KABANATA 34: SPOLARIUM AT ANG DAHON NG LIYA

1.7K 76 8
                                    



"ANO?!" TUMIKWAS ANG kilay ni Tracy sa sinabi ni Moymoy.

"'Ma, kailangan daw, eh. Field trip lang naman sa National Museum," sagot ni Moymoy habang nakatingin sa salamin at nagsusuklay ng buhok.

"Baka may makakita sa iyo at interbiyuhin ka na naman. Nakaka-stress," sagot ni Tracy habang inaayos ang bag papunta sa kanyang trabaho.

"Iniiwasan ko na sila, 'Ma. Kapag sinasabi nilang aswang ako, hindi na ako umiimik."

"Sa bagay, masasanay din ang mga 'yan."

Natigilan si Tracy nang makita niya ang ini-interview sa TV. Si Sandra.

"Ayan, kagaya niyang Sandra Navaro na iyan, pinipilit ng media na magtapat. Marami raw nakakita na isang aswang at isang manananggal ang lumusob sa condo niya. Pilit na itinatanggi niya ang nasa video na nakuha."

Napapangangang pinapanood ni Moymoy ang interview sa TV ni Sandra.

Nang matapos ang interview ni Sandra, inilipat naman sa isa pang interview.

"Laganap na totoong may mga aswang, manananggal, at kung ano-ano pa. Na di-umano'y totoo nga ang mga lamang-lupa na dati rati ay mga kuwento lamang ng matatanda o di kaya'y kuwentong napapanood sa pelikula, TV, at sa mga libro lamang sila matatagpuan. Bilang pangulo ng Pilipinas, kung sakaling totoo ang mga ito at nariyan lamang sila sa paligid at pagala-gala, ano, ang masasabi ninyo?"

Sumagot ang president. "You know what? I don't really know yet." Natawa saglit ang presidente. "Hindi ko pa alam. Pero kung sakali man, kung may dumating sa aking palasyo at sinabing isa siyang aswang o lamang-lupa o kung ano, give a solid proof that they really exist, ha. Pero ang tingin ko riyan, kailangan kahit na sino ka pa o ano ka pa, pantay-pantay sa bawat nilalang sa mundong ito ang pagtingin sa lahat. Iyon lang ang masasabi ko."

Biglang pinatay ni Tracy ang TV. "Tama na 'yan. Ayoko na. May pasok pa tayo pareho," baling niya kay Moymoy.

Dinampot ni Tracy ang kanyang bag pero bago pa siya umalis natigilan siya at binalikan si Moymoy. "Uy, napansin ko, tapos na akong magbihis at lahat, ikaw nasa salamin pa rin. May pinopormahan ka ba, bebe ko?" Maaliwalas na ngumiti si Tracy, lumabas ang mapuputi niyang ngipin.

"'Ma, sabi nang 'wag mo na 'kong tawaging bebe."

"Okay, Moymoy, may niliigawan ka ba? Tinumbok ko na ang tanong."

Nag-isip si Moymoy at tumingin sa itaas at pagkatapos ay umiling. "Wala."

"Pinopormahan?"

Nag-isip muli si Moymoy. "Hindi ko alam."

Napamulagat si Tracy. "What? 'Di ba, sabi ko, 'wag muna."

"'Ma..." Tiningnan ni Moymoy si Tracy. "'Ma, wala. Okay?"

Hindi pa rin umaalis si Tracy at nanatiling nakatingin kay Moymoy na may tanong ang mukha.

"'Ma? Sabi ko, wala. Wala."

PINILI NI MOYMOY na pumuwesto sa hulihan ng linya. Nasa isang kuwarto siya ng museo, kasama ang mga kaklase sa kinalalagyan ng iba't ibang antigong kasangkapan noong panahon bago pa dumating ang mga Kastila. May mga lumang plorera, mangkok, banga, at kung ano-anong kasangkapang ginamit ng mga Pilipino ang naroroon. Ang ibang kasangkapan, dahil sa kalumaan, hindi na malaman kung anong uri ng materyales ito nilikha.

Moymoy Lulumboy Book 3 Ang Paghahanap kay Inay  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon