KABANATA 33: ANG PAGSASAULI

1K 59 6
                                    



SA MALAKING HAGDAN na matatagpuan sa isa sa pinakamalaking bulwagan at tanggapan ng palasyo ng Sibol Encantada patungo sa Himpabulan, hangos na umaakyat sina Marino, Ilawi, at Amihan. Nangunguna si Marino sa kanilang pag-akyat.

"Paano nakapasok ng Panalturan si Buhawan?" tanong ni Ilawi.

"Hindi ako ang nagpapasok sa kanya," sagot ni Amihan.

"Lahat sa atin, may susi ng Pinto ng Panalturan, kaya isa sa atin ang nagbigay kundi man kay Buhawan ay kay Moymoy," sabing muli ni Ilawi.

Nanatiling tahimik na umaakyat ng hagdanan si Marino.

"Marino?"

Huminto si Marino sa pag-akyat ng hagdanan at bumaling kay Ilawi na siyang pinanggalingan ng boses. Tiningnan niya ito nang diretso. "Nalalaman kong hindi mapapasakanya ang mga Ginto ng Buhay. Si Buhawan ang tinutukoy ko," mahinahong sabi ni Marino.

"Kaya ibinigay mo ang susi kay Moymoy," salo ni Amihan.

Tumingin si Marino kay Amihan at tumango. "Sa katangiang taglay ng isang tibarong kagaya ni Buhawan, hindi mapapasakanya ang mga Ginto ng Buhay."

"Kaya nagawa mong ilagay tayo sa kapahamakan? Inilagay mo sa peligro ang kalagayan natin. Dahil puwedeng maglaho ang kapangyarihan natin kapag nakuha ni Buhawan ang lahat ng ginto." May galit ang tinig na iyon ni Ilawi.

Ngayon ay piniling tuluyan nang humarap ni Marino sa dalawang kapatid. "Kabutihan ang nangibabaw sa akin. Mga diyos tayo na dapat maging magandang halimbawa. Hahayaan n'yo bang mamatay ang kapatid nating si Liliw at ang kanyang anak dahil puwedeng mapahamak ang kapangyarihang sinasabi ninyo? Tama nga si Moymoy, may kaguluhan sa atin. Hindi tayo iisa bilang kinikilalang mga diyos ng Gabun."

May katahimikang bumalot sa kanilang tatlo.

"Hangal ang mag-iisip na hindi kayang-kayang talunin ni Moymoy si Buhawan sa pagpasok sa Panalturan. Busilak ang puso ni Moymoy kaya siya ang nakapasok sa kinaroroonan ng mga Ginto ng Buhay. Nakalimutan n'yo na wala nang makapapasok sa kasalukuyang kinaroroonan ng mga ginto kundi ang may malinis na kalooban na kagaya ni Moymoy. At hinding-hindi ang kagaya ni Buhawan."

Napaisip si Ilawi, iniwas ang tingin kay Marino. Si Amihan naman ay napayuko.

Tuluyan nang tumalikod si Marino para umakyat. Sumunod sa kanya sina Ilawi at Amihan. Nang makaakyat na sila, nilakad nila ang pasilyo. Sa dulo ng pasilyo, naroon ang malaking pinto ng Himpabulan.

Dalawang diwata ang nagbukas ng Himpabulan. Yumukod ang mga ito para magbigay-galang sa pagpasok ng mga Apo—sina Marino, Ilawi, at Amihan.

Sa loob, nadatnan ng mga Apo si Liliw bilang alitaptap, lumilipad-lipad ito sa kinaroroonan ng kanyang trono. Sa gitna ng Himpabulan ay naroon ang isang Ginto ng Buhay na lumulutang-lutang. Sa harap nito, naroon sina Moymoy na suot pa rin ang makapangyarihang baluti. Sa tabi niya ay si Alangkaw. Sa likuran nina Moymoy at Alangkaw ay naroon sina Montar, Wayan, Hasmin, Luigi, at Carla.

Marahang lumaki ang alitaptap na si Liliw at pagkatapos ay lumipad sa kinaroroonan ng mga trono.

"Liliw!" Hangos na humarap si Amihan sa kanya.

'Marino, Ilawi, Amihan,' pinuntahan ni Liliw ang mga kapatid.

"Patawad, Liliw," malungkot na sabi ni Marino. "Patawad sa naging desisyon sa Hukuman."

Moymoy Lulumboy Book 3 Ang Paghahanap kay Inay  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon