PROLOGO

16.5K 179 18
                                    


Awtomatikong nayakap ni Salve ang kanyang sarili nang salubungin siya ng malamig na simoy ng hangin pagbaba ng sinasakyang taxi. Hindi niya napigilang mapangiti nang mapatingin sa malaking sign board ng naturang café. Lovebirds Nest Café.

Iyon ang pangalan ng establisimyento. Pero hindi ang pangalan ang nakaagaw ng kanyang atensiyon kundi ang dalawang pulang ibon na nagtutukaan habang nasa loob ng malaking pugad. Sa tingin ni Salve ay masyadong cheesy ang ganoong theme para sa isang café. Pero anong aasahan niya kung ang may-ari mismo niyon ay hari-este, reyna ng ka-kesohan-si Francisco Malilong Jr. na kanilang baklang class president noong high school at siya ring dahilan ng kanyang pagtapak sa lupang sinilangan nito, ang Bulacan.

Si Francisco ang utak ng gaganaping class reunion nila. At kailangan diumano nitong pulungin ang mga dating kasamahan nito na class officers. Iyon ay para daw may makapalitan ito ng ideya kung saan ang pinal na lugar na pagdadausan ng reunion ng mga mag-aaral ng Akademya ng Bagong Sibol Class '07.

At siya, bilang isang ulirang bise-presidente ng star section nila ay nararapat lang na naroon. Gusto niyang siguruhing hindi lang hanggang drawing ang reunion na iyon. Isa kasi siya sa naniniwalang ang high school life ang pinakamasaya-partikular na ang section nila. Ikaw ba naman magkaroon ng baklang presidente sa klase, eh, di para na rin sila noong nasa comedy bar araw-araw. May mas sasaya pa ba roon?

Pasimpleng iginala ni Salve ang paningin sa loob ng café pagpasok niya. Karamihan sa mga upuan doon ay okupado ng magsing-irog. Mayroon ding lima hanggang pitong magkakabarkadang nagkakatuwaan sa kabilang panig. Tutungo na sana siya sa dulong bahagi ng café nang marinig niyang may tumawag sa kanyang pangalan.

"Salve Marie Kedeng-kedeng!" malakas na sigaw ng boses-babae na nagmula sa umpukan na malapit sa counter. Kaagad na sumilay sa mga labi niya ang isang ngiti nang makilala ang mga dating kaklase.

Iiling-iling na lumapit siya sa mga ito, pagkatapos ay pabirong kinurot sa braso si Rafi-ang tumawag sa kanya. Ito ang kanilang class treasurer. Gumanti ng kurot si Rafi sa kanya, mas mariin pa.

"Bakit ka nangungurot, Bise? Alam mo ba kung magkano ang ginastos ko para sa aking nakakasilaw na kutis? 'Di mo afford kaya off-limits kang humawak. Only Belo touches my skin, who tortured yours?"

Imbes na patulan ang pang-aasar nito, muli niya itong binigyan ng isang mariing kurot sa braso, saka dali-daling umupo sa bakanteng silya sa tabi ni Kwini-ang class PRO. Sa kadaldalan kasi ni Kwini, bagay talaga rito ang gawing speaker of the class. Pero dahil nasa hawak na cellphone nito ang atensiyon, no talk ito as of the moment.

Nakita ni Salve na akmang lalapit sa kanya si Rafi para gantihan siya nang muling bumukas ang pinto ng café at pumasok doon si Charry; kasunod naman nito si Dani.

"Charita Bonita!" malakas na tili ni Rafi. Isa pang matinis na tili ang pinakawalan nito nang tawagin naman si Dani. "Danilalay!" Mukhang nakalimutan na ni Rafi ang plano nitong pagganti ng kurot sa kanya dahil para itong kitikiting sumalubong sa mga bagong dating.

Sa klase nila noon, ang tatlo ang close sa isa't isa. Kahit pa sabihing may special bond talagang nakatali sa kanilang lahat ng Section Maliwanag, mas dumoble iyon pagdating kina Rafi, Dani, at Charry. Si Daniella, ang kanilang astiging Sgt. At Arms. Kahit babae, mangingimi ka pa ring banggain ito. Raratratin ka ba naman ng English, ewan na lang kung hindi ka duguin.

Habang si Charry naman ang kabaligtaran ni Dani. Ito ang kanilang class secretary. Hindi lang kasi ito sagana sa ganda, biniyayaan pa ito ng penmanship na papangarapin ng mga doktor. At dahil nga sa posisyon nito, ito rin ang inatasang maging tagalista ng mga kaklase niya na noisy.

The Cursed Bride Series book 2; LOVE'S RANSOM (unedited)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon