KABANATA 7: KOMPRONTASYON

1.2K 60 0
                                    



"ANO ANG ibig sabihin ng ipinunta niyo rito? Para kuwestiyunin kaming mga diyos?" matigas na tanong ni Marino habang nananatiling nakaupo sa kanyang trono.

Sa gitna ng Himpabulan, naroroon sa harapan ng mga Apo sina Moymoy, Alangkaw, at Montar.

"Gusto kong malaman kung bakit napakulipit ng sumpang ipinataw ninyo sa mga tibaro. Kung mga diyos kayo, hindi ba dapat na mababait kayo at mapang-unawa?"

Nagulat si Montar. Biglang lumapit kay Moymoy. "Moymoy, huminahon ka. Mga Apo ang nasa harapan mo."

"Montar, nagpapatayan ang lahat ng mga tibaro. Kinakain nila ang isa't isa. Nilalapa nila ang isa't isa. Wala silang pinipili. Kaibigan. Kapatid. Kahit na mga magulang, magpapamilya ay pinapatay at kinakain ang isa't isa. Walang kasing lupit ang sumpa. Si Ibalong Saryo, napatay ko siya dahil sa gabi ng dugon."

"Si Ibalong Saryo? Ang nagsanay sa 'yo." Halos walang damdaming tugon ni Ilawi.

"Oo, siya ang nagsanay sa akin para maging mandirigma. Isa rin siya sa nagturo sa akin kung papaano ko tanggapin ang pagiging isa kong tibaro," nagmamalaking sagot ni Moymoy.

"Ninakaw ng isa sa inyo ang ilang mga ginto, ano ang gagawin naming mga diyos? Matuwa?" sagot ni Ilawi na nanatili ring nakaupo sa kanyang trono.

"Si Buhawan lang 'yon," matigas pa ring sagot ni Moymoy. "Isang tibaro na nagkasala pero damay ang lahat ng tibaro. Bakit gano'n?"

Tumayo si Ilawi at nilapitan si Moymoy. "Batang galing sa Amalao at pinalaki ng isang buntawi, wala kang nalalaman sa batas na iginawad namin sa sino mang papasok sa Pinto ng Panalturan. At higit sa lahat, wala kang nalalaman kung gaano kahalaga sa amin ang gintong ninakaw ni Buhawan, kaya huwag na huwag kang magsalita nang ganiyan..!"Halos nanginginig ang mukha ni Ilawi sa galit.

"Ipagpaumanhin ninyo, mahal kong mga Apo," malumanay na pakiusap ni Montar. "Pasensiya na kung mapangahas si Moymoy. Malapit na malapit kasi sa kanya ang namatay at nasaktan pa ang kanyang kapatid sa nakaraang gabi ng dugon. Pati malapit niyang kaibigan dito sa Gabun na si Hasmin ay muntik nang namatay."

"Sa susunod, Montar," pagpapatuloy ni Ilawi. "Hinding-hindi ko papayagan ang sino mang magpunta rito para sumbatan kaming magkakapatid sa ginagawa namin. Naiintindihan mo ba?"

Marahang tumango si Montar. "Makakaasa kayo, Mahal na mga Apo."

"Kung gayon, ano nga ba ang sadya ninyo rito?" muling tanong ni Marino.

Muling sinagot ni Moymoy ang tanong. "Kayong mga Apo lang ang may kakayahan na pawiin ang sumpa, puwede niyo ba itong bawiin?"

Tumayo si Ilawi sa pagkakaupo sa kanyang trono. "Ang sumpa ay sumpa, hindi na ito mababawi."

"Kayo ang pumataw ng sumpa, hindi ba, dapat kayo rin ang pumawi?" muling tanong ni Moymoy.

Naghari ang katahimikan. Nagtinginan ang tatlong magkakapatid na sina Marino, Ilawi, at Amihan.

Napansin ni Moymoy ang isang tronong bakanteng dating inuupuan ni Liliw. "Kung nandito ang Nanay namin, siguro'y napagbigyan niya kami."

"May kinalaman din ang ina niyo sa sinapit ng mga tibaro," matigas na sagot ni Amihan. "Isa si Liliw sa nagpataw ng sumpa."

"Ang sumpa ay sumpa. Ang sumpang ipinataw ay hindi mababawi." May tigas at sigurado ang muling pananalita ni Ilawi.

"Gaya ng sinabi ni Ilawi, hindi namin puwedeng bawiin ang sumpa. Kapag ipinataw na iyon, mananatili iyon," sagot ni Marino sa matigas nitong tinig. "Ang sumpa ay mananatiling sumpa."

Moymoy Lulumboy Book 3 Ang Paghahanap kay Inay  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon