KABANATA 6. ANG LIBING

1.5K 63 8
                                    



LUMAPIT si Wayan sa kanya. "Dapat sana'y ang pagdating mo ang ipagdiriwang natin ngayon."

Napatiim-bagang si Moymoy. Pinagmasdan ang walang buhay na si Ibalong Saryo. Nakahiga ang labi nito sa gitna ng liwasan ng Malasimbo sa animo'y pedestal na may nakapaligid na sari-saring bulaklak. Apat na sulo ang nakasindi na nakatanglaw sa labi ng matandang ibalong.

May malaking espasyo na nakalaan para sa labi ni Ibalong Saryo para maging prominente ang kinalalagyan nito. Sa paligid ng liwasan ay naroon ang lahat ng tibaro Gabun na nasa kani-kanilang mga mesa. May mga pagkain at inumin sa bawat mesa. Isang makabuluhang pagtitipon iyon para sa isang mahalagang tibaro na sumakabilang-buhay.

"Hindi ko mapapatawad ang sarili ko."

"Wala kang kasalanan. Ipinagtanggol mo lang ang sarili mo, sina Hasmin at maging si Alangkaw," sagot ni Wayan kay Moymoy.

"Paano nangyari 'yon? Bakit siya namatay? Hindi dapat namatay si Ibalong Saryo."

"Daig pa ng kamagong ang sandatang nanggagaling sa 'yo. Walang sinabi ang kamagong sa kapangyarihan mo. May dugo kang diyos, Moymoy." Si Montar ang sumagot.

Napalunok si Moymoy. Napasandal siya sa kanyang kinauupuan at pumikit. Naroon siya sa entablado, nakaupo sa espesyal na upuan, kasama sina Alangkaw, Wayan, at Montar.

Habang pikit ang kanyang mga mata, pilit na iniisip ni Moymoy ang mga nangyari sa gabi ng dugon—ang labanan, ang mga tibarong naging mga halimaw at hayok na hayok sa labanan, ang muntikan nang mapahamak na si Hasmin at ang kapatid na si Alangkaw, at ang... ang pagkamatay ni Ibalong Saryo!

Huminga siya ng malalim, pinakawalan doon ang sama ng loob at marahang binuksan ang kanyang mga mata. Natigilan siya nang sa gitna ng mga nagtitipon-tipong tibaro ay naroon si Hasmin. Mapait na ngumiti nanakamasid sa kanya. Dahan-dahan ay umangat ang katawan ni Hasmin sa pamamagitan ng malalapad na puting pakpak na lumitaw sa likuran. Marahan, siya ay lumipad patungo sa kanyang direksiyon. Habang papalapit si Hasmin, hindi tinanggal ni Moymoy ang tingin sa itinuturing na niyang malapit na kababata.

Matagal na pinagmasdang mabuti ni Moymoy si Hasmin habang lumilipad ito sa himpapawid patungo sa kanyang kinaroronan. Ngayon lang niya napansin, may kakaibang dating ang kabuuan ng dalagita. Ang maamo nitong mukha, ang makinis na kutis, ang mapupungay na mga mata, at ang mahabang buhok na binabagayan ng hugis ng kanyang mukha. Nabatid niya, sa isang sulok ng kanyang isipan, isa si Hasmin ang hindi niya magawang mawala sa kanyang buhay. Na sa kahit na anong panahon namangailangan ito ng saklolo, hindi niyadapat itong pabayaan. Ililigtas niya ito sa kapahamakan. Sinasabi ng isipan niya na siya lamang ang karapatdapat at kauna-unahang magliligtas kay Hasmin sa ano mang kapahamakan. Na pagsisisihan niya ang kanyang sarili kung hindi niya ito magagawang iligtas sa kapahamakan.

Hanggang sa paglapag ni Hasmin sa kinaroronang entablado, hindi niya ito tinakasan ng tingin.

"Moymoy..." Pinilit na ngumiti ni Hasmin. Marahan itong lumapit kay Moymoy.

"Hasmin." Malayang lumabas sa bibig ni Moymoy ang pangalan nito.

"Maraming salamat. Maraming salamat."

"Wala 'yon." Hindi niya namalayan na ngumiti rin siya. "Kailangan kong gawin 'yon." Para sa 'yo.Ang huling mga salita ay hindi nasabi ni Moymoy bagkus sa isip lamang niya iyon inilaan.

Moymoy Lulumboy Book 3 Ang Paghahanap kay Inay  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon