang paka-iingatan,
Nagkaroon nang direksiyon ang magulo kong buhay,
Tila ako ligaw na alon na sa wakas ay nakahalik sa baybay.

Subalit ang kaligayahang akala ko'y walang hanggan,
Sa isang kisapmata'y nawala't natuldukan,
Nang dahil sa salaping pilit nilang kinamkam,
Ang tanging ligaya ko'y iniwang duguan.

Ilaw ng mundo ko'y biglang napundi,
Umiiyak at tulala na lamang sa isang tabi,
Dinadalangin na ang lahat sana'y panaginip lang,
Na magkasama pa rin nating tatahakin ang walang hanggan.

Mananatili na lang sa madilim na sulok ng silid,
Hindi iimik at patuloy na mananahimik,
Baka sakaling patang puso ko'y mamanhid,
Mawala ang lahat nang dusa at maglaho lahat nang sakit.

Mini-Contest Entries CompilationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon