Ikalimang Kabanata

679 39 10
                                    

UNEDITED VERSION PO ITO :)

Ikalimang Kabanata

"Pitong taon matapos sirain ng lindol at tsunami ang malaking bahagi ng Fukushima prefecture, muli na namang niyanig ng magnitude-9 na lindol ang malaking parte ng northeastern Japan kaninang alas dos ng hapon oras sa Pilipinas..."

Napahinto sa paglalakad si Ep-ep nang marinig ang balita sa telebisyon sa barberyang nadaanan habang binabaybay ang madilim na kalsada sa Timog.

"Hekta-hektaryang kabahayan ang nasira at tinatayang higit limandaang bilyong dolyar ang halaga ng mga nawasak na ari-arian. Humigit-kumulang tatlong daang libong tao ang apektado ng kalamidad. Hindi pa mabilang ang eksaktong dami ng mga nawawala—"

Napabuntong hininga si Ep-ep at agad na napailing. Isa ang balita sa ayaw niyang pinanonood, at hindi rin niya babalakin pang panoorin. Iniiwasan niyang magkaroon ng dahilan upang tumulong.

Iniiwasan niya ang makonsensya.

Iniiwasan niya ang mas malalaki pang problema na walang ibang makareresolba kundi siya.

Mabilis na naglakad paalis si Ep-ep at pilit iniwasan ang mga responsibilidad. Hinahabol siya ng tungkulin at alam niya sa sariling kahit anong bilis ng takbo niya'y makakaya siya nitong habulin. Isa sa mga dahilan kung bakit mas pinili pa niyang manatiling nakakulong sa bahay ni Aling Nita at manood ng mga palabas na mag-aalis sa kanya sa masasamang alaala.

Sandali siyang umupo sa isang mahabang bangko ng tindahan ng lugaw at mami upang pansamantalang magpahinga. Wala siyang pamasahe pauwi dahil si Mr. Kleen ang nagdala sa kanya sa Ortigas. Sa puso ng Kamaynilaan pa ang lokasyon ng Santa Katarina at malayo pa siya. Nagdadalawang-isip na siya kung lilipad na lang ba pauwi o pipilitin pa rin ang paglakad.

"Ginugutom na 'ko," bulong niya nang maamoy ang mabangong pagkain sa likuran lang niya. Napahimas tuloy siya ng tiyan at napangiwi. Talo pa niya ang magnet ng mga langaw dahil sinamahan siya ng mga ito sa kanyang pagtambay sa lugawan.

"Niyanig ng magnitude 8.9 na lindol ang bayan ng Lushan sa probinsya ng Sichuan sa China na sumira sa libu-libong kabahayan at establisimiyento. Tinatayang limangdaang katao ang bilang ng mga namatay at sampung libong tao naman ang sugatan."

Mabilis na nilingon ni Ep-ep ang mobile TV kung saan nanonood ang tindera. "Ugh! Buwisit." Agad na nagtakip ng magkabilang tainga si Ep-ep gamit ang hintuturo.

"Patuloy pa rin ang mga aftershocks na nararamdaman sa malaking bahagi ng probinsya. Nakikita po natin sa mga larawan ang resulta ng..."

"Blah blah blah... Wala akong naririnig." Mabilis siyang tumayo at muling tinahak ang mahabang daan paalis sa Timog habang hindi inaalis ang takip sa tainga niya.

Kung magugunaw man ang mundo sa mga susunod na araw bago pa man dumating ang bulalakaw na sinasabi sa kanya ng mga tao sa organisasyon kung saan nagtatrabaho si Mr. Kleen at Kristin Nuevo ay wala na siyang pakialam pa.

Nakayuko lang siya habang binabaybay ang kalsada pauwi. Gusto lang niyang umiwas sa responsibilidad na hinihingi ng pagkakataon. Hindi siya kikilos hangga't wala siyang makitang magandang dahilan upang kumilos gaya ng inaasahan sa kanya ng lahat.

Kung mamamatay ang mga tao, mamamatay sila hindi dahil sa pagtanggi ni Ep-ep sa itinatakda ng lumang propesiya. Mamamatay ang mga tao dahil makasalanan sila at iyon ang kanilang tadhana.

Napansin niya ang paglitaw ng maliwanag na buwan nang hawiin ng hangin ang kulumpon ng ulap sa langit. Kung titingnan mula sa kinatatayuan niya ay masusukat ng ilang pulgada ang layo ng bulalakaw na wawasak daw sa mundo mula sa sinasabing natural satellite ng Earth.

Superhero ProblemsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon