Ikaanim na Kabanata

266 26 5
                                    

Unedited version po ito :)


Ikaanim na Kabanata

Alas nuebe ng gabi at rinig na rinig ang tunog ng pagkukumpuni ni Ep-ep sa bubong ng second floor ng bahay ni Aling Nita na nabutas pagtalon niya tanghali ng araw ring iyon. Kapag humihinto siya, tiyan naman niyang nananawagan ng hustisya ang kanyang naririnig.

"It means no worries for the rest of your days. It's a problem-free philosophy... Hakuna Matata." Pakanta-kanta pa siya habang tinatapalan ng kahoy at piraso ng yero ang butas. Alam niyang pagbaba niya'y makakakain na rin siya dahil naamoy na niya ang masarap na menudo ni Aling Nita.

Samantala, sa isang kanto ng kalye kung saan nakatirik ang bahay ni Aling Nita, nakatayo ang isang estrangherong namumuo na ang pawis sa sentido at noo dahil kalagitnaan ng tag-init ay nakuha pang magsuot ng itim na leather jacket, itim na turtleneck, itim na pantalon at balat na botang may balahibo pa. Dinagdagan pa ng itim na face mask at shades na nakakahiya naman sa kadiliman ng puwesto niya. Nasa likod siya ng sementadong posteng iniilawan ng papatay-patay na bumbilyang dilaw na mga taga-Santa Katarina na lang ang naglagay kahit nagbabayad naman sila ng buwis.

Isang oras na siyang naroon at pinanonood si Ep-ep sa ginagawa nitong pagkukumpuni.

"Alis," sabi niya habang nakatingin pa rin kay Ep-ep sa taas. Isang minuto ang lumipas at nagsalita na naman siya. "Alis sabi." Sinilip niya ang relo. "Sabi nang alis! Ano ba?" Pigil ang lakas ng boses niya dahil gabi na at nagsisimula nang tumahimik sa lugar. Tiningnan niya nang masama ang batang lalaking nakatingin sa kanya ilang minuto na habang nakatambay siya roon.

"Iihi po ako," sabi ng bata.

"E di umihi ka! Bakit nakatingin ka pa sa 'kin?"

Itinuro ng bata ang poste. "Diya'an po ako iihi. Ihian po kasi namin d'yan."

Tiningnan niya ang poste, sunod ang bata. Poste ulit pagkatapos ay ang bata. Nakaramdam siya ng kaunting pagkapahiya at kahit hindi magsalita'y gusto na niyang iuntog ang sarili sa posteng katabi. Naisip niya: kaya pala kumukurot sa ilong ang amoy sa pwestong iyon kahit naka-mask na siya. Ihian... at naroon siya isang oras na.

"Fine!" masungit na sabi niya, at saka siya tumalikod upang umalis doon habang pinananatili ang matalim na tingin sa bata. "Peste. Tsk!" Hindi pa man siya nakaka-tatlong hakbang ay napaatras siya agad nang makita si Ep-ep na bumulaga sa harapan niya. "Oh, sh—!"

"Kanina pa kita nakikita sa taas," pagsisimula ni Ep-ep. "Fan ba kita? Stalker?"

"Excuse me!" Hinubad niya agad ang shades at tinaasan ng kilay si Ep-ep. "Fan? Stalker? Ako?"

"Uy!" Napapalakpak si Ep-ep at saka natawa nang may kalakasan. "Kristin Nuevo! Wow!"

Nanlaki agad ang mata ng estrangherong itago na lang natin sa pangalang Kristin Nuevo at agad na ibinalik ang shades niya. Nakaramdam siya ng dagdag na pagkapahiya dahil nabisto na siya ng pakay.

"Alam mo, huli ka na, ganda. Saka, hanep ka sa outfit! Incognito mode on!" Hindi mawala ang ngisi ni Ep-ep habang hinahagod ng tingin si Kristin. "Para kang kampon ni Blade! Bampira ka ba? Ang lamig ngayon, 'no?"

Kahit napapahiya na, pinanatili ni Kristin ang finesse niya, taas-noong inalis ang mga takip niya sa mukha at tinaasan ng kilay si Ep-ep.

Unti-unting nabawasan ang ngisi ni Ep-ep at simpleng ngiti na lang ang makikita sa labi niya habang nakatingin kay Kristin.

"Mas maganda ka sa gabi," sabi ni Ep-ep, hindi sinasadyang lumabas sa bibig ngunit sinsero naman kung paaamining totoo iyon.

"I don't have time for your one-liners, Mr. Maranzano," mataray na sinabi ni Kristin at nagpamaywang.

Superhero ProblemsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon