KABANATA 32: 'DUMAMI' SI MOYMOY

925 55 3
                                    



WALANG TIGIL SA pagsigaw si Buhawan nang makitang naging pulbos ang lahat ng nasa sako na akala niya'y mga ginto. Hindi niya matanggap ang kabiguan!

Samantala, ang lahat ng mga tibaro ay inabangan ang paglapit ni Moymoy sa liwasan. Pinili nitong dumapo sa terasa ng palasyo. Ibang-ibang Moymoy ang nasilayan ng lahat ng naroroon. Isang Moymoy na makapangyarihan na sa unang tingin pa lamang ay hindi mo tatangkaing hamunin ng ano mang laban.

"Mahal na mga Apo." Nagsalita si Moymoy sa makapangyarihang boses. "Kung ano man ang tangka ni Buhawan at ang pangkat nito, ako ang bahala."

"Moymoy?" Nakilala ni Alangkaw ang boses na iyon.

Lumapit si Moymoy kay Alangkaw. "Narito ako, ipagtatanggol kita pati si Inay."

Ipinakita ni Alangkaw ang hawak na garapon at pagkatapos ay binuksan niya iyon. Sa dumidilim na sinag ng araw, kitang-kita ang kumukuti-kutitap na alitaptap na si Liliw. Lumipad-lipad ito saglit sa harap ni Moymoy at ito ay nabuo bilang si Liliw—nagniningning ang katawan.

"Huwag kang mag-alala," malumanay na sabi ni Liliw. "Suot mo ang kapangyarihan naming mga Apo, hindi ka masasaktan ng kahit ano pa man."

Bigla, niyakap ni Moymoy si Liliw nang mahigpit. Hinawakan ni Liliw si Alangkaw palapit sa kanila ni Moymoy at nagyakapan silang mag-iina.

"Ipinagmamalaki ko kayo bilang mga anak ko," nakangiting sabi ni Liliw sa malumanay na boses.

"Hindi ako magpapatalo!" singhal ni Buhawan.

Kumalas si Moymoy sa pagkakayakap kay Liliw at Alangkaw. Humarap siya kay Buhawan. "Buhawan, may pagkakautang kang dapat mong bayaran. Una, isauli mo ang mga mata ng kapatid ko, pangalawa, ang korona ni Ingkong Dakal, at pangatlo ang natitirang ginto na nasa iyo."

"Hindi! Hindi ako kilalang nagpapatalo nang walang laban!" Bigla kinuha ang itim na supot sa kanyang damit at kinuha ang isang Ginto ng Buhay na nasa kanya. Nilunok niya iyong bigla kaya nabalutan ang katawan niya ng baluti.

"Huwag mong subukan, Buhawan. Isang ginto lang ang nasa iyo. Lahat ng ginto, nasa katawan ko," babala ni Moymoy.

"Kahit na. Puwede ko pa ring patayin ang mga Apo! Hindi ako tatablan ng kapangyarihan nila dahil suot ko ito!" Itinutukoy ni Buhawan ang baluting nilikha ng nilunok niyang ginto.

Biglang naglabas ng espada si Buhawan sa kanyang kamay at pagkatapos ay iwinasiwas ito kay Marino. Nakaiwas si Marino. Si Ilawi naman ay biglang itinaas ang kanyang dalawang kamay at lumabas doon ang apoy na animo'y kidlat patungo kay Buhawan, pero hindi tinablan ang kanyang katawan. Pinakawalan din ni Amihan mula sa kanyang mga kamay ang malakas na hangin para labanan si Buhawan, pero hindi rin ito tinablan.

Hinarap ni Marino ang dalawa niyang kapatid. "May kapangyarihan ang suot niya na nagmumula sa Ginto ng Buhay, hindi natin siya kayang labanan."

Tumawa nang malakas si Buhawan at pagkatapos ay bigla siyang lumipad at humarap sa mga kampon sa liwasan. "Sugoood! Angkinin natin ang buong Gabun!"

Sa matibay na mga pakpak na ginto ni Moymoy, bigla siyang lumipad patungo kay Buhawan at hinarap ito. "Huwag kang matatangka!"

Itinulak ni Buhawan si Moymoy pero walang nangyari, bagkus nasaktan pa si Buhawan.

"Sinabi ko nang 'wag mong subukan," matigas na sabi ni Moymoy sa malalim at makapangyarihang boses.

Nakita ni Moymoy na sumusugod ang mga kampon ni Buhawan sa terasa ng palasyo. Nakita rin niya na nagsisimulang lumaban ang mga tibaro ng Gabun kaya mabilis siyang kumilos.

Sumigaw si Moymoy. "Huwag n'yong ituloy ang laban! Mga tibaro ng Gabun, ako na ang bahala!"

Nagulat ang lahat ng mga tibaro nang makita nilang lumaki si Moymoy. Ngayon ay larawan siya ng isang higanteng mandirigma na binalutan ng baluting ginto na makapangyarihan. Marahan, lumabas sa kanyang katawan ang isang mandirigma na kapareho niya. Sa mabilis na paraan ay dumami ang Moymoy na mandirigma sa tunay nitong laki. Mabilis ang mga kilos ng 'napakamaraming' Moymoy na iyon. Sarisaring tibarong kampon ni Buhawan ang hinarap niya isa-isa para labanan, kasama na rito sina Abakay, Manarang, at si Pontoho na nasa terasa.

Namangha ang lahat ng nakakakita, kahit na si Buhawan ay walang nagawa sa naging higanteng si Moymoy. Sa kalaunan, ang lahat ng kampon ni Buhawan ay hindi nagawang labanan ang makapangyarihang si Moymoy. Ang iba'y tinangkang labanan siya pero walang nagawa. Ang iba naman ay umalis na lamang, lumipad sa kung saan—tumakas at umiwas sa laban.

Ang mga tibaro ng Gabun ay patuloy na namamangha habang pinapanood ang ipinamalas na iyon ni Moymoy. Sanay ang mga ito sa pakikidigma ni Moymoy, pero ito ay hindi pangkaraniwan na pakikipaglaban—dumami ang di-mabilang na Moymoy, hinarap isa-isa ang mga kalaban at nakipagsagupa!

Hindi naglaon ang labanang iyon. Hindi dumanak ang dugo sa laban na iyon dahil ang lumaban at nagtangkang talunin si Moymoy ay walang nagawa.

Maging si Pontoho na nasa terasa ay lumipad paalis. Sina Manarang at Abakay ay magkahiwalay na tumakas.

Sa himpapawid, natira ang higanteng si Moymoy kaharap si Buhawan. Nagsama-sama ang 'maraming' Moymoy at nagtungo sa Moymoy na kaharap ni Buhawan. Unti-unti, bumalik sa normal na laki si Moymoy.

Samantala, ang lahat ng mga Apo, sina Montar, Wayan, Hasmin, maging sina Luigi at Carla at lahat ng mga tibaro ng Gabun ay sinasaksihan ang lahat ng mga pangyayari. Lahat ay namamangha. Si Liliw ay magkahalong pagkamangha at paghanga ang nararamdaman habang yakap-yakap si Alangkaw.

"Buhawan, ibigay mo ang mga mata ng kapatid ko, kundi, papatayin kita." Sinabi ito ni Moymoy sa makapangyarihan pa rin niyang boses. Patuloy ang pagpagaspas ng kanyang matitibay at malalakas na mga pakpak na tumitingkad sa liwanag na nagmumula sa buwan.

Hindi umimik si Buhawan. Nang hindi na makatiis si Moymoy, dumapo ang mga kamay niya sa mga mata ni Buhawan at dahan-dahan ay dinaklot niya ang mga iyon. "Hindi sa iyo ang mga matang ito! Sa kapatid ko ang mga ito!"

Nagliwanag ang mga mata ni Alangkaw habang dinadaklot ni Moymoy ang mga ito kay Buhawan. Sumigaw nang malakas si Buhawan. Walang tigil ang pagsigaw nito.

Samantala, pinagmasdan ni Moymoy ang mga mata ni Alangkaw na patuloy na nagliliwanag habang nasa kamay niya ang mga iyon. Pagkatapos ay parang may buhay na nagtungo ang mga mata ni Alangkaw sa kapatid.

Muling hinarap ni Moymoy si Buhawan at pagkaraan lamang ng ilang saglit ay buong lakas na hinila niya ang korona na nakadikit sa noo nito. Muli pang nasaktan si Buhawan at napasigaw.

Sa himpapawid, napahiga si Buhawan, bumaluktot ang katawan dahil sa sakit na nararamdaman. Napanganga ito at sa kanyang bibig ay lumabas ang Ginto ng Buhay!

tHD8wZxQ

Moymoy Lulumboy Book 3 Ang Paghahanap kay Inay  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon