Ikalabing-isang Kabanata

347 31 23
                                    


Ikalabing-isang Kabanata


Dama na ang sunud-sunod na pananalasa ng iba't ibang klaseng kalamidad sa buong mundo. At sa mga oras na iyon ay nakikita ni Ep-ep ang paparating na masamang balitang dala ng kalikasan.

Imbis na umuwi sa kanila ay mabilis niyang nilipad ang pababa sa Seaside Boulevard para balaan ang lahat ng taong naroon.

"Umalis na kayong lahat dito! Alis na!" Mabilis na nilapitan ni Ep-ep si Kristin. "Siguro naman may nakahanda kayong plano kung sakaling dumating ang araw na ito, tama?" bulyaw niya sa babae.

"Bakit? Ano ba'ng nangyayari?" takang tanong nito dahil nalilito rin siya kung bakit pinaaalis ni Ep-ep ang lahat ng tao.

"Tawagan mo na 'yung organisasyon ninyo dahil hindi maganda ang susunod na mangyayari sa loob lang ng ilang oras! Dali na!"

"Ha? T-teka! Teka, ano ba kasing problema mo? Huminahon ka nga muna! Bakit ka ba sumisigaw hindi naman ako bingi!"

Huminahon si Ep-ep at itinuro ang katubigan. "May tsunaming paparating, beh," kalmado niyang sinabi. "Baka gusto pa ninyong mabuhay... baka lang naman. Pero kung ayaw mo, it's your choice. Tatakbo o hindi?"

"Ano?!" sigaw ni Kristin.

"Palinis ka ng tainga mo. Maganda ka sana, bingi ka lang." Niyakap niya ang baywang ni Kristin at isinama sa muling paglipad niya sa ere.

"Mr. Maranzano, ibaba mo 'ko!" reklamo nito kay Ep-ep.

"Dadalhin kita sa ligtas na lugar! Kunin mo ang cellphone mo at tawagan mo ang mga kasamahan mo para iligtas ang mga tao!"

"Paano ko gagawin 'yon?! Naiwan sa resto ang bag ko! At saka—" Natigilan si Kristin nang makita ang tila malaking pader ng tubig na nagdadala ng mga barko na papalapit sa seaside kung saan sila galing. "Oh, my God." Agad siyang ibinaba ni Ep-ep sa bubungan ng malaking convention center sa lugar.

"Siguro naman safe ka rito," sabi ni Ep-ep kay Kristin na nakatulala sa tubig na papalapit sa kanila. Idinampi niya ang hintuturo sa noo nito. "Wala na akong magagawa, kailangan na silang kausapin."

"Hey! Ano bang—" Aalisin sana ni Kristin ang daliri ni Ep-ep sa noo niya ngunit hindi niya nagawa. "Kausapin sino?"

"Ang sabi mo wala kang dalang cellphone kaya kakausapin natin sila at kailangan kita."

"Sinong sila?"

"Kailangan ko ng utak ng tao para kumonekta sa lahat. Huwag ka na lang magtanong ng detalye, okay?"

Pumikit si Ep-ep at kinontrol ang dimensiyon niya at ni Kristin. Malakas na hangin ang bumalot sa dalawa at sa isang iglap ay biglang dumilim ang buong paligid at naglabasan ang maliliit na maliwanag na tuldok na tila bituin sa langit tuwing gabi. Pakiramdam ni Kristin ay dinala siya ni Ep-ep sa gitna ng kalawakan sa labas ng mundo. Napakarami niyang naririnig na mga boses. Maraming usap-usapan. Maraming sumisigaw. Maraming humihingi ng tulong. Maraming nagmamakaawa. Maraming bumubulong. Maraming umiiyak.

"Makinig ang lahat. Lumikas na kayo at pumunta sa ligtas na lugar," panimula ni Ep-ep.

"Mr. Maranzano? N-nasaan tayo?"

"Iligtas ninyo ang mga sarili ninyo. Hindi magandang balita ang paparating sa bansa. Sa mga kinauukulan, mangyaring tulungan ang lahat ng mamamayan sa paglikas at— Ah!"

Naputol ang pagsasalita ni Ep-ep nang makarinig ng napakatining na tunog na sapat upang pangiluhin siya. Bigla siyang nanghina at napaluhod habang hinihingal.

Superhero ProblemsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon