KABANATA 21: "NAKITA KO NA ANG NANAY MO"

856 43 0
                                    



TAHIMIK ANG GABI. Sa pagamutan ng kastilyo ni Wayan, nakaupo sa katre si Alangkaw.

Nalalaman ni Alangkaw na kahit anong bukas niya sa kanyang mga mata, mananatili at mananatili ang dilim sa kanyang mundo. Napakunot-noo siya. Ilang beses na niyang tinangkang umiyak pero walang luhang lumalabas sa kanyang mga mata. Sa loob-loob niya, may nararamdaman din siyang pagsisisi sa pagpiling mga mata niya ang kunin ni Buhawan sa halip na ang kay Moymoy. Sa kabilang banda, sinasabi ng kanyang kalooban na mas nakahihigit ang pinili niya dahil si Moymoy ang may diwani at mas kailangan ang kapatid ng mga tibaro.

Tumayo si Alangkaw. Dahan-dahan siyang naglakad. Ganito ba? Ganito nga ang isang bulag.

Nagdahan-dahan siya. Hinanap ang kinaroroonan ng dingding. Iyon ang naging gabay niya para makarating sa pintuan. Nakarating siya sa hagdanan. Dahan-dahan siyang umakyat at nang makapa ang pinto palabas ay marahan niya itong binuksan. Naginhawaan siya nang maramdaman ang simoy ng hangin.

Ang sarap pala ng simoy ng hangin. Ang amoy ng lupa at ang amoy ng mga punongkahoy, isip niya.

Tumingala si Alangkaw, para makita ang mga bituin at ang maliwanag na buwan. Pero natigilan siya nang manatili ang kadiliman.

Bulag nga pala ako...

Marahan, may mga bulong na narinig si Alangkaw. Ang hindi niya nalalaman may mga alitaptap na umaali-aligid sa kanya. Pumapalibot sa kanya.

'Alangkaw... Alangkaw...'

Narinig ni Alangkaw sa kanyang isipan ang mga iyon sa napakaliit na tinig na hindi niya nalalaman kung saan nagmumula—sa paligid o sa kanyang kaloob-looban.

"Sino kayo?" tanong ni Alangkaw. "Ano'ng kailangan n'yo?"

'Alangkaw, lakasan mo ang loob mo. Sa ano mang pagsubok ang darating sa 'yo, manatili kang matatag.'

"Sino kayo? Nasaan kayo?"

Nagpaikot-ikot ang mga alitaptap sa itaas ng kinaroroonan ni Alangkaw at pagkatapos ay binalutan ang kanyang katawan. Nagningning si Alangkaw dahil sa mga alitaptap. Pagkatapos ay palayong lumipad ang mga ito at naghiwa-hiwalay sa himpapawid.

Biglang nakaramdam ng ginaw si Alangkaw. Marahan ay tumalikod siya, kinapa-kapa ang papasok sa kastilyo. Mayamaya ay natigilan siya. May naramdamang nakatayo sa kanyang harap. Kinapa niya ito. "Sino ka?" Muli pa niyang kinapa ang nakatayo sa kanyang harap—sa katawan nito hanggang sa mukha. Hindi nagtagal, nakilala niya kung sino ang kinakapa. "Buhawan!"

"Oo, Alangkaw. Narito ako para sabihin sa iyong nakita ko na si Liliw. Ang nanay mo. Gusto mong malaman kung nasaan siya?"

"Ha?"

"Narito siya," tugon ni Buhawan.

"Saan?"

"Narito siya. Hawak ko."

Sa kamay ni Buhawan, hawak niya ang isang itim na garapon. Naroon si Liliw—kumikislap-kislap sa loob niyon.

Nagulat si Alangkaw nang mapahawak sa garapon. Napanganga at napaurong.

PAKALADKAD NA HAWAK ni Buhawan si Alangkaw. Sa isang kamay ni Buhawan ay hawak ang garapong kinaroroonan ni Liliw.

"Nasaan ang nanay ko? Saan mo kami dadalhin?!" May tinig ng pagmamakaawa ang tanong na iyon ni Alangkaw.

Hindi siya sinagot ni Buhawan.

Nang marating ni Buhawan ang Dalumdum at nasa harap na siya ng dati niyang palasyo, pinagmasdan niya itong saglit. Napangiti siya at nakaramdam ng kasabikan.

"Sa dati mong tirahan, dito kita dadalhin kasama mo si Liliw!" pasinghal na sabi ni Alangkaw. "Wala kang silbi! Pinalaki kita para pakinabangan! Ngayon, magsama kayo ng nanay mong Apo! Lagot kayong lahat sa akin!"

Pagbukas ni Buhawan sa palasyo, tumambad sa kanya ang malaking bulwagan. Kahit madilim, nakita ni Buhawan ang kabuuan nito—ang napabayaang palasyo ng Dalumdum. Nakita niya ang mga agiw na nakapalibot. Pero napangiti siya nang makita ang kanyang trono na naroroon pa—ang tronong ginamit din ni Alangkaw noon.

Pagbukas ng pinto ay pinagtutulak ni Buhawan si Alangkaw papasok. "Diyan ka! Pinabayaan mo nang ganito itong kaharian ko! Wala kang kuwenta! Makikita mo, ibabangon ko uli ang lahat! Sa akin luluhod ang lahat, pati mga Apo!"

Sa pinakasulok ng palasyo, doon sila nagtungo. Tinutulak at mayamaya ay kinakaladkad ni Buhawan si Alangkaw habang hawak-hawak pa rin sa isang kamay ang garapon na kinaroroonan ni Liliw. Bumaba sila sa isang hagdanan papunta sa pinakailalim na bahagi ng palasyo. Nang marating nila ang isang yungib na nasa sahig, binuksan ni Buhawan ang rehas na takip niyon.

Humarap si Alangkaw kay Buhawan. "Saan mo kami dadalhin? Bakit ka nagkakaganito?"

"Diyan sa ilalim ng lupa!"

Nakakita ng matalim na bato si Buhawan at dinampot iyon. Bigla niyang hiniwa ang pisngi ni Alangkaw ng dalawang beses, pa-ekis.

Napasigaw nang malakas si Alangkaw.

Biglang lumakas ang liwanag na nagmumula sa garapon—parang humihingi ng saklolo si Liliw sa kanyang nakita; nalalaman niya ang nangyari sa kanyang anak!

"Bagay sa kagaya mong tumiwalag sa akin! Iyan ang marka mo! Marka ng isang suwail na pinalaki kong nauwi sa wala! Traidor!" Biglang itinulak ni Buhawan si Alangkaw pababa sa yungib. Nadapa si Alangkaw sa hagdanan. Kinapa ang nananakit na sugat sa kanyang pisngi.

"Diyan ka! Mabulok kayo riyan ng nanay mo!"

Kinapa-kapa ni Alangkaw ang hagdanan. Nalalaman niyang malalim ang lagusan ng yungib na iyon dahil umalingawngaw ang boses ni Buhawan.

"Baba!" Sabay tapon ni Buhawan sa garapon na kinaroroonan ni Liliw.

Pagsara ni Buhawan sa rehas na takip ng yungib, kinuha niya sa itim na supot ang Ginto ng Buhay. Pinagmasdan iyon sa kanyang palad. Sa kanyang isipan, gusto niyang balutin ang katawan ng gintong baluti. At iyon ay unti-unting nangyari—nabalutan ang katawan ni Buhawan ng gintong baluti. Pagkaraan ng ilang saglit, ngumanga siya at bumuga. Lumabas sa kanyang bibig ang hanging kulay-ginto. Nagtungo iyon sa takip na rehas ng yungib. Nasukluban nang tuluyan ang lagusan ng matibay na metal na nanggaling sa ginto.

Samantala, sa loob ng yungib, dinig na dinig ni Alangkaw ang pagsara ng takip na rehas ng yungib. Kinapa-kapa niya ang hagdanan. Dahan-dahan siyang bumaba. Ang marahang pagbaba niya ay binilisan nang maalalang si Liliw ay itinapon ni Buhawan at maaaring nasa sahig ng yungib.

Nang makarating si Alangkaw sa lupa na nagsisilbing sahig ng yungib, kinapa-kapa niya ang kinalalagyan ni Liliw. Gumapang siya sa iba't ibang direksiyon hanggang sa makapa niya ang garapon! Napanganga siya.

Napakunot-noo si Alangkaw habang hawak-hawak ang kinaroroonan ni Liliw, ang kanyang ina. Itinapat niya ang garapon sa kanyang mukha kahit na nalalamang hindi naman niya iyon makikita. "Inay?"

Patuloy na lumilipad-lipad at kumislap-kislap si Liliw sa loob ng garapon na lalo pang nakapagbibigay liwanag sa kalunos-lunos na mukha ni Alangkaw.

Marahan... binuksan ni Alangkaw ang takip ng garapon.

Moymoy Lulumboy Book 3 Ang Paghahanap kay Inay  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon