Ikalawang Kabanata

948 47 49
                                    

Unedited version po ito....


Ikalawang Kabanata

Titig na titig si Ep-ep sa makapal na perang papel na inabot ng may-ari ng junkshop kung saan ibinenta ni Mang Gerardo ang mga sako ng bakal na binuhat niya. Maraming kopya ng kulay ube, ni Osmeña at ni Ninoy ang kinukuwenta ni Mang Gerardo sa kanyang mga kamay-- hindi pa kasama ang plastik na naglalaman ng maraming mukha ni Aguinaldo at Rizal.

"Salamat, pards!" sabi ni Mang Gerardo at nginitian ang may-ari ng junkshop. Hinagis niya sa hangin ang mga barya para kay Ep-ep. "Sige na at dadaan pa ako sa España."

Sinalo ng isang kamay ni Ep-ep ang mga barya sa hangin at tinitigan iyon sa pasmado niyang kamay. "Kinse?" Sinundan niya ng tingin si Mang Gerardo na naglalakad paalis. "Anim na libo 'yung presyo ng laman ng mga sako tapos kinse lang ang talent fee ko?" Ibinalik niya ang tingin sa tatlong kulay kupas na gintong barya. "Wow! Sana pala sumayaw na lang ako ng Macarena sa Roxas Boulevard, baka sakaling may pambili pa ako ng bouquet ng assorted flowers para kay Tintin." Napailing na lang siya at ibinulsa ang kinse niya. "Tatlong Sampaguita na lang ang bibilhin ko. Nakatulong pa ako sa mga bata sa simbahan."

Aalis na sana siya nang humabol ng alok ang may-ari ng junkshop.

"Ep! Baka lang gipit ka! Sangla mo muna 'yung orasan mo!" Nginisihan pa niya si Ep-ep.

Ang pinaka-ayaw ni Ep-ep ay ang pinagdidiskitahan ang pocket watch niya kaya masamang tingin ang natanggap ng may-ari ng junkshop mula sa kanya. "Isang salita mo pa tungkol sa pocket watch ko, makikita mo kung ano ang hitsura ni San Pedro," puno ng pagbabanta niyang itinugon sa kausap. Napalunok na lang ito at dali-daling nagtago.

Simula nang mapadpad si Ep-ep sa distritong iyon, nakita na siya ng mga tao bilang isang baliw. Alam nilang may ginawa siyang masasama noon pero nasanay na sila sa presensya niya sa lugar. Alam na alam nila ang kakayahan niya at mga kaya pa niyang gawin. Magugulat ang hindi pa siya nakikilala, ngunit sa tagal ng kanyang pananatili roon ay nasanay na ang lahat. Espesyal siya ngunit hindi na sa mga tao roon. Wala siyang ibang pakinabang kundi ang maging utusan, madalas pagtripan, pinagkakatuwaan at laruan ng mga tao sa distrito.

Binubuo ng mahihirap at nagpapanggap na mayaman ang mga taga-roon. Isa na si Aling Nita sa mga nabanggit. Bihira ang magandang bahay at karamihan ay gawa lamang sa pinagtagpi-tagping yero. Panahanan ang distrito ng mga pinagkaitan ng karangyaan at pinilit abutin ang langit sa gitna ng kahirapan. At kahit hindi sikat ang distrito nilang may pangalang Santa Katarina, sikat naman si Ep-ep sa loob noon-- hindi nga lang sa positibong paraan gaya ng inaasahan.

Agad siyang tumungo sa malapit na sementeryo sa lugar at pumitas muna ng kumpol ng Santan at Bougainvilla sa bukana ng lugar bago tunguhin ang matalik niyang kaibigan. Maraming nakatanim na mga mabubulaklak na halaman sa tarangkahan na pinagtiyagaan na niya bilang regalo kay Clementina dahil hindi siya nakabili ng Sampaguitang nagtaas na pala ang presyo at hindi na kinaya pa ng kanyang kinse pesos.

"Akala ko matagal pa bago ka makabalik dito, Francisco," pambungad sa kanya ng babaeng higit otsenta anyos na ang edad na bantay ng isang maliit na musoleo. Isinuksok nito sa suot na pulang daster ang isang basahang ginamit sa pagpunas ng puntod na dinadalaw ni Ep-ep.

"Na-miss ko lang si Tintin, Odessa." Nginitian niya ang matanda at inilagay sa itaas ng puntod ni Clementina ang mga dala niyang bulaklak. Hinawi niya nang bahagya ang kulay pilak nitong buhok at inipit sa likod ng tainga nito.

"Hindi ka pa rin talaga nagbabago," ani Odessa kay Ep-ep. "Mukha ka pa ring beinte kuwatro."

"Kumakain kasi ako ng fetus at nag-aalay ng birhen every six pm sa kuweba ko." Tumawa pa siya nang mahina at inakbayan ang matanda. "Hindi, biro lang. Alam mo namang pangarap ko ring tumanda, 'di ba? Magbabago rin ang hitsura ko, tiwala lang."

Superhero ProblemsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon