Ika-labindalawang Kabanata

348 25 14
                                    


Ika-labindalawang Kabanata


Kitang-kita na ang malaking kaguluhan sa siyudad dahil sa ilang beses na paglindol nang malakas. Bumagsak na ang karamihan sa mga malalaking gusali. Binabalot na ng takot ang buong lugar. Binibingi na si Ep-ep ng kaliwa't kanang sigaw ng mga taong humihingi ng tulong.

Hindi niya alam kung sino ang unang tutulungan.

Hindi niya alam kung kailangan pa ba niyang tumulong sa bawat taong nangangailangan.

Hindi niya alam kung paanong tulong ba ang gagawin.

Tinakpan na lang niya ang tainga at binalewala na lang ang gulong nakikita. Malapit na siya sa Santa Katarina nang mapansing dumami ang mga taong nasa labas ng kani-kanilang bahay sa nasabing distrito.

"Ep-ep!" Binuo ng sigaw ng mga tao ang kanyang pangalan nang makita siya ng mga ito sa ere. Agad siyang bumaba sa bungad ng lugar at sinalubong agad siya ng mga tao roon.

"Ep-ep, napanood mo ang balita?"

"Ep! Ano'ng gagawin namin?"

"Iligtas mo kami, Ep-ep! Parang awa mo na!"

Nakakunot lang ang noo ni Ep-ep habang hinahawi ang mga taong nagmamakaawang iligtas niya.

Ganoon talaga ang mga tao. Makakaalala lang kapag kailangan ng tulong. Kapag wala, ibabasura lang ang sa tingin nila'y walang halaga.

"Nita! Georgie!" tawag ni Ep-ep sa mga kasama sa bahay.

"Ep-ep..." Hinarang siya ng mga batang madalas niyang kalaro sa distrito.

"Sabi mo patay na si Ep-ep!" sigaw ng batang si Pedring at binato si Ep-ep ng tsinelas niya.

"Naniwala ka naman," sabi ni Ep-ep at sinalo ang tsinelas ng bata at ibinagsak sa lupa. "Isang bato pa sa tsinelas mo, susunugin ko na 'yan."

"Ikaw ba talaga si Ep-ep?" tanong ni Ningning na dala pa rin ang colored paper niya.

Natigilan si Ep-ep habang nakatingin kay Ningning.

"Ning, ganito..." Binuhat niya ang bata at kinarga gamit ang kanang braso. "Pagbalik ko rito, gagawin ko na yung promise kong ibon." Nginitian niya ang bata at ginulo ang buhok nito. "Tapos lilipad tayo. Yung mataas na mataas. Dadalhin pa kita sa langit. Pero ngayon, pupunta muna kayo sa ligtas na lugar, ha? Tapos doon mo ako hintayin."

Ngumiti naman si Ningning dahil sa wakas ay nakabalik na rin si Ep-ep at malapit nang matupad ang pangako nitong ibon sa kanya.

Ibinaba ni Ep-ep ang bata at muling hinanap sa paligid si Aling Nita at Georgie.

"Ep," pambungad sa kanya ni Mang Gerardo. "Hindi umalis si Nita sa bahay niya. Malamang naroon pa rin 'yon ngayon."

"Ganoon ba? Sige, pupuntahan ko."

"Ep-ep, saan na kami ngayon pupunta?" tanong ni Mang Gerardo na nagpatahimik sa lahat para malaman ang sagot ng tinuturing na nilang tanging pag-asa sa mga oras na iyon.

Napahugot ng malalim na hininga si Ep-ep at napakagat sa labi niya.

"Hindi ko alam," dismayadong tugon ni Ep-ep. "Inasahan ko na 'tong lahat noon pero hindi ko inasahan na ngayon 'to mangyayari. Pasensya na."

"Mamamatay na ba kami?"

Umiling si Ep-ep. "Hindi ko alam. Pero gagawin ko ang lahat ng kaya ko para iligtas kayo." Muling hinawi ni Ep-ep ang mga tao at dali-daling tinungo ang tirahan ni Aling Nita.

Superhero ProblemsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon