ILANG beses pinasadahan ni Iris ang kabuuan ng kanyang itsura sa life-size mirror sa kanyang kuwarto. Napangiti siya nang may mag-doorbell. Dali-dali niyang kinuha ang kanyang purse sa kama at lumabas na ng kuwarto. Isang napakatikas na lalaking nakangiti sa kanya ang napagbuksan niya ng pinto. He was wearing a charcoal sports coat na kinapapalooban ng button-down white shirt. Dark gray ang trousers nito. Ang buhok nitong kadalasang naka-brush up ay bagsak ngayon ngunit sinadya pa ring medyo guluhin sa pamamagitan ng light wax. He looked like a model in those men's magazines.
"Hey, gorgeous," bati nito na nagpangiti naman sa kanya.
Lumapit siya dito't bahagyang inayos ang kuwelyo ng suot. "Napakaguwapo naman ng boyfriend ko ngayon. Baka magbago ang isip ng bride at iwanan ang groom niya para sumama sa iyo. Maagawan pa ako," biro niya.
Hinuli nito ang kamay niya't masuyong hinalikan ang likod niyon. "Hindi ako papayag. Sa iyo lang ako, mahal ko," pagsakay nito sa biro niya.
Nang may dukutin ito sa bulsa ng pantalon. "I was looking for something to give you while I was in a jewelry store yesterday. Pasensiya na, wala kasi akong alam sa mga alahas kaya ito na lang ang napili ko."
He opened his palm and revealed a white gold iris hairpin na may may mga adornong maliliit na Akoya pearls at white zircons.
"A-ang ganda," halos hindi humihingang naibulalas niya nang mapasakamay iyon. It was finely made at alam niya, mahal iyon.
"I thought it would look good in your pretty hair," anito at tinulungan siyang ilagay iyon sa kanyang buhok.
"Perfect," mahinang usal nito pagkatapos. "You look so lovely, Iris Darlene."
"Thank you," hindi mapigilan ang kilig na nasabi niya.
Tama nga si Chance nang sinabi nitong sweet ito in his own little way. Biruin mo nga naman, ibinili siya nito ng bulaklak na siyang origin ng kanyang pangalang Iris, ginto pa.
"Shall we?" anito at ini-offer ang braso upang makapitan niya.
She gladly held on his strong arm. And she felt more proud and beautiful walking beside a dashing gentleman.
Sa kasalan ay hindi nakaligtas sa kanya ang mga tingin ng mga tao sa kanila ni Chance. Mga kamag-anak siguro ng bride at groom at kinikilala silang dalawa. Sa reception ay ipinakilala siya ni Chance kay Tiffany at Erick. Hindi rin nakaligtas sa mapanuring mga mata niya ang tingin ng bride sa ex nito. Humahanga ang mga mata nito. Oh, well, hindi niya ito masisisi, pero sorry na lang ito at mas guwapo ang pretend boyfriend niya kesa sa groom nito.
"Sabi ko na sa iyo, maitim ang gilagid niya," bulong niya kay Chance habang kumakain sila nito.
Tumawa ito. "Oo na, mas maganda ka na sa kanya," bulong naman nito pabalik sa kanya na bahagya pang humalik sa kanyang tenga.
Kinurot niya ito sa braso. "Kumag ka, kanina mo pa iniinggit ang bride. Gusto mo talagang magsisi siya sa pang-iiwan sa iyo, ano?"
Paano kasi, kanina pa akbay nang akbay sa kanya si Chance. At kung hindi ito nakahawak sa kanyang palad ay nakapaikot ang isang kamay nito sa kanyang beywang na tila ba ayaw siyang pakawalan.
"Iniinggit sa paanong paraan?" clueless namang tanong nito.
"Ang sweet mo kasi sa akin. 'Di ba sabi mo, hindi ka sweet noon kay Tiffany?"
"O-oh. Sweet ba ako sa iyo ngayon? I have no idea."
Nagsalubong tuloy ang mga kilay niya. So, ibig bang sabihin ng kumag ay hindi ito umaakting lang? Na natural ang ipinapakita nitong affection sa kanya?
BINABASA MO ANG
This Guy's In Love With You, Mare (Complete)
RomancePublished under PHR on 2011. Romantic comedy. Unedited version.