CURIOSITY THAT BETRAYED ME [chapter 19]

16 0 0
                                    

ISANG MAKABULUHANG ngiti ang nakita ko sa mukha ni Louie isang araw  na napadaan ako sa bahay nila. Kagagaling ko lang sa trabaho at kasalukuyan akong dumadaan sa hallway ng bahay nila. Andun sila ng asawa niyang si Ate Milet na nakaupo sa bamboo sofa set nila sa labas ng bahay nila. Yung ngiti niya na talagang mapapaisip ka kung ano ang dahilan. Si Ate Milet naman ay nakatingin lang din sa akin na nakangiti rin.

"Ano'ng meron ha..?" nahihiwagaan kong tanong.

Kumibit balikat si Louie.   "Wala.....ikaw naman.....masaya lang kaming mag-asawa..." sagot nito na tinatabig-tabig pa ang braso ng pinsan ko.

Palibhasa'y matagal na panahon ko na silang kilala kaya alam kong may kakaiba sa mga ngiti na yun.

"Ano nga?" pangungulit ko habang kunwang namemeywang sa kanila.

"Wala nga..!" natatawa ng sagot ni Louie. 

Sarap pag-untugin ang mag-asawa na ito lalo pa at parang mga batang naghaharutan sa harapan ko.

Umirap na lang ako kunwari.

"Nang-iinggit na naman kayo....bye na nga.." sabi ko sabay talikod.

"Kamusta ka raw..!"  pahabol na sigaw ni Louie nang medyo ilang dipa na ang layo ko sa kanila.

Saglit akong napatigil sa paglalakad. Napalingon uli ako sa kanila at napakunot ang noo ko dahil nagtatawanan na sila this time.

"Ano sabi mo?" kunwang bingi lang ako nang oras na yun. Kahit alam ko naman kung ano ang narinig ko.

"Halika rito kasi..." nangingiting sabi ni Louie.

Nameywang uli ako sa kanila pero hindi pa rin ako lumalapit.

"Ayun oh...nagtaray na naman..." natatawang sabi ni Ate Milet.

Sinenyasan ako ni Louie na lumapit. Kunwang naiinis ako na lumapit.

"Kayong mag-asawa ha...pinagtitripan nyo na naman ako..." sabi ko sa mga ito habang papalapit ako.

Nang makalapit na uli ako sa harapan nila, nagtatanong ang mga mata ko kay Louie.

"Kamusta ka raw.." mahinang sabi nito na nakangiti pa rin.

Alam ko kung sino ang tinutukoy niyang nangungumusta kaya hindi ko na tinanong kung sino yun. Matagal akong hindi nakasagot. 

"Uuuuyyy....natameme..." kantyaw pa ni Louie.

"Eto....sabihin mo sa kanya masaya naman ako.." sagot ko.

"Sigurado ka?" may himig pagdududa sa tanong na yun. Napatingin ako sa pinsan kong si Ate Milet na ngingiti-ngiti lang.

"Oo naman..." labas sa ilong ang sagot ko.

Kumibit balikat si Louie na tila nanunuya lang. Alam ko ang hinihintay nilang itatanong ko.

"Eh siya, kamusta naman.." sa wakas ay tanong ko.

"Ayun..!  Tinanong din..!" nanunuksong sabi ni Louie at tumawa uli.

Nagkunwari uli akong inis.  "Naku ewan sa inyong dalawa....uuwi na ako.." sabi ko at tumalikod na uli ako.

"Ooy teka..! Halika muna kasi.."pahabol na naman ng manggagalit na si Louie.

"Ano ba kasi..." ipinakita ko na kunwaring naiinis ako.

"May number siya sa akin.." nanunukso na naman ang mga ngiti nito.

"So..?" nakataas ang kilay kong sabi.

"Ibibigay ko sa yo..itext  mo.." sagot nito na ikinataas lalo ng kilay ko.

"At bakit ko naman siya itetext  aber?"pagtataray ko na naman.

Hindi kumibo si Louie. May kinuhang papel sa loob ng bahay at isinulat ang isang cellphone  number doon. Kinuha ang kamay ko at inipit dun ang papel.

"Aanhin ko to...." sarkastiko kong tanong.

"Pag naisipan mo lang..." sagot ni Louie.

"At bakit ko naman gagawin yun? " tanong ko uli.

"Nahihiya kasi siya na maunang magtext sa yo...kasi baka hindi mo lang pansinin.." sagot ni Louie.

"Ganun? At asa naman kayo na itetext ko nga to..." nakataas pa rin ang kilay ko.  

"Eh ikaw bahala ka na...basta ako ibinigay ko ang number.." nakalabi pa si Louie sa pagsasabi nito.
Tumalikod na lang ako at hindi na pinansin ang patuloy na panunukso ng mag-asawa na kumakanta pa ng isang   kanta na pinasikat ng isang singer.
Hindi ko binigyang pansin ang panunukso nila. Basta ko na lang ipinasok sa bag ko ang papel na bigay ni Louie.

Kung ako ang tatanungin, talagang wala akong balak na magkarun pa ng anumang link tungkol kay Ariel. May sarili na kaming mga pamilya. Pero mukhang sinusubok ako ng tadhana.

Isang araw na pinakialaman  at pinaglaruan ng maliit kong anak ang bag ko. Inilabas nito lahat ang laman ng bag ko at ikinalat sa kama namin.

Sa pag-aayos ko nito at pagbabalik ng mga laman sa loob, bigla kong nakita ang papel na ibinigay sa akin ni Louie na naglalaman ng number ni Ariel. Matagal akong napatingin sa nakasulat na number. 

Hindi ko alam pero parang bigla akong nacurious kung siya ba talaga ang nasa number na iyon.

Lumabas ako ng kwarto at naupo ako sa sofa namin na hawak ko pa rin ang papel.

Napatingin ako sa telepono namin.  Out of curiosity, idinial ko ang number na yon sa telepono namin.

Nagulat pa ako nang agad nag-ring sa kabilang linya. Bigla   kong naibaba ang telepono sabay hawak sa dibdib ko na biglang kumabog.

Napatayo ako sa pagkakaupo at akma ko ng itatapon ang papel nang biglang tumunog ang telepono namin. Matagal akong napatingin sa nag-ri-ring na telepono kasabay na naman ng kaba sa dibdib ko. Nakailang ring na nang sagutin ko ito. May pamilyar na boses na nagsalita.

"Hello...sino po sila?" tanong ng boses sa kabilang linya.

Hindi ako nagsalita. Nakikiramdam lang ako sa nagsasalita sa kabilang linya.

"Tumawag po kasi kayo sa number ko sa cellphone....sino po ito.." tanong pa rin niya.

Para akong napipi nang oras na yun. Hindi ko maintindihan kung bakit ganun katindi ang kaba ng dibdib ko habang pinakikinggan ko ang boses niya.

"Hello....hello...may tao ba ?" patuloy niyang tanong.

"H-hello...." kinakabahan kong sagot.

Saglit na natigilan ang nasa kabilang linya. 

"Arianne..?" biglang sabi nito na lalo kong ikinakaba. Bigla kong naibaba ang telepono.

"Oh my God..." bigla kong nasambit.

FOREVER LOVING YOUTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon