KABANATA 27: NAKIPAGKITA SA SALAMIN

829 58 8
                                    



MARAHANG HINAWI NI Moymoy ang kurtina sa kuwarto ni Tracy. Nakita niya ang ina-inahan na mahimbing na natutulog. Tahimik pa ring umiiyak si Moymoy.

Ano'ng gagawin ko? Kahit may kapangyarihan ako, wala akong magawa para iligtas ang kapatid ko at ang Inay ko.

Gustong gisingin ni Moymoy si Tracy para sabihin ang sama ng loob. Pero pinigilan na lamang niya ang sarili at marahang pumasok sa kuwarto. Tahimik siyang humiga, pinagmasdan ang mahimbing na natutulog na si Tracy at marahan itong niyakap. Tulungan mo 'ko...

Natigilan si Moymoy nang may makita sa aparador na nasa tabi ng higaan. May nakita siyang pamilyar na anyo sa salamin nito. Marahang umupo si Moymoy at pinagmasdang mabuti ang salamin sa dilim.

Humakbang si Moymoy at lumapit sa aparador. Nakita niya sa repleksiyon ng salamin si Marino sa halip na siya ang naroroon. Tumingin si Moymoy sa kanyang likuran pero wala siyang ibang kasama roon.

Pinagmasdan ni Moymoy si Marino. Sinenyasan siya na sumama rito. Tumalikod si Marino at naglakad. Marahan, binuksan ni Moymoy ang salamin. Nakita niyang hindi damit ang naroroon kundi si Marino na naglalakad palayo. Pumasok si Moymoy sa aparador.

Sa ilang saglit, natagpuan ni Moymoy ang sarili na naglalakad sa isang lugar na noon lamang niya nakita.

"Bakit mo 'ko inaya rito, Diyos Marino? Nasaan tayo?" lumilinga-lingang tanong ni Moymoy.

"Isang tagong lugar." Nanatiling naglalakad si Marino.

Nagpatuloy na sumunod si Moymoy. Hindi niya pinansin ang dinaraanan. Basta ang alam niya, madilim ang kapaligiran. Mas mahalaga kasi sa kanya ang makausap at usisain si Marino.

"Bakit mo hinayaang mangyari ang gano'n? Hindi n'yo ba mahal ang nanay ko? Kapatid n'yo rin siya. Si Alangkaw, kadugo n'yo rin siya," panunumbat ni Moymoy.

Nagpatuloy sa paglalakad si Marino. Lumiko-liko sa iba't ibang pinto. May nakita si Moymoy na mga nilalang na ngayon lamang niya nakita. Iba-iba ang laki at hugis. Naglalakad din ang mga ito. Mayroong parang butiki, ipis, anay, at kung ano-ano pa. Sa dulo ng kanilang nilalakaran ay may malaking pinto. Nang marating nila ito, binuksan iyon ni Marino. Isang malaking kuwarto ang bumungad sa kanila. May iba't ibang aparador ang nasa loob nito. Iba't ibang klaseng aparador na may mga dekorasyon. Lahat ay may mga salamin. Saglit na nalito si Moymoy dahil sa repleksiyong nagagawa ng mga salamin.

Sa pinakamalaking aparador ay nagtungo doon si Marino. Binuksan niya iyon at pumasok sa loob. Natigilan si Moymoy. Napakunot-noo. Sumunod siya kay Marino.

Tumambad kay Moymoy ang isang malaking bulwagan. Isang apoy lamang na nanggagaling sa malaking banga ang nagsisilbing liwanag. Lumapit doon si Marino. Marahan, lumiwanag pang lalo ang liwanag na nanggagaling sa apoy ng banga. Kumalat iyon sa buong bulwagan at nagtungo sa malaking dingding. Ang liwanag ay nagkaroon ng mga hugis. Ang mga hugis ay nagkaroon ng mga linya na gumalaw-galaw sa iba't ibang direksiyon.

Itinuon ni Marino ang tingin sa dingding na kinaroroonan ng guhit.

Pinagmasdan din ni Moymoy ang guhit na iyon na nanggaling sa liwanag ng apoy sa banga.

"Ang loob ng Panalturan," marahang sabi ni Marino.

Napatingin si Moymoy kay Marino. "Bakit mo ipinapakita sa akin ang mapa ng Panalturan, Apo Marino?"

Bumaling ng tingin si Marino at tiningnan nang diretso si Moymoy. "Gusto mong mabuhay ang inay mo at ang kapatid mong si Alangkaw, hindi ba?"

Tumango si Moymoy.

"Kung gayon, makinig ka sa aking mabuti," ani Marino. "Papasok ka sa loob ng Panalturan para makuha mo ang mga Ginto ng Buhay. Isama mo si Buhawan."

"Si Buhawan. Siya lang ang may kailangan sa mga ginto kapalit ng nanay at kapatid ko."

"Dadalhin mo ang susi. Sasamahan mo siya para makarating kayo sa Panalturan." Itinuro ni Marino ang mapa. "Masalimuot ang loob ng Panalturan. Marami kaming nilikhang mga landas na puwedeng ikaligaw ninyo para marating ang kinalalagyan ng mga ginto."

Tiningnan ni Moymoy ang mapa sa malaking dingding. "Ang daming daan. Saan ba matatagpuan ang mga ginto riyan?"

"Ituturo ko sa iyo ang paraan. Makinig ka sa tagubilin at direksiyong sasabihin ko."

"Oo, Apo Marino."

Pinakinggang mabuti ni Moymoy ang paraan kung papaano makikita ang mga Ginto ng Buhay sa loob ng Panalturan. Halos hindi siya pumipikit sa mga tagubilin ni Marino. Pagkatapos niyang marinig lahat iyon kay Marino—

"Kailangan mo ang susi ng Pinto ng Panalturan," pagpapatuloy ni Marino.

"Nasaan ang susi?" tanong ni Moymoy.

Bigla, nagliwanag ang mga mata ni Marino. Natigilan si Moymoy. Marahan may dalawang butil na luha ang tumulo sa mga mata nito. Sa hindi maintindihang dahilan, biglang sinalo ni Moymoy ang mga luha ni Marino na nagliliwanag. Sa kanyang mga kamay, nagsanib at nagkaroon ng hugis ang dalawang luha ni Marino. Naging susi ito na kulay-itim.

Pinagmasdan ni Moymoy ang susi. Ang hitsura nito ay isang ordinaryong susi lamang.

Nang tuluyan nang humupa ang liwanag sa mga mata ni Marino ay nagasalita siya. "Iyan ang susi ng Panalturan. Mabubuksan mo ang pinto sa pamamagitan niyan. Diyan ka magsisimula. Pero kapag nasa loob ka na, kailangan mong sumunod sa mga direksiyon—sa mga tagubilin na sinabi ko sa iyo. Huwag na huwag mong kakalimutan, Moymoy."

"Hindi ko kailangang magsayang ng panahon. Aalis na 'ko."

"Sige, Moymoy. Malaki ang tiwala ko sa iyo."

Tumango si Moymoy at pagkatapos ay tumalikod para umalis na. Pero bigla siyang tumigil sa paghakbang at muling bumaling kay Marino. "Apo Marino, mabuti at binawi mo ang desisyon ninyo? Gusto mo ngayong mabuhay ang nanay at kapatid ko?"

"Kapatid ko si Liliw. Kahit mga diyos kami at kailangang matibay ang lahat ng desisyon namin, marunong kaming kumilala at makaramdam. Nanggaling kami sa iisang lumikha," sagot ni Marino.

Napatango si Moymoy pagkarinig niyon. Pagkatapos ay nilisan ang lugar.

Moymoy Lulumboy Book 3 Ang Paghahanap kay Inay  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon