KABANATA 1: BALIK ESKUWELAHAN

2K 79 11
                                    


SA ESKUWELAHAN, tahimik ang buong klase kapag nakikita nang pumapasok si Moymoy. Ang totoo, hindi siya sanay sa mga pagbabago sa kanyang buhay. Pero isang kaklase ang naiiba sa kanila—si Ella, ang kanyang seatmate. Kung ano ang inaasal nito noon pa, hindi nagbago nang malaman niyang isa siyang aswang.

Pagpasok ni Moymoy sa classroom ay biglang tumahimik ang maiingay niyang mga kaklase. Tahimik siyang umupo sa kanyang desk.

"Moymoy," itinaas ni Ella ang kanyang salamin at inilapit ang mukha kay Moymoy. "Gusto mong makita ang notes ko? Baka kailangan mo o. Ilang araw kang hindi nakapasok."

"Oo nga e. Pahiram a."

"Sure. Ito."

Ibinigay ni Ella ang notebook niya kay Moymoy.

"Sabi ko na nga ba friendly ka e," nakangiting nagsalita si Moymoy. "Bakit wala kang imik dati?"

"Siyempre, hindi mo naman ako kinakausap noon. Ang supla-suplado mo kaya." Tumikwas pa ang kilay ni Ella.

"Hindi a."

Napatingin si Moymoy sa paligid. Inilibot niya ang paningin, waring may hinahanap.

"Si Luigi?"

"Bakit mo alam kung sino ang hinahanap ko?"

"Hindi ba friend mo iyon? Hindi siya nag-enrol ngayon. Lumipat daw ng school. Sa iba siya dinala ng parents niya para magpatuloy ng K to 12."

Luminga si Moymoy sa paligid. Napansin niyang tahimik ang lahat, pero may ibang mga kaklase ang miminsang sumusulyap sa kanya. Kapag nahuhuli niya ng tingin, iiwas ito ng kanilang tingin.

Hindi nakatakas sa kanyang paningin ang tatlong bully na sina Onyok, Diego, at Gordon. Kagaya ng dati, magkakasama silang nakaupo sa bandang likuran ng klase. Nagbubulungan ang mga ito at pagkatapos ay tumatawa.

"Huwag mong pagpapansinin ang mga 'yan," inis na sabi ni Ella.

"Ella, bakit ikaw lang ang iba sa kanila?"

"Ano'ng big mong sabihin?"

"Kadalasan kasi, kapag ganitong wala pa ang titser, maiingay. Kapag pumapasok na ako, biglang tatahimik. Iba talaga ang tingin nila sa akin."

"Hindi ba ang sabi, huwag daw mag-descriminate? Kaya kahit ano ka pa—kahit na ano ang tawag sa 'yo, fine. Okay sa akin. Walang nabago."

"Ang bait mo naman."

Itinaas ni Ella ang kanyang kamay para mag-appear sila ni Moymoy.

Biglang narinig ang malakas na tawa ni Onyok. Napaisip at yumuko si Moymoy. Tumingin siya sa kinauupuan nito sa likuran. Nakita na rin niyang tumatawa sina Diego at Gordon. Pagkaraan ng ilang sandali, iniwas niya uli ang tingin at tumingin sa pisara. Napapapikit siya. Gusto niya ring takpan ang kanyang tainga dahil nasasaktan siya at parang nabibingi sa mga tawanan ng tatlong bully.

Tumingin uli si Moymoy kina Onyok, Diego, at Gordon. Nakita niya na tumatawa na rin ang ibang mga kaklase at nagbulung-bulungan. Inilabas ni Onyok ang kanyang mga ngipin at inipit doon ang pangil na papel at itinaas ang mga kamay na parang tinatakot ang mga kaklase. Tumatawa nang tumawa ang karamihan sa mga kaklase niya. Sina Diego at Gordon ay ginaya na rin ang ginagawa ni Onyok. Pinandilatan ang mga kaklase nila at naglakad-lakad na parang mga zombie.

Nainis si Ella. Tumayo siya at nilapitan ang tatlong bully. "Hoy, tama na nga 'yan!"

Humarap si Diego at Gordon kay Ella at tinakot-takot sa mga pangil na papel at pinandilatan siya ng mga mata. Kunwaring sasakalin si Ella.

"Tumigil nga kayo!" Napasigaw si Ella sa kanila. "Hindi ako nakikipagbiro, kaya tigilan na 'yan! Puwede ba?!"

Itinuloy nina Diego at Gordon ang ginagawa nila kay Ella. Sumali pa sa kanila si Onyok. Pinalibutan siya ng tatlong bully. Pilit siyang lumalabas pero pinipigilan siya ng tatlo.

"Paalisisin niyo 'ko rito," inis na sabi ni Ella.

Hindi siya pinansin ng tatlo. Tuloy pa rin sila sa pananakot.

"Alam niyo, hindi kayo nakakatuwa! Paalisin niyo 'ko rito!" singhal ni Ella.

Inilapit ni Onyok ang bibig sa leeg ni Ella at kunwaring kinakagat-kagat nito ng kanyang pangil na papel.

"Bastos ka!" Biglang pinaghahampas ni Ella si Onyok. Pinaghahablot ang dalawang pangil na papel nito sa bibig.

"Bakit ba?!" galit na sabi ni Onyok kay Ella.

"Kasi mga bastos kayo!"

"Edi doon ka sa kaibigan mong as—!"

"Ano? Ituloy mo! Aswang?! E ano ngayon kung aswang si Moymoy?"

Pinakawalan ni Moymoy ang namuong hangin sa dibdib dahil sa sama ng loob at tahimik na tumayo sa kinauupuang desk at naglakad patungo sa kinaroronan ng tatlong bully at ni Ella. "Onyok, Diego, Gordon, pakawalan niyo si Ella."

Nagtinginan ang tatlong bully at pagkatapos ay pinakawalan si Ella.

"Huwag na huwag niyong gagawin uli iyon sa babae, gaya ni Ella. Please lang," malumanay na sabi ni Moymoy.

Pagtalikod ni Moymoy ay nilagay uli ni Onyok ang dalawang pangil na papel sa mga ngipin at nagmuwestrang tinatakot si Moymoy. Natawa sina Diego at Gordon, ganoon din ang mga kaklase na nakakakita sa ginagawa ni Onyok.

Tumigil si Moymoy sa kanyang paglalakad patungo sa kanyang desk, nalalaman niyang niloloko siya ni Onyok. Bigla siyang humarap sa tatlong bully at parang kidlat na nagpalit ng anyo—bigla siyang naging tigre. Ininganga ang bibig. Pagkatapos ay bigla siyang naging ibon at lumipad-lipad sa harapan nina Onyok, Gordon, at Diego. Naging malaki siyang paniki. Ipinakita ang kanyang tunay na ulo at ang mukhang galit na galit. Pagkatapos ay naging aso na may tatlong ulo. Tumahol siya nang tumahol.

Napaurong bigla sina Onyok, Diyego, at Gordon. Takot na takot silang tumakbo sa labas ng silid aralan.

Ang ibang mga estudyante ay nanatili sa kanilang mga upuan—hindi sila nakaalis sa pagkagulat.

Naging puting kalapati si Moymoy. Bigla siyang lumipad. Pinalibutan ang buong silid aralan. Sinundan siya ng tingin ng mga kaklase sa kanyang paglipad hanggang sa dumapo siya sa mesa ng titser.

Marahan ay nilapitan ni Ella si Moymoy na nanatiling nakadapo sa mesa. "Moymoy...?"

Lumipad si Moymoy sa harap ni Ella.

"Moymoy...," napapangangang sabi ni Ella.

Sa kanyang paglipad ay biglang bumalik sa tunay na anyo si Moymoy. Tumayo sa harapan ni Ella.

"Hello, class! Magandang umaga!"

Lahat ay biglang napatingin sa titser na kapapasok sa silid aralan.

Nagtungo sa gitna ng silid aralan ang titser at pinagmasdan ang lahat ng estudyante na nakatulala.

"Hello," anang titser. "Bakit para kayong namatanda riyan?"

a

Moymoy Lulumboy Book 3 Ang Paghahanap kay Inay  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon