MUKHA akong wedding cake! palatak ni Iris sa loob-loob habang nakasimangot na nakaupo sa isang sulok ng gym kung saan ginaganap ang JS Prom ng St. Florence High.
Ayaw sana niyang um-attend pa dahil sigurado naman siyang magiging wallflower lamang siya sa event na iyon kaso ginawang requirement ng school na um-attend lahat ng seniors sa taong ito. She always hated parties and formalities like this kaya nga last year ay hindi siya sumali. At lalong hate na hate niya ang magdamit ng ganito— layered na light peach tube gown na may mga maliliit na bulaklak. Kulang na lang talaga ay topping na bride and groom at wedding cake na wedding cake na ang get-up niya ngayong gabi. Ayaw sana niya ng damit na iyon kaso naunahan na siya ng mga kaklase niya sa pagre-renta ng gowns sa mga dress shops sa downtown. One month before the big event pa ay nakapag-reserve na ang mga ito samantalang siya ay last week lang umarkila.
Napamata siya sa baso ng iced tea na nasa harapan niya. Pinigil niya ang urge na muling uminom niyon dahil nangangamba siyang maiihi nang di-oras. Imagine herself in the restroom! Paano niya itataas ang buwisit na gown para umupo sa trono? Baka kailanganin pa niya ng assistant!
Sumalumbaba na lamang siya sa ibabaw ng mesa habang pinapanood ang mga kaibigan niyang enjoy na enjoy sa pagsasayaw sa slow music.
Nang tinabihan siya ng upo ng isa pang kaibigan niya, si Chance. "O, nagbubutas ka yata ng bangko?" puna nito sa kanya.
Sinimangutan niya ito. "Pareho lang tayo, 'no?" banat niya pabalik. Ang lakas ng loob ng kumag na kantiyawan siya samantalang ito'y hindi naman nakikipagsayaw.
Nagkibit-balikat ito. "Boring, eh," anito sabay hikab. Dumako ang mga mata nito sa dancefloor, particularly sa isang magkapareha doon. Doon sa babaeng nakasuot ng silver and black na gown na ang tabas ay parang sa mga suot ng beauty queens, may mahabang slit sa side.
Nagtaas siya ng isang kilay. Medyo matagal na niyang napapansin ang mga nakaw na tingin ni Chance kay Milla, classmate nila at kababaryo niya sa bayan ng Alava, katabing bayan ng Tierra Roja kung nasaan ang pribadong eskuwelahang pinapasukan nila.
"Type mo talaga si Milla, 'no?" tukso niya sa kay Chance.
Ewan niya pero hindi niya naging kaibigan talaga si Milla kahit lumaki pa sila sa iisang lugar. Naaartehan siya masyado dito. Hindi naman mayaman talaga pero feeling sosyal. Ayaw niya ng mga taong ganoon, gusto niya mga down to earth at walang kiyeme kagaya niya.
Bigla itong nagbawi ng tingin. "Hindi, ah!"
"Ows? Matagal na kitang nahuhuling nakatitig sa kanya, eh, lalo na sa legs niya!"
"Intrigera!" angil nito.
Tumawa siya. "Sabagay, maganda siya talaga. Huwag lang isali ang mukhang steel wool niyang buhok!"
"Nanlait ka na naman!" Nang hilahin siya nito patayo. "Lika, sayaw na lang tayo."
"Ayoko nga!" tanggi niya. Hindi pa siya nakikipagsayaw sa mga lalaki— lalo na ng slow music sa buong buhay niya at ang kumag na ito ang magiging first dance niya?
"Hindi ka marunong sumayaw?"
Maldito talaga! Sa kanilang pitong magkakabarkada, si Chance na yata ang may pinakaimposibleng ugali. May temper ito, maldito at malakas mang-asar pero pikunin naman. Saka may pagka-stuck-up din ito— a typical Navida trait. May kaya ang angkan ng mga Navida sa kanilang lugar— sa mga magkakatabing bayan ng Alava, San Joaquin at Tierra Roja. Mga pamilyang tituladong propesyonal at negosyante. Mga isnabero't isnaberang sosyal.
BINABASA MO ANG
This Guy's In Love With You, Mare (Complete)
RomancePublished under PHR on 2011. Romantic comedy. Unedited version.