Unang Kabanata

1.5K 62 21
                                    

Unedtied version po ito... :)


Unang Kabanata


"Ikaw! Ikaw ang itinakda! Ikaw ang magliligtas sa mundo mula sa kasamaan!"

Humikab si Ep-ep habang nakaupo sa harap ng TV.

"Moon prism power, make-up..." malamya niyang sinabi sa pinanonood niyang palabas at gumawa siya ng krus gamit ang mga braso para gayahin ang pose ni Ultra-man. "Pi-ping! Pi-ping!"

Kwento ni Lola Basyang ang pinanonood niya kaso iba lang talaga siya mag-isip kaya kung anu-ano na ang ginagawa niya kapag nasa harap siya ng umiilaw na kahon.

Ilang oras na siyang nakaupo sa harap ng telebisyon. May isang buwan na rin siyang nagkukulong sa tatlong dipang silid na ang tanging laman lang ay pang-isahang katreng binalutan ng puting tela; flat screen tv na labing-apat na pulgada na sinasaksakan ng 16gig na USB kung saan naka-save ang mga paborito niyang palabas sa tv; maliit na electric fan na walang takip at kita ang makina; nakasampay ang dalawang hanger sa doorknob ng pinto--limang brief sa isa, dalawang pares ng t-shirt at short na parehong sira-sira naman sa isa.

Nakakalat sa sahig ng kuwarto niya ang mga balat ng tig-pisong tsitsirya. Kinuha niya ang bote ng 2-liter Royal na kalahating tubig ang laman na nasa paanan lang ng kama at tinungga nang makaramdam ng uhaw.

Wala siyang matinong trabaho sa kasalukuyan ngunit nagkakaroon ng pambigay sa tunay na may-ari ng bahay kung saan siya nananatili. Buong araw niyang pagkakaabalahan ang panonood ng mga re-runs at saved videos ng mga lumang palabas.

"Juan Francisco! Lumabas ka na riyan sa lungga mo, pwede ba?"

Mabilis niyang tinakpan ng binilog na bulak ang kanyang tainga na nakahanda na sa harap ng telebisyon nang marinig ang nakabubulahaw na sigaw ni Aling Nita.

"Pagmulat ng mata, paggising sa umaga, sa batibot, sa batibot..."

"Juan Francisco! Lintian ka talagang bata ka!"

"Tayo na sa Sineskwela, tuklasin natin ang Siyensya. Kinabukasan ng ating bayan, siguradong makakamtan..."

"Punyemas na lalaking 'to! Hoy!"

At isang lumilipad na sandok ang tumama sa ulo ni Ep-ep. Nanatiling blangko ang mukha niya habang paulit-ulit na kumakanta.

"Anong oras mo pa balak kumilos, ha?" Nasa tapat ng pinto si Aling Nita-- ginang na nasa limampung taon na ang edad, malaking babae, tinatakpan ng tuwalya ang blondinang buhok, nakapamaywang at mukhang katatapos lang maligo. "Pinadadala ni Gerardo sa iyo 'yung mga sako sa likod, 'di ba? Bakit nakaupo ka pa rin diyan?"

Tumayo na si Ep-ep habang patuloy pa rin sa pagkanta. Nakapikit pa siya at patango-tango pa na animo'y may headset na suot at sinasabayan ang kanta sa kanyang utak.

"Ikaw, kung hindi ka pa sisigawan, hindi ka kikilos!" bulyaw ni Aling Nita. Nang makalapit sa kanya si Ep-ep ay saka pa ito humabol ng utos. "Kunin mo 'yung sandok kay magluluto pa ako ng tanghalian!"

"Opo, mahal na reyna ng awesome na bahay na ito," tinatamad na tugon ni Ep-ep. Itinutok niya ang kamay sa sandok na nasa sahig. Mabilis itong lumipad at dumikit sa kamay niya. Inabot niya agad ito kay Aling Nita. "Ito na po ang makapangyarihang sandok ninyo, mahal na reyna."

Kinuha ng ginang ang sandok kay Ep-ep at saka niya ito malakas na hinampas sa ulo ng lalaki. "Ikaw, napaka-inutil mo talaga kahit kailan!"

"Pasensya na po, mahal na reyna." Tamad pang yumuko si Ep-ep at tuluyan nang lumabas ng silid niya.

Superhero ProblemsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon