"O, anong problema sa ka-date mo?" usisa ni Chance kay Iris nang pumasok ang dalaga sa trabaho na mukhang lulugo-lugo.
Sa maraming buwan na kasama niya ito sa Hive, alam na alam na niya ang likaw ng bituka ng kaibigan. Napakasaya nito nang ibalita sa kanyang may date ito. Ngayon ay parang naluging beho ang itsura ng babae, kaya sigurado niya, pumalpak ang date nito. Dagdag pa ang kamalasang nangyari dito para lamang bumili ng damit at sapatos na isusuot para sa date na iyon.
Poor thing. Gusto niya tuloy itong yakapin upang i-console.
Yakapin? Gusto niyang pagtawanan ang sarili. Seriously, kelan pa siya naging sweet? Pero hindi ba't gusto niyang yakapin si Iris pagkakita ditong parang maiiyak nang saklolohan niya ito sa mall? He had never seen her like that— vulnerable and lost.
Pabagsak itong umupo sa mesang katabi ng sa kanya sa kanilang office space sa Hive Quezon City branch. Dalawa na actually ang branch nila sa Quezon City, pinamamahalaan ni Alden ang isa pang kabubukas lamang last month.
Malakas ang hatak ng music/disco bar ng Hive sa mga yuppies at singles. Dinarayo naman ng mga kalalakihang married na o kaya'y nasa middle age ang sports bar na nasa second floor. Yup, business was doing good and he was happy.
Why wouldn't he be happy? Here he was, with loads of money, a nice house and two cars. Kulang na lang asawa.
Gusto niyang batukan ang sarili. Kelan ba sumagi sa isip niya ang pag-aasawa? Well, wala naman siyang balak magpakatandang-binata, right? Saka twenty-six years old pa lang naman siya, hindi siya nagmamadaling ma-hitch.
Sumalumbaba si Iris sa ibabaw ng mesa nito. Tumayo naman siya't nilapitan ang dalaga. Hindi siya sanay na nakikitang ganito ang kaibigan. Iris Darlene was always happy and bubbly. At makulit, madaldal.
"Ano kako nangyari sa date mo kahapon?" pangungulit naman niya.
Nag-thumbs down ito.
"Bokya siya?"
"Madumi mga kuko niya!" parang nandidiring sabi nito. "Kung bakit hindi ko noon napansin kaagad."
Tumawa siya. "Iyon lang ba? Puwede naman niyang linisin ang mga iyon."
"Ayoko nga ng guys na may maduming kuko. Kuko nga niya, hindi niya malinis-linis, who knows kung ano pang parts ng body niya ang madumi?"
"Ang choosy mo. Hindi ka nga magkaka-boyfriend niyan," tukso niya. Umupo siya sa silya sa harapan ng mesa nito.
"Nagsalita ang hindi choosy. Pareho lang tayong walang lovelife, ano?"
Sa lahat naman yata ng nagtatrabaho sa isang bar na puntahan ng mga singles, sila lang ni Iris ang hindi makakulimbat ng ka-date. Buti pa ang kaibigan niyang si Wyett at halos linggo-linggo yata ay may nakaka-date itong babae na nakikilala nito sa Hive. At ang mas matinik na si Quentin ay halos gabi-gabi ay may iniuuwing babae. Si Alden ay may nakilala ring babae sa bar at girlfriend na nito ito ngayon. Well, at least hindi lang naman siya ang nag-iisang walang love o sex life sa kanilang limang magkakaibigan at owners ng The Hive. Nandiyan pa si Jervis. Anti-social masyado ang gago at sa opisina lang sa third floor ng Makati main branch nagkukulong.
Siya ang pinakabata sa kanilang magkakaibigan. Actually, 'sabit' lamang siya sa mga ito. Nasali siya sa grupo dahil kay Quentin Labrador na taga-Tierra Roja at schoolmate niya dati sa St. Florence High. Sa Manila ito nag-college kagaya niya at schoolmates sila nito pati sina Jervis, Alden at Wyett.
"Ewan ko ba sa iyo kung bakit parang hindi ka maka-get over kay Tiffany. Duda na ako sa babaeng iyon pagkakita ko pa lang sa picture, eh. Maitim ang gilagid, malamang maitim din ang budhi," halos hindi humihingang litanya ni Iris.
BINABASA MO ANG
This Guy's In Love With You, Mare (Complete)
RomancePublished under PHR on 2011. Romantic comedy. Unedited version.