KABANATA 28: "NASA AKIN ANG SUSI"

822 55 4
                                    


"ANO'NG IPINUNTA MO rito? Kung hindi mo dala ang susi ng Panalturan, umalis ka rito! Mamamatay ang nanay at kapatid mo!" singhal ni Buhawan pagkakita kay Moymoy.

Sa loob ng palasyo, naroon ang mga kampon ni Buhawan—lumilipad-lipad ang iba. Ang iba nama'y nakatingin at nag-uusyoso sa pag-uusap nila ni Buhawan. Pero hindi napansin ni Moymoy ang presensiya ng mga iyon—nakatuon ang isip sa sarili niyang pakay.

Nanatiling nakatayo si Moymoy sa harap ni Buhawan. Mahinahon na pinagmasdan lamang si Buhawan habang nakaupo sa trono nito.

"Ano'ng itinatayo-tayo mo riyan?! Umalis ka rito!" Lalo pang lumakas ang boses ni Buhawan.

"Dala ko. Ang susi ng Panalturan." Marahan ang pagkakasabing iyon ni Moymoy pero may diin ang lahat ng mga salitang sinabi.

Biglang tumayo si Buhawan. "Totoo ba ang sinasabi mo?"

Maging ang mga kampon ni Buhawan na nakarinig sa sinabi ni Moymoy ay napatigil at nagbulong-bulungan.

"Bakit ako magsisinungaling sa 'yo?" Ipinakita ni Moymoy sa kanyang palad ang susi ng Panalturan kay Buhawan.

"Paano nangyaring—"

Hindi pinatapos ni Moymoy ang sinasabi ni Buhawan. "Hindi matiis ni Apo Marino na mamatay ang nanay at kapatid ko, kaya nakipagkita siya sa akin nang pasikreto. Ibinigay niya ang susi sa akin."

Akmang susunggaban ni Buhawan ang susi, pero biglang isinara ni Moymoy ang palad. "Kailangang kasama mo 'ko."

"At bakit?" galit na tanong ni Buhawan.

"Sinabi ni Apo Marino ang direksyon sa akin kung papaano makakapasok sa Panalturan. Ako lang ang nakakaalam," sagot ni Moymoy.

"Papaano?"

"Malalaman mo kapag naroon na tayo."

"Ganoon ba?"

Napaisip si Buhawan. Nag-ilaw ang korona sa kanyang noo. Hindi ako maloloko ni Moymoy! Nasa akin ang korona ni Ingkong Dakal kaya malalaman ko ang mga kilos niya sa loob ng Panalturan. Ako ang makakakuha ng mga ginto!

"Kung iniisip mo na may silbi ang korona ni Ingkong Dakal sa pagpunta natin sa Panalturan, nagkakamali ka. Hindi magiging mabisa ang ano mang kapangyarihan maging ang diwani na ibinigay sa akin sa pagpunta natin doon."

Nagulat si Buhawan sa narinig kay Moymoy. Pagkatapos ay napaisip siya. "Sige. Papayag ako na tayong dalawa ang papasok sa Panalturan."

Bigla'y nagkaroon ng pakpak si Moymoy at ikinampay ang mga iyon. Umangat siya sa kanyang kinatatayuan, nanatiling nakaharap kay Buhawan. Nanatili pa ring mahinahon si Moymoy. "Ginagawa ko ito para iligtas ang nanay at kapatid ko."

Napangisi si Buhawan. "Mas mahalaga sila sa 'yo kaysa sa mga Ginto ng Buhay?"

Tumango si Moymoy.

Bigla, nagkaroon din ng pakpak si Buhawan. Ginalaw-galaw niya ang mga iyon. "Kung gayon, Moymoy. Halika at huwag tayong magsayang ng panahon."

Naunang lumipad si Moymoy, sumunod si Buhawan. Sa kanilang paglipad sa kalawakan, hindi napansin ni Moymoy ang nagngangalit na sikat ng araw. Ang gusto lamang niya'y maibigay kay Buhawan ang gusto nito para iligtas ang ina at kapatid sa bingit ng kamatayan.

Patuloy na lumipad si Moymoy. Sa di-kalayuan ay nakikita niyang lumilipad din si Buhawan. Sa sulok ng kanyang mga mata, nakikita niyang natutuwa si Buhawan habang sinusundan siya sa kanyang paglipad.

Ang direksiyon ng kanilang paglipad ay patungo sa Sibol. Sa pinakadulo ng isla ay mayroong nag-iisang islang nakahiwalay. Kitang-kita nila roon ang nag-iisa at napakalaking gusali na nakatirik sa isla—ang Panalturan. Napangisi si Buhawan nang makita iyon.

Nang malapit na sila sa Panalturan, dahan-dahan ay huminto si Moymoy. Sa kanyang paglipad, habang pumapagaspas ang mga pakpak, pinagmasdang mabuti ang gusali. Napaisip siya. Ito ang pinakaimportanteng gusali sa Gabun. Ang pinagmumulan ng kapangyarihan ng mga diyos—ng mga Apo.

Muling pinagmasdan ni Moymoy ang Panalturan. Wala itong kasinringal. Sa isip niya, ito ang pinakamagandang gusaling nakita niya sa kanyang buong buhay. Halos ang buong kulay nito ay ginto. Ang ipinagtataka ni Moymoy, walang masyadong dekorasyon ang gusali ng Panalturan pero ang kulay at ang kabuuan nito ay nagniningning. Nakakatawag-pansin ang ringal at kapangyarihan!

Mayamaya, ibinaling niya ang tingin sa kinaroroonan ni Buhawan, pero natigilan si Moymoy nang nakitang wala na siya roon, bagkus nakalipad na siya paibaba, papunta sa Panalturan. Dagling lumipad na rin si Moymoy patungo sa isla.

Naunang dumapo si Buhawan malapit sa gusali ng Panalturan. Naglakad ito palapit doon. Sumunod si Moymoy sa kanya.

Pagdating sa pinto, napahinto sila. Napangisi si Buhawan. "Walang pagbabago ang pintong ito. Minsan ko na itong pinasok." Malayang lumabas iyon sa kanyang bibig. Kaagad siyang bumaling kay Moymoy. "Ang susi?"

Naglakad si Moymoy palapit sa Pinto ng Panalturan. Hindi inalis ang tingin rito. Si Buhawan ay mabilis na nagpunta sa kinaroroonan ng pinto, hinintay si Moymoy.

Pinagmasdan saglit ni Moymoy ang pinto at pagkatapos ay pumunta sa pinakagitna nito at isinuksok ang susi. Nang magbukas ang pinto, unti-unting naging likido ang susi, pumatak na parang luha at pagkatapos ay naglaho.

Pagbukas ng Pinto ng Panalturan, kulay-puti ang paligid. Isang lugar na parang puno ng usok na hindi gumagalaw. Isang kawalan! 

Moymoy Lulumboy Book 3 Ang Paghahanap kay Inay  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon