KABANATA 14: ANG ALITAPTAP

1.2K 59 0
                                    


HINDI lumipat ng tirahan si Sandra kahit na may nangyaring aksidente sa kanya sa tinitirhang condo na muntik na niyang ikamatay. Ipinaayos niya iyon kung papaano ang dati niyang itsura. May mga kaibigan siyang nagpayo na iwan na lamang ito dahil may kamalasan daw at baka mas masama pa ang mangyari sa kanya. Pero hindi siya nakinig.

Pagpasok niya sa penthouse, hindi niya maiwasang hindi maalala ang nangyari sa kanya lalo na at ang malaking bintanang salamin ang bumubungad sa kanya tuwing siya'y umuwi. Maaalala nga niya saglit ang insidenteng iyon at mabilis na inaalis sa kanyang isipan kapag pinagmamasdan na niya ang tanawin ng siyudad at ang kumikislap-kislap na Ilog Pasig na nagkakaliwanagna nagmumula sailaw ng mga gusali at sa maliwanag na buwan.

Si Elsa na kanyang kasambahay ay umuuwi at umaalis pagdating ng alas singko pagkatapos ng mga gawain niya sa condo. Kung tutuusin, kung ikukumpara si Sandra sa ibang mayayaman na gaya niya ay simple siyang mamuhay. Wala siyang luho o mamahaling ari-arian maliban sa penthouse at ang sasakyan.

One cannot have everything in life. And I don't intend to own the world. Mamamatay rin naman ako. Ang hiling ko lang sa buhay, magagawa ko ang gusto kong mangyari para sa kalikasan," isip niya.

Pero ang totoo, ang dahilan kung bakit ayaw niyang umalis sa lugar na iyon, bukod sa ganda ng Ilog Pasig na nagpapaalala sa kanyang adbokasiya ay para lalong hindi manghinala ang mga taong may mga mananaggal at mga aswang nga na umatake sa kanya. Nakita niya kasi kung papaano pagpiyestahan ang pagbabalita tungkol sa nangyari sa kanya sa condo. Na nang magising siya sa ospital, sinabi niyang isa itong aksidente at hindi totoong inatake siya ng aswang at manananggal. Pagkatapos ng isang interview, hindi na siya nagpaunlak pa ng iba pang interview kung ito rin lang ang pag-uusapan.

Marahan ay umupo si Sandra sa sopa. Hindi inaalis ang tingin sa Ilog Pasig. Pagkaraan ng ilang saglit, hindi niya namamalayan na pumipikit-pikit ang kanyang mga mata.Nararamdaman niyang inaantok-antok na siya at alam niyang pumipikit-pikit ang kanyang mga mata habang nakatitig sa kumikslap na tubig ng ilog. Hindi bago kay Sandra ang ganitong pakiramdam kasi'y lagi siyang pagod tuwing umuwi.

Hindi kailangang malaman ng mga tao ang tungkol sa mga aswang at manananggal kahit na alam kong totoong mayroon.

Hindi niya sinabi sa mga nagtatanong ang totoong dahilan kung bakit hindi niya nilisan ang kanyang condo na pinangyarihan ng pag-atake sa kanya nina Abakay at Manarang. Hindi niya sinabi ang totoo dahil ayaw niyang guguluhin siya ng media kapag sinabing inatake nga siya ng isang aswang at ng isang manananggal. Kung hindi siya pagtatawanan, baka sabihing baliw siya. Kaya nang ipaayos niya ang bintanang salamin, tiniyak niyang makapal at matibay na matibay ito at hindi kayang basagin ng kahit na anong mabangis na hayop.

Sa pagpikit-pikit ng mga mata ni Sandra dahil sa pagkaantok natitigilan siya sa palagiang bumabalik-balik na aalala nang maaksidente siya sa mismong tirahan.Ang tangkang pagpatay sa kanya nina Abakay na manananggal at ang aswang na si Manarang. Sandaling nagbukas ang kanyang mga mata. Napakunot-noo at sa kanyang harapan ay para niyang nakikita ang nangyari.

PATULOY sa pagpupumiglas si Sandra habang nakapulupot sa leeg niya ang mahabang dila ni Manarang sa kanyang leeg.

"Ahhhh..." pilit na sigaw ni Sandra pero halos walang lumalabas sa kanyang bibig. Kahit na nakapikit na ito sa sakit, nakikita pa rin niya ang halimaw na kabuuan ni Manarang—kulubot ang mukha, sarat ang ilong, at puti ang mahaba niyang buhok. Parang naaagnas ang buong katawan.

Bigla, binitiwan ni Manarang si Sandra. Habol ang paghingal nito habang nakahandusay sa sahig. "Sino kayo? Ano'ng gusto niyo sa akin?" Pinilit ni Sandras na magsalita kahit na gimbal na gimbal sa mga sandaling iyon.

Biglang pumagaspas ang maiitim at malalapad na pakpak ni Abakay at inilapit ang mukha sa mukha ni Sandra at ngumisi. "Papatayin ka namin." Mahinahon ang pagkakasabi ni Abakay pero nananatili ang nanlilisik na mga mata nito at ang pagtulo ng laway dahil sabik na sabik na niyang lapain si Sandra.

Dala ng matinding takot, biglang itinulak ni Sandra si Abakay. Tumilapon ang manananggal sabasag na bintanang salamin at nasugatan. Nasaktan at nanlaki ang mga mata nito—nagulat sa ginawang iyon ni Sandra. Nanlisik pang lalo ang mga mata ni Abakay na binalingan si Sandra—tinakot sa matutulis na kuko sa kanyang mga kamay, ipinakita ang mga pangil at ang mabangis na anyo. "Lalaban ka?!" Lalaban ka?!

Patuloy sa paghingal si Sandra. Biglang dinampot ang plorerang nasa tabi at hinampas kay Abakay. Tumilapon ang manananggal. Lalo pa itong nagalit kaya muling binalingan si Sandra. "Matapang ka a! Puwes paglalaruan muna kita, bago ka namin patayin!"

Biglang binuhat ni Abakay si Sandra.

"Hoy! Saan mo dadalhin 'yan?!" sigaw ni Manarang.

"Kulit e! Matapang ang gaga!" sagot ni Abakay.

"Abakay, walang lalabas! Baliw ka talaga!"

Parang walang narinig na lumabas si Abakay, bitbit na hawak ang isang paa ni Sandra.

"Abakay! Haika rito! Saan mo dadalhin'yan?!" habol na sigaw ni Manarang na nanatili sa loob ng condo.

Lumipad-lipad si Abakay sa himpapawid sa labas ng condo. Humahalakhak ito habang bitbit ang nanlulupaypay na katawan ni Sandra. Walang tigil sa pagpapalag at pagsigaw si Sandra sa matinding pagkagimbal.

"Sige! Lalaban ka pa?! 'Yan ang bagay sa 'yo! Mahilo ka muna bago ka mamatay!" nanunuyang sigaw ni Abakay.

"Abakay, umandar na naman ang katangahan mo! Kapag may nakakita sa 'yo riyan! Bumalik ka rito!" sigaw ni Manarang.

Kakanta-kantang lumilipad-lipad si Abakay habang bitbit ang katawan ni Sandra, hawak ang isang paa nito. Patuloy naman sa pagsigaw si Sandra.

"Ito, watch this!" mayabang na sabi ni Abakay kay Sandra.

Binitawan ni Abakay si Sandra kaya tuluyan itong nahulog.

"Abakay!" sigaw ni Manarang. "Itigil mo 'yan! Baliw ka talaga!"

Biglang lilipad paibababa si Abakay at pagkatapos ay pahabol na hahawakan na muli ang isang paa ni Sandra. Tumatawa itong pinaglalaruan si Sandra. Bibitawan ang isang paa at pagkatapos ay pahabol na hahawakan ang isa namang paa ni Sandra. Bibitawan at ang isang paa naman ang hahawakan. Bibitawan uli at ang isang paa naman ang hahawakan. Walang tigil sa pagsigaw si Sandra.

Hindi na nakapagtimpi si Manarang kaya lumundag ito papunta kay Abakay at sumakay sa likuran nito."Tama na 'yan!" Nanggigigil si Manarang sa galit. "Tama na ang kaartehan mong yan!"

Akmang inililipad na ni Abakay paitaas si Sandra nang makita ni Manarang ang isang taong nakadungaw sa bintana ng kabilang condo.

"Ay naloko na! May tao!" sigaw ni Manarang.

Napanganga at nanlaki ang mga mata ni Abakay na nakatingin sa nakadungaw sa bintana. Sa gulat, biglang nabitawan nito ang paa ni Sandra. Huli na nang malamang nahuhulog na si Sandra at patuloy sa pagsigaw.Hinabol na muli siya ni Abakay at sinunggaban ang isang paa.

"Manananggal!" sigaw ng isang taong nasa kalsada

"Ay nadali na!" inis na singhal ni Manarang. "Nakita tayo! Gaga!"

Biglang binitawan ni Abakay si Sandra at hinayaang mahulog. Sumabit ito sa puno at pagkatapos ay nalaglag ang katawan sa sementadong dinaraanan ng mga tao.

TULUYAN nang nakatulog si Sandra at unti-unti ring nawala sa kanyang isipan ang nangyaring aksidente sa kanya. Naging payapa ang kanyang mukha. Marahan may nagbago sa mukha ni Sandra. Lumiliwanag iyon. Marahang gumapang ang liwanag na iyon paibaba sa kanyang katawan. Naglakbay ang liwanag sa katawan ni Sandra na parang umaalon-alon at masuyong yumakap sa buo niyangkatawan. Huminto iyon sa kanyang noo. Hanggang unti-unting naglaho ang buong katawan ni Sandra at tuluyan nang naging liwanag. Nagtipon-tipon ang liwanag. Lumiit ito nang lumiit hanggang sa halos maging isang tuldok na lamang—kumisap-kisap at kumislap-kisalap hangang sa ito'y naging alitaptap!

Moymoy Lulumboy Book 3 Ang Paghahanap kay Inay  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon