"Bunso, baka naman puwedeng makahingi ng dalawang-daan?" sabi ng Kuya Uno niya.
Tumaas ang kilay niya sa sinabi nito. "Bakit? Wala na kayong pang-inom?" tanong niya rito.
Napakamot lang ito sa ulo. "Hindi ko ipang-iinom. Itatago ko lang," sabi nito.
Pati yata ang blood pressure niya ay tumaas dahil sa sagot nito. Gagawa na nga lang ng dahilan, sablay pa. "Nanghihingi ka ng pera sa'kin para itago mo? Niloloko mo ba 'ko?" sabi niya rito.
Mabilis na napailing ang Kuya Uno niya. "Hindi bunso ah. Nakapangako lang ako kay Pareng Anton na manlilibre ako kahit dalawang bote lang. Pero 'di kami iinom," sabi nito sa kaniya.
Hindi raw iinom. Eh sa inaasal at mga sinasabi nito ay mukha na nga itong lasing. Partida ay hindi pa nakainom 'yan. Pasaway talaga.
Napabuga siya ng hangin. "Hindi. Sasayangin mo lang ang pera roon. Hindi ko dinadampot ang pera, Kuya. Pinaghihirapan ko 'yon." Sabi niya rito at isa-isang itinuro ang mga kuya niya. "O siya, aalis na 'ko. Umayos kayo ha. Utang na loob maglinis naman kayo ng bahay. Parang basurahan na 'tong bahay natin!" bilin niya sa mga ito.
Sabay-sabay na sumagot at sumaludo ang mga mukhang nabigo na mga kuya niya.
"Yes, Ma'am!"
Feeling yata ng mga ito ay bibigyan niya ng pang-inom ang mga ito. Kagaya nga nang sinabi niya, hindi niya pinupulot lang ang pera. Araw-araw ay pinaghihirapan niya ang bawat sentimo na kinikita niya. At ang mga kuya niya namang pasaway ang nagwawaldas ng walang pakundangan lang. Mga wala namang trabaho.
Mamamatay talaga siya ng mas maaga kapag nagpatuloy ang mga kuya niya sa pagiging sakit sa ulo.
-----
"Bakla, ano'ng ginagawa riyan sa tapat?" tanong niya sa kaibigan niyang si Salve nang mapansing inaayos ang unit sa tapat ng shop niya.
"Bakla, hindi mo pa alam?" gulat na tanong nito.
"Adik ka ba? Magtatanong ba 'ko kung alam ko?" sagot niya rito.
Napabuntong-hininga ito bago sumagot. "Kaya pala hindi ka kabado, bakla," sabi nito.
Na-curious tuloy siya bigla dahil sa sinabi nito. "Ano ba kasing gagawin diyan?" tanong niya ulit dito.
"May magtatayo rin ng repair shop diyan, bakla. At ang nasagap ko sa balita ay graduate pa raw ng Computer Science ang nagpapagawa riyan," sagot nito.
Bigla siyang nanlumo sa nalaman. Paano na ang hanap-buhay niya? Paano na sila kakain? Hindi naman niya maaasahan ang mga kuya niya. Sila na nga lang ng tatay niya ang kumakayod. Mas lalong mababawasan ang kita niya kapag may naging kompitensya pa siya.
"Bakla, ayos ka lang?" narinig niyang sabi ng kaibigan niya.
Malungkot na tinanguan niya ito at pilit na ngumiti. "Ayos lang ako, bakla. Ako pa ba? Kayang-kaya ko lahat ng kalaban," sagot niya rito.
Napadaan sa harap nila si Berto. Ang may-ari noong 3310 na suki ng shop niya.
"Isay, alam mo bang may magtatayo na ng repair shop sa kabila? Hindi na lang ikaw ang may repair shop dito," sabi nito.
Gusto niyang supalpalin ito. Halata namang ang inisin lang siya ang intensyon nito. "Alam ko. Eh, ano naman ngayon? Marami naman akong customer," sagot niya rito.
"Naku. Nakapagtapos ng kolehiyo 'yon. Mas higit na may alam 'yon kaysa sa'yo. Tiyak na mas magaling din 'yon," sabi pa nito.
Susugurin niya sana ito pero inawat siya ni Salve. Pasalamat ito dahil may pumigil sa kaniya. Kung hindi, manghihiram ito ng mukha sa unggoy. "Hoy lalaking mabaho ang hininga, hindi porke't nakapagtapos ng kolehiyo ay magaling na. Titulo 'yon. Hindi basehan ng abilidad," sabi niya rito.
![](https://img.wattpad.com/cover/77170186-288-k801380.jpg)
BINABASA MO ANG
The Not So Charming Prince (completed)
Romance-COMPLETED- Yes, there's a white horse. Yes, there's an extremely goodlooking guy. Yes, there's an ordinary girl. But he didn't come running to her rescue. Dahil ito mismo ang nagdala ng problema sa kanya... Or so she thought. ----- This is a RomCom...