"Goku! Ano ba?! Tumabi ka nga! Wala kang kwenta!" sigaw sa'kin ng dalagang si Minmin.
"Oo nga. Ano ba naman kasi 'yang si Goku, magpapakita lang 'pag may pagkain tayo," gatong naman ng matandang si Mimi.
Aba... 'tong mga 'to makaasta akala mo kung mga sino, "mga pulubi!" sigaw ko sa'king isipan sabay irap sa kawalan. Wala naman na 'kong magagawa kaya nanahimik na lamang ako at nanatili sa isang tabi.
"Psst! Psst!" rinig kong sitsit ng kung sino man sa aking likuran kaya lumingon ako. Ah, akala ko naman kung sino si Jimmy lang pala, "ano?" tanong ko sa kanya.
"Pinapagalitan ka na naman. Bakit ba kasi naging magkaibigan pa tayo? Kung sana, hindi ka naging mabait sa'kin edi sana, mas madali ang buhay mo ngayon," iiling-iling na wika ni Jimmy.
Hindi ko na siya pinansin at pinikit na lamang ang aking magagandang mga mata para makatulog. Kahit kailan ay hindi ako nagsisi na naging magkaibigan kami ni Jimmy. Hinding-hindi ako magsisi kahit lagi pa 'kong pagalitan, wala naman na silang magagawa.
Tuluyan na sana akong makakatulog kung 'di ko lang narinig ang maarte at malakas na tili ni Minmin.
"Aaaaahhhh! Daga! Daga! Tangina Daga! Letse naman kasi 'tong si Goku napakawalang kwentang pusa!"
Napakaingay talaga ni Minmin! Tsk! Kitang natutulog ako eh! Makalayas na nga! Dapat kasi nag-iingat si Jimmy eh! Mapapahamak pa siya nang dahil sa katangahan niya!
Bumangon ako at nag-inat-inat muna bago nagsimulang lumabas paalis ng bahay. Doon na lang muna siguro ako matutulog sa bakuran ng kapitbahay namin. Biglang kumulo ang aking tiyan habang naglalakad ako. Ang hirap talagang maging pusa. Lagi ka na ngang gutom, ang iingay pa ng mga amo ko. Ang sarap nilang kagatin at kalmutin lalong-lalo na 'yong bruhang si Minmin. Nakoooo, kung 'di ko lang sila mahal.
Nang gumabi na ay agad rin akong umuwi sa bahay nila Minmin dahil baka naghahapunan na sila. Nasa pintuan pa lamang ako ng bahay, amoy na amoy ko na ang niluluto ng amo ko. Sino kaya ang nagluluto? Sana si Minmin dahil kahit gano'n si Minmin sa'kin, alam kong mahal naman ako no'n.
Nasa kusina na 'ko at nagsimula na 'kong mag-ingay, "miaw... miaw.." at dumikit-dikit pa 'ko kay Minmin. "Ano ba Goku?!" sabay sipa sa'kin palayo sa kanya. Ang arte talaga ng isang 'to grrrr!
"Miaw... miaw..." nakakaadik ang amoy ng niluluto niya, ano kaya ang ulam? Pumatong ako sa gilid ng lutuan para makita kung ano ang niluluto ni Minmin. Wow! Ang paborito kong adobong manok. Napangisi ako sa loob-loob ko, marami na naman akong buto na makakain.
"Shut up Goku, baba ka nga..."
Bumaba ako, aba! Baka 'di pa 'ko pakainin n'yan ngayong gabi at baka makalmot ko na 'yan ng tuluyan. Habang nakaupo sa isang bangko ay may narinig akong kaluskos sa ilalim ng lamesa. Si Jimmy 'yan panigurado kaya bumaba ako.
"Goku! Tara sa labas doon tayo mag-usap, may importante akong sasabihin sa'yo," bungad niya sa'kin nang makababa ako sa ilalim ng lamesa. Nagkunyari kaming naghabulan ni Jimmy gaya ng madalas naming ginagawa para 'di kami mahalata.
"Anong sasabihin mo Jimmy?" tanong ko nang makalabas kami ng bahay.
"May itim na pusa na pumasok dito kanina sa bahay niyo, nakita niya 'ko Goku kaya hinabol niya 'ko. Nasiyahan si Mimi dahil may papatay na daw sa'min ngunit hindi si Minmin, dagdag palamunin lang daw," sumbong niya sa'kin kaya napa-isip ako. Hmmmm... sinong pusa naman kaya 'yun? Puti ang aking balahibo kaya imposibleng kaibigan ko 'yun. Sa gwapo ko ba naman, ba't ako makikipagkaibigan sa pusang madumi ang kulay ng balahibo?
"Natatakot ako Goku, maliit pa lamang ang aking mga anak baka mapano sila. Ayokong magaya sila sa dati kong mga anak na pinatay at kinain ng dating pusa nila Minmin."
Pinagmasdan ko kung pano mabasa ng luha ang mukha ni Jimmy, umiiyak siya. Naaawa ako para sa aking kaibigan, gaya ko ay naghahanap-buhay lamang sila pero 'di gaya namin, nandidiri sa kanila ang mga tao.
"Huwag kang mag-alala Jimmy. Susubukan ko lahat ng aking makakaya para bantayan kayo ng pamilya mo," ngumiti ako kay Jimmy kaya ngumiti rin siya pabalik.
Matapos ang aming pag-uusap ay bumalik na'ko sa loob ng bahay. Saktong kakatapos lang rin nilang kumain kaya tinawag na'ko ni Minmin at binigyan ng tira-tirang pagkain. Naisip ko si Jimmy at ang kanyang pamilya kaya nagtira ako ng konti para may makain rin sila mamaya 'pag tulog na sila Mimi.
Makalipas ang ilang linggo ay nakikilala ko na rin ang sinasabing itim na pusa ni Jimmy. Hindi ko alam pero may iba akong naramdaman sa puso ko, napakasarap sa pakiramdam. Ngayon ko lamang ito naramdaman at naninibago ako, ito na ba ang tinatawag nilang pag-ibig? Ayoko sa mga pusang may maduduming mga balahibo kaya hindi ako nakikipagkaibigan sa kanila, ngunit bakit iba ako kay Jessica? Oo, Jessica ang kanyang pangalan. Niligawan ko si Jessica at naging kami. Nakalimutan ko si Jimmy pati ang aking pangako na poprotektahan ko sila.
Hanggang sa dumating ang araw na pinakakatakutan ni Jimmy. Nakapasok ulit si Jessica sa bahay at isa-isa niyang pinaslang ang pamilya ni Jimmy. Ang kaibigan kong si Jimmy... wala na sila. Kasalanan ko ang lahat! Kung bakit ba kasi nagpadala ako sa tukso, lintek na pag-ibig! Napakawala kong kwenta! Ang pinakamamahal kong kaibigan... wala na.
Pagkatapos ng lahat ng nangyari ay nakipaghiwalay na'ko kay Jessica at pumayag naman siya. Ginamit lang pala ako ng bruha kaya muntik ko na siyang mapatay. Naging tahimik na'ko at minsan ay umiiyak 'pag namimiss ko si Jimmy. Binali ko ang pangako ko, ako ang pumatay kay Jimmy at sa pamilya niya. Tama nga sila Minmin, wala akong kwentang pusa. Pumunta ako sa tabi ng isang ilog 'saka ako tumalon sa malalim na parte. Konting tiis na lang Jimmy, makikita na kitang muli. Paalam Minmin, Mimi at Dina, mahal na mahal ko kayo. Patawad.
BINABASA MO ANG
Mini-Contest Entries Compilation
De TodoAng librong ito ay naglalaman ng iba't ibang katha mula sa iba't ibang mga manunulat sa bansa. Ang mga kathang inyong mababasa ay pawang mga interpretasyon ng mga manunulat sa mga temang ibinigay ng grupo.