Unedited Version
Ikatlong Kabanata
Dahil sa kinakailangang impormasyon, kusang-loob nang sumama si Ep-ep sa lalaking siya ang pakay. Nilalakad nila ang pasilyo patungo sa isang opisina sa dulo ng ikapitong palapag ng isang gusali sa Ortigas kung saan nagtatrabaho ang mga gaya ni Mr. Kleen. Kapansin-pansin ang pagiging abala ng lahat ng tao sa bawat silid na kanilang dinaraanan na hinaharangan lamang ng mga salaming dingding. Pansin ni Ep-ep na walang ibang kulay ang mga pang-opisinang suot ng mga naroon sa palapag kundi puti at itim.
"Secret organization ba kayo?" tanong ni Ep-ep.
"Kung ano man kami, dapat manatili na lang iyong sikreto sa kahit sino—kahit pa sa 'yo," tugon ni Mr. Kleen.
"Okay. Sabi mo e. Nagtaka lang naman ako kasi gumawa kayo ng hideout sa building ng Securities and Exchange Commission." Natawa nang mahina si Ep-ep. "Ang cute ng nakaisip ng pakulong 'to. Masyadong..." Gumawa siya ng quote-unquote sign gamit ang mga daliri. "Secured."
Niyayakap ng lamig ng aircon si Ep-ep ngunit hindi niya nagawang yakapin ang sarili upang mainitan kahit kaunti. Nakarating na sila sa opisina sa dulo ng pasilyo. May kadiliman nang bahagya sa loob dahil sa malalamyang dilaw na ilaw sa paligid at nag-iisang puting ilaw sa gitna, at bumungad kay Ep-ep ang isang mahabang mesa na pinalilibutan ng mga taong alam niya'y matataas ang katungkulan dahil sa mga suot nitong uniporme. Sa labinlimang tao na naroon, mukhang wala ni isa man ang mababasa sa mukha ang pagkainteres kay Ep-ep.
"Sana binigyan mo ako kahit suit jacket lang," sabi ni Ep-ep kay Mr. Kleen. Wala nang sabi-sabi, umupo siya agad sa blangkong upuan na nasa kabilang dulo ng mesa. Lahat ng mata nasa kanya.
"Mystery aura, check. Serious aura, check. Kadiliman to the highest level, check. Para 'kong nasa interrogation room. Wow." Umayos nang upo si Ep-ep at hinawi nang bahagya ang malagkit niyang buhok.
"Ikaw ba si Juan Francisco Caltagirone Patriarca Maranzano?" tanong ng isang heneral na nasa kabilang dulo ng mesa kay Ep-ep. Pansin ang pagiging seryoso ng mukha nito at bakas sa tingin na bawat segundo ng buhay niya ay hindi maaaring sayangin ng kahit sino.
"Mahal n'yo talaga ang pangalan ko, ano?" Sandaling napangiti si Ep-ep. "General Jimenez, tama? Nakita kita sa TV no'ng nakaraang linggo! Mas pangit ka pala sa personal! Astig a! May issue ngayon sa AFP. Tumatakas ka ba sa trabaho? Sabagay, mas malamig dito saka comfy. Oh, yes." Kinindatan pa niya ang kausap at saka nag-OK sign.
Nasa hitsura naman ng heneral na wala itong balak mag-aksaya ng oras sa mga biro ni Ep-ep. "Alam mo ba kung bakit ka narito?"
"Armageddon na raw sabi ni Bruce Willis e," sagot ni Ep-ep sabay turo kay Mr. Kleen. "Pero sabi niya, secret lang daw kaya..." Gumawa siya ng imaginary zipper sa bibig. "Wala kang malalaman sa 'kin."
Dumating ang babaeng sekretarya at inilapag sa harap ni Ep-ep ng makakapal na papel.
"Laman ng lahat ng mga iyan ang mga kasong ipinataw sa iyo. Mga blotter reports, criminal cases, civil complaints, penalties at kung anu-ano pang mga atraso mo sa lipunan," sabi ng heneral.
Hinawakan ni Ep-ep ang mga papel na mas makapal pa sa limang pinagpatung-patong na Encyclopedia at hinagod ito ng tingin. "Ikukulong ba ako dahil sa mga ito?"
"Ikukulong ka, oo. Pero kaya naming kalimutan ang mga iyan kung susunod ka sa amin. Kaya naming linisin ang pangalan mo sa isang pikitan lang kung gagawin mo lahat ng iuutos sa iyo."
BINABASA MO ANG
Superhero Problems
FantasyFirst Placer of Wattpad Writing Battle 2016 Sa mga panahong kailangan ni Ep-ep ng tulong ng mundo ay tinalikuran siya nito... Tatalikuran din ba niya ang mundo kung sakaling ito na ang nangailangan ng tulong sa kanya? Madaling bigyan ang isang m...