Unedited version
Ikawalong Kabanata
Patapos na sa paglilinis ng bakuran ni Aling Nita si Ep-ep nang makita ang isang sulat sa mailbox ng bahay na inaalisan niya ng agiw. Binasa niya ang nilalaman at napangisi dahil imbitasyon iyon para sa isang simpleng meeting.
At dahil wala na naman siyang magawang maganda sa araw na iyon, at nasimulan na niya sa mga bata sa Santa Katarina, may naisip siyang gusto lang niyang subukan.
"Georgie," tawag ni Ep-ep sa anak ni Aling Nita na kumportableng nakaupo sa sofa ng sala nila. Napansin niya ang hawak nitong cellphone at nasa kandungan naman ang tablet.
Napahinto si Georgie sa ginagawa at natanggap na naman ni Ep-ep ang tingin nitong mala-tikoy sa sobrang lagkit.
"Hi..." bati ni Georgie sabay ngiti.
"Uhm, hi." Pasimpleng ngumiwi si Ep-ep sabay kamot sa ulo niya. Hindi siya sanay sa kinikilos ng mataray na si Georgie. "Georgie, p-pwedeng—"
"Pwede!" mabilis na sagot nito.
Tumaas ang magkabilang kilay ni Ep-ep at bahagyang umawang ang bibig dahil hindi pa siya tapos magsalita, pumayag na agad ang kausap.
"B-bakit? Ano pala'ng kailangan mo?" tanong nito, saka tumayo at nag-ayos ng damit at buhok. Pinapungay ang mga mata at kinagat ang labing putok na putok dahil sa lipstick na kulay talong.
"Wow," asiwang nasabi ni Ep-ep habang nakikita kung gaano kakila-kilabot ang kaganapan sa sala na iyon. "Nakakatakot ka pala magpa-cute."
"Ha?" nalitong usal ni Georgie.
"Pwedeng makahiram ng cellphone?" diretsong tanong ni Ep-ep para matapos na ang katatakutang nasisilayan niya.
"Oh, yes! Sure!" Kinuha ni Georgie ang mamahaling cellphone niya at iniabot kay Ep-ep.
"Salamat." Kinuha ni Ep-ep ang cellphone kaso biglang hinalbot ni Georgie ang kamay niya. Nagitla tuloy siya at halos lumuwa ang mga mata dahil hawak siya ng babae.
"Ikaw ba talaga si Ep-ep?" malambing na tanong nito.
Napalunok si Ep-ep at sinubukang bawiin ang kamay niya sa mahinahong paraan. "Georgie, tatawag lang ako saglit. Ibabalik ko rin ang cellphone mo."
"Gwapo ka pala kapag nag-ayos," dagdag ni Georgie, at inipit ang kulay dugong buhok sa likod ng tainga.
"Ah, oo. Hindi ko naman nakakalimutan, huwag mo nang ipaalala." Alanganing tumango si Ep-ep at marahas nang binawi ang kamay niyang ginagahasa na ni Georgie. "Tatawag lang ako. Ibabalik ko rin mamaya." At mabilis siyang pumunta sa kusina ng bahay para magtago. Sumiksik pa siya sa sulok ng ref at yumuko.
Tinipa niya ang numero ng isa sa mga kaibigan niya sa siyudad na matagal na niyang hindi nakakausap. Makikipaglaro lang naman siya sa araw na iyon, at kapag siya ang naghanap ng mapagkakatuwaan, ginagawa niya ang lahat ng gustuhin niya.
"Hi, Pierro?" bati niya sa kabilang linya. "Francis here."
"Francis... what?"
"Caltagirone."
"Caltagirone? Oh, my God!" Dinig na dinig ni Ep-ep ang ingay sa kabilang linya. May mga nagsisigawan na at nangingibabaw ang boses ng kaibigang nag-uutos.
"How may I help you, Francis?" masayang tanong nito. "It's been a long time! Where have you been? Are-are-are you in a vacation? Or-or-or working somewhere? What?"
BINABASA MO ANG
Superhero Problems
FantasyFirst Placer of Wattpad Writing Battle 2016 Sa mga panahong kailangan ni Ep-ep ng tulong ng mundo ay tinalikuran siya nito... Tatalikuran din ba niya ang mundo kung sakaling ito na ang nangailangan ng tulong sa kanya? Madaling bigyan ang isang m...