Huling Kabanata
Limang taon na ang nakalilipas mula nang mangyari ang malaking kaguluhan sa iba't ibang bahagi ng mundo. Ang kinatatakutang katapusan ng lahat ay isa na lamang masamang alaala ng kahapon. Nagbalik na ang sigla sa bawat bansang naapektuhan ng mga kalamidad. Kasaysayan na lang ang mga delubyo, ang gulo at mga namatay.
Maraming tao ang nagpapasalamat dahil natulungan sila. Marami rin ang nagbigay ng tulong para sa mga nangangailangan. Hindi naman lahat ng tao ay maramot sa pagtulong. Muling binuo ang mga nawasak. Muling inayos ang mga nasira. Muling ibinalik ang mga kaya pang gawan ng paraan.
Ang distrito ng Santa Katarina ay nawala na. Ang mga taong nakatira noon sa lugar ay nakahanap na ng bagong tahanan. Ang pamilya ni Clementina ay nagkaroon na ng bagong buhay.
Samantala, isang monumento ang ipinatayo para kay Francisco Caltagirone bilang pagpupugay sa lahat ng kanyang ginawa para sa bayan. Siya ay nagbigay siya ng bilyun-bilyong pisong donasyon sa mga naapektuhan ng mga kalamidad. Malaking lupain niya ang ginamit upang tirhan ng mga pamilyang nawalan ng tirahan sa malakihang pagkawasak ng maraming bahagi ng bansa. Ang lahat ng kayamanan at ari-arian niya ay ipinamahagi at nakapagbigay ng kabuhayan sa maraming tao gaya ng sinasabi sa kanyang huling testamento.
Sikat na ang pangalan ni Francisco Caltagirone bilang isang bayaning tumulong sa pag-ayos ng bayan. Gaya ng paraan kung paano siya dapat tingnan ng mga normal na mamamayan.
At si Ep-ep?
Si Ep-ep ay isa na lamang alaala sa kanyang itinuring na pamilya. Isang likha ng imahinasyon ng mga bata. Isang guni-guni ng mga nakakakilala, lalo ng mga taga-Santa Katarina. Hindi na siya dapat alalahanin pa. Hindi siya isang bayaning dapat maalala gaya ng sabi ng mga nasa organisasyon ni Mr. Kleen at Kristin Nuevo dahil nakasaad nang lahat sa propesiya. Parte siya ng imposibleng mundo at ang kapangyarihang tinaglay ay isa lamang malaking pantasya.
Isang tahimik na hapon at nakatayo si Kristin Nuevo sa harapan ng dalawang metrong taas na monumentong gawa sa itim na marmol na nasa gitna ng limang metro kuwadradong lupa sa isang pribadong sementeryo sa puso ng Maynila. Tangan niya sa kanang kamay ang gintong orasang may mukha ni Clementina. Nangingibabaw siya sa lugar dahil sa suot na itim na malaking sombrero at itim niyang bestidang hanggang tuhod ang haba.
"Mukhang pinaghandaan mo talaga ang lahat. Magandang laro, Mr. Maranzano," sabi ni Kristin. "Siya nga pala. Ngayon lang nila ito inilabas." Kinuha niya ang tsekeng nagkakahalaga ng sampung milyong piso sa maliit niyang bag at ipinakita sa monumento. "May halaga pa ba ang pera sa iyo? Nagawa mo ang pinapatrabaho namin, at hawak ko na ang bayad na inalok ni General Jimenez."
Nangibabaw ang katahimikan. Walang tumugon maliban sa malakas na pag-ihip ng hangin na nagpalipad nang bahagya sa laylayan ng bestida ni Kristin.
"Barya lang ito sa lahat ng naitulong mo. At wala kaming karapatan para presyuhan ka sa isang bagay na hindi naman talaga kayang tumbasan ng pera." Pinunit ni Kristin ang tseke na naglalaman ng pangalan ni Francisco Caltagirone at hinayaan itong liparin ng hangin nang bitawan. "Sa dami ng nagawa mong kabayanihan sa mundo, ngayon ka lang nila naisipang gawan ng monumento. Ganoon naman talaga lahat ng tao. Naa-appreciate lang ang isang bagay kapag wala na. Malas mo lang dahil kabilang ka na sa mga bayaning kailangan pa munang mamatay bago makita ang tunay na halaga."
Lumapit siya sa monumento at inilapag sa ibaba nito ang pocketwatch na may mukha ni Clementina.
"Aalis na ako sa bansa. Wala nang dahilan para manatili rito," sabi ni Kristin. "Masaya ako dahil nakilala kita, Mr. Maranzano. Maraming salamat sa lahat ng naitulong mo sa amin."
Tumayo na nang diretso si Kristin at muling tinanaw ang maaliwalas na langit. Isang magandang simbolo ng pag-asa at ang tunay na katapusan ay mukhang matagal pa bago tuluyang maganap.
Matipid na ngiti mula sa babae at nilakad na ang daan paalis ng sementeryo.
Tapos na ang lahat. At bumungad na ang panibagong simula.
Bagong buhay at ang kahapon ay isa na lamang kasaysayang dapat ituring bilang aral para sa lahat ng tao na ang bawat buhay ay dapat pahalagahan. Ang mundo ay kailangang inangatan. At ang tunay na mga bayani ay mismong ang mga mamamayamang may puso para sa kapwang nangangailangan.
Sa gitna ng katahimikan sa sementeryo, isang kamay ang pumulot sa gintong orasan sa ibaba ng monumento.
"Akala ko magbibilang pa ako ng panibagong taon. Matagal din pala ang kalahating dekada."
Isang ngiti ang sumilay mula sa sementeryong iyon habang nakikita ang umaandar pa ring orasang ilang dekada na ang tanda.
"Mabuti at naibalik ka na niya."
Ngiti ng larawan ang bumungad nang buksan niya ang orasan.
"Kumusta na, Clementina? Sa wakas nakita uli kita."
WAKAS
BINABASA MO ANG
Superhero Problems
FantasyFirst Placer of Wattpad Writing Battle 2016 Sa mga panahong kailangan ni Ep-ep ng tulong ng mundo ay tinalikuran siya nito... Tatalikuran din ba niya ang mundo kung sakaling ito na ang nangailangan ng tulong sa kanya? Madaling bigyan ang isang m...