KABANATA 22: MAY DUMATING NA MANDIRIGMA

785 50 1
                                    



SA DILIM NG gabi, pinagmasdan ni Moymoy sa pinakamataas na burol ng Sibol ang palasyo ng mga Apo.

"Wala tayong ibang malalapitan, sila lang," ani Montar.

"Alam ko," tugon ni Moymoy. Tumingala siya saglit sa kalangitan. Pinagmasdan ito nang matagal at napakunot-noo. "Montar, walang mga bituin."

Tumingala si Montar. "Nakikiramay sila sa nangyayari, Moymoy. Kapag nalampasan natin ito, babalik din ang mga 'yan."

Hindi naglaon, natagpuan nina Moymoy at Montar ang mga sarili sa harap ng malaking pinto ng palasyo, sa Sibol Encantada. Kitang-kita ang ringal nito. Ang mga nakaukit na disenyong yari sa ginto ay nagniningning. Nagulat siya nang bahagya nang makitang gumalaw ang mga nakadikit na magagandang kulisap na bahagi ng disenyo ng pinto. Bigla silang nabuhay at lumipad-lipad sa paligid, nililibot ang kabuuan ng pinto. Pati ang mga bulaklak at mga dahon na disenyo ay nagsigalawan—namukadkad at gumagapang-gapang ang mga halamang nakaukit din sa malaking pinto.

"Ngayon ko lang ito napansin," sabi ni Moymoy na ang tinutukoy ay ang naggagandahang disenyo sa pinto.

"Moymoy, magandang senyales iyan," marahang sabi ni Montar.

Bumaling siya kay Montar. "Ano 'yon?"

"May nakikita ka pa ring maganda sa paligid mo. Pahiwatig na hindi ka nawawalan ng pag-asa sa kabila ng mga pagsubok na nangyayari."

Napaisip si Moymoy at tumango.

"PAANO NANGYARI ANG gano'n!" Biglang tumayo si Marino, galit na galit.

"Hindi namin kagustuhan, mahal na Apo..." may takot na sagot ni Montar. "Ginaya niya ang anyo ko, hindi nalaman nina Moymoy at Alangkaw na ang kasama nila ay si Buhawan."

"At kinuha niya ang korona ni Ingkong Dakal?" Nanatiling nakaupo si Ilawi sa kanyang trono pero galit na galit din.

"Alam n'yo ba kung ano ang ibig sabihin ng nangyari?" Tumayo si Ilawi, galit na tumingin kay Montar at pagkatapos ay kay Moymoy. Hindi niya inalis ang tingin kay Moymoy habang itinutuloy ang sinasabi. "Dahil sa pagpapabaya n'yo, nalalaman niya ang lahat ng galaw ng lahat dito sa Gabun, ang mga nangyari, ang mga mangyayari sa atin... sa ating lahat!"

Umalingawngaw ang huling salita ni Ilawi. Hindi rin nakatakas kina Montar at Moymoy ang mukha nitong nanginginig sa galit.

"Wala namang may gusto sa nangyari, gaya ng sabi ni Montar. Kaya kami nagpunta rito, para sabihin sa inyo na..."

"Na ano?" Nananatiling galit si Marino na tumingin kay Moymoy.

"Na nakita namin na may iba ngang kapangyarihan ang Ginto ng Buhay," pagpapatuloy ni Moymoy.

"Ano?" Tumayo na ring muli si Amihan, may tanong ang kanyang mukha. "Ano ang sinasabi mo? Kapangyarihan?"

"Mga mahal na Apo, may nalalaman ba kayo na may ibang kapangyarihan ang Ginto ng Buhay?" tanong ni Montar.

Nagkaroon ng katahimikan ang buong Himpabulan. Pagkaraan ng ilang saglit, hindi maiwasan ng mga Apo ang hindi magtinginan.

"Nagiging baluti ang Ginto ng Buhay kapag nilunok o ginustong gamitin ng sino man bilang proteksiyon," itinuloy ni Montar ang pagsasalita.

Matamang nakikinig ang mga Apo sa mga susunod na sasabihin nina Moymoy at Montar.

"Binabalot ng Ginto ng Buhay ang katawan bilang proteksiyon," pagdudugtong ni Moymoy. "Nagiging matibay na proteksiyon iyon sa kahit na anong sandata. Nagiging matibay na baluti para sa isang mandirigma. Pati sandata ko—ang diwani ko, hindi nito tinatablan. Kailangan n'yong malaman ito kaagad—sa kapangyarihan na nabibigay ng ginto—puwede kayong matalo sa ano mang laban. Nalaman namin iyon kay Ingkong Dakal at nalaman din ni Buhawan,"

Biglang nagbukas ang malaking pinto ng Himpabulan. Binuksan iyon ng maraming diwatang may mapuputing pakpak. Takot na takot ang mga ito na parang humihingi ng saklolo. Para silang mga ibon na nagliparan sa malaking bulwagan ng Himpabulan.

"Anong nangyayari?" tanong ni Marino sa mga diwatang nagliliparan.

Lumapit ang ilang mga diwata sa magkakapatid na Apo.

"Mahal na mga Apo," anang isang diwata na takot na takot, "dumating si Buhawan. May taglay itong kapangyarihan!"

Natigilan ang lahat, sa malaking pinto, naroon ang isang pamilyar na mukha. Si Buhawan! Pero malaki ang kaibahan nito kaysa sa dating kilala nilang Buhawan. Balot na balot ang katawan nito ng gintong baluti—isang mandirigmang makapangyarihan ang kabuuan nito. Isang kakaibang mandirigma na balot na balot ng gintong baluti na ngayon lamang nakita sa kanya!

Moymoy Lulumboy Book 3 Ang Paghahanap kay Inay  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon