Chapter 1 - Unhappy start

11K 187 3
                                    

CHAPTER 1 - Unhappy start

"Matutina Matagtag! Lumabas ka riyan!"

Halos magkandatisod-tisod ako palabas ng bahay ko dahil sa nakabibinging tawag na may kasamang malalakas na katok mula sa labas.

"Aling Bebang naman! Kung makasigaw ka abot hanggang Japan! Ano na naman ho ba 'yon at kay aga-aga namumutakte kayo dito sa labas ng bahay ko?" banas kong tanong nang bumungad si Aleng bebang pagkabukas ko ng pinto.

"Hoy Matutina! Nasaan na ang hulog mo para ngayong buwan? Aba! Magte-trenta y dos na ha! Baka gusto mong tubuan na naman kita?"

Eh kung 'yang katawan mo kaya ang patubuin ko ng mamunga ng biik?

"Anak ka naman ng isang pulgadang tinapa! Kakahulog ko pa lang ha?"

"Hoy, noong isang buwan pa 'yon! Kung gusto mong maubos na 'tong kautangan ng magaling mong put*ng in*, eh hulugan mo ng hulugan o baka naman gusto mo ipapresinto na lang kita ng matapos na ito?" pananakot pa nito.

"Oo na! Sige na ho! Maghuhulog ako sa makalawa pagkasahod ko! Ayos na ho ba?"

Isusubo ko d'yan sa ngala-ngala mo mismo!

"Aba't siguraduhin mo lang! Kung ayaw mong makulong kasama ng mga halang ang kaluluwa!"

Iyon lang at sa wakas, umalis na rin ang baboy.

Sa inis ko ay inisang subo ko na ang tinapay na aking almusal at dere-deretsong nilagok ang gatas bago tuluyang umalis ng bahay.

Pagkarating na pagkarating ko sa ospital ay inumpisahan ko na agad ang trabaho.

"Lunes na ngayon diba, Maty?" tanong sakin iyan ng bestfriend ko at nag-iisa kong kaibigan na si Maggie.

"Bakit?" tanong ko ng walang lingon-lingon.

"Tanong mo d'yan sa mukha mong biyernes santo. Ano na naman 'yan ha?"

Tumabi pa ito sa'kin habang kinukunan ng blood sample ang pasyente ko.

"Wala! Bumalik ka na sa trabaho mo at baka malintikan na naman tayo ni madam gulayat!"

Inirapan niya muna ako bago tuluyang umalis.

Grabe, ang hirap talaga kapag mag-isa ka lang sa buhay. Ulilang lubos na kasi ako. Matapos anakan ng walang hiya kong ama ang magaling kong ina, ayon...umiskapuro na. Ito naman kasing nanay ko, sa sobrang pag-aambisyon na makadampot ng milyonaryong mapapangasawa ayon at ni hindi man lang muna inalam kung may asawa't anak na ba iyong nilandi niya. Siya rin ang salarin sa likod ng mabantot kong pangalan.

Nang malaman niya ang tungkol sa pagiging kabit niya, suicidal na ang sumunod niyang eksena. Hindi man lang niya inisip na may anak pa siya at tatlong taong gulang pa lang noon. Ang masaklap pa niyan, ni hindi na nga nagpakita iyong demonyo kong ama ng mamatay si nanay, iniwanan pa ako ng balahura kong ina ng limpak-limpak na utang. Kaya heto, kayod kabayo tuloy ako.

Isang government organization na naglalayong tumulong sa mga batang naulila gaya ko ang nag-ampon at tumulong sa akin noon. Kaso nga lang dahil sa kakulangan ng pundo ng gobyerno kaya matagal na itong sarado.

Sa ngayon, magbebente-kuwatro anyos na ako at apat na taon na rito sa Mercy Hospital bilang isang nurse. Ayos naman, nakakaraos pa rin kahit papaano. Sa dami ng mga utang na kailangan kong bayaran kaya ultimo pangluho sa katawan ay wala ako para sa sarili ko. Ito ngang cellphone ko kumukuti-kutitap na at panahon pa ni kupong-kupong.

Pagkatapos ng trabaho ay nag-jeep na agad ako pauwi. Pagod at gutom na rin kasi ako sa dami ng pasyente na isinusugod ngayon sa ospital dahil sa nalalapit na bagong taon kaya uso na naman ang mga paputok.

Pagkarating ko sa huling kanto malapit sa bahay ko ay may biglang humila sa braso ko.

"Ano ba!" usal ko.

Agad na nanlaki sa gulat ang aking mga mata nang makita si boy negro.

"Haw ar yu mes byutipol?"

Kapag minamalas ka nga naman.

"Wala akong pera ngayon, boy negro. Sa makalawa mo na lang ako singilin d'yan sa utang ng nanay ko sa'yo."

Ngumisi ito pati ang mga kasama niya.

"Paano ba 'yan, alam mo namang hindi kami tumatanggap ng ganiyang sagot."

Mukhang alam ko na ang sunod na mangyayari.

"Mga bata, alam niyo na."

Iyon lang at nakaramdam na ako ng isang sulidong sampal sa kaliwa kong pisnge. Sa lakas noon ay tumimbuwang ako sa malamig na kalsada. Bahagya ring humagis sa 'di kalayuan ang bag na dala ko at humagis ang ilan sa mga baryang naroon. Wala na akong nagawa kundi manood na lamang habang isa-isa iyong pinupulot ng mga damuho.

"Ayos na 'to pangyosi sa ngayon," huling dinig ko sa mga ito bago sila tuluyang umalis.

Sa ganoon karahas na tagpo nga natapos ang gabi ko. Walang petsa yata na hindi ko kasama ang kakambal ko, si kamalasan. Gustong-gusto niya talaga ako kaya hindi ako magawang iwan.

PSYCHO HEART: ZEUS CREEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon