THE DAY MY HEART DIED (chapter 12)

24 0 0
                                    

KATATAPOS lang ng birthday ko. 21 na ako. Tamang-tama lang para magkaroon ako ng asawa. Kahit secret marriage na lang muna kasi hindi pa ako ready na malaman ng parents ko ang balak namin ni Ariel. Tamang-tama ang edad ko para hindi na kailanganin pa ang parent's consent para sa pagpapakasal. Handang-handa na talaga ang loob ko noon. Mabibilang na lang sa tatlong daliri ko ang pagbabalik ni Ariel.

Maganda ang sikat ng araw noon. Maaliwalas ang buong umaga at hapon. Pero, haharapin ko pala ang isang hindi inaasahang bagyo na talagang hindi ko napaghandaan.

Kararating ko lang noon galing sa work ko. Halos kalalapag ko lang ng bag ko sa sofa namin nang dumating ang pinsan kong si Lerma sa bahay namin at nang makita ako, hinila ako.

"Ate Arianne, tawag ka ni Nanay.." mahinang sabi nito.

Napakunot ang noo ko.

"Bakit daw..?" nagtataka ako dahil hindi naman ako usual na kinakausap ng Tiyahin ko na Nanay ni Lerma.

"Basta halika sa bahay.." hila na nito sa akin.

Puno man ng pagtataka ay sumama ako rito sa bahay nila na malapit lang din sa bahay nina Yves.

Nang kaharap ko na ang Nanay niyang si Tita Naty ay hinawakan ako nito sa balikat. Nawe-weirdohan na talaga ako sa nangyayari.

"Tatagan mo ang loob mo ha.." sabi nito.

Kinabahan na ako. "B-bakit po? Ano ba n-nangyari..?" bigla nang kumabog ang dibdib ko noon.

Lalong humigpit ang hawak ni Tita Naty sa balikat ko. "Si Ariel, napikot.." sabi nito.

Matagal akong natulala sa sinabi niya. Daig ko pa ang sinabugan ng bomba sa mukha. Pakiramdam ko, tumigil ang lahat... ang oras....ang pagtibok ng puso ko.....ang buhay ko.......

"Nagpunta dito si Kuya Celing kanina...kinuha daw niya ang birth certificate ni Ariel sa Munisipyo kasi ikakasal na nga raw....buntis daw yung babae..." patuloy nitong pagsambulat ng panibagong bomba sa mukha ko. Para itong malakas na echo na paulit-ulit na naririnig ng tenga ko .

Nakita ko na lang ang sarili ko na parang nauupos na kandila habang unti-unting umuupo sa sofa. Awtomatikong tumutulo na ang luha ko noon. Tinabihan ako ni Lerma at niyapos ako.

"H-hindi niya kayang gawin sa akin yun..." sa pagitan ng pagtulo ng luha ay nasabi ko. Daig ko pa ang nasa ibang dimensyon noon. Parang nawala ang lahat ng nasa paligid ko, ang natira ay ako lang na parang nakatayo sa isang liblib na gubat .

"Totoo ang sinasabi ko Arianne....pinikot siya ng babae kasi nga buntis.." sabi pa ni Tita Naty at tinabihan din ako at hinimas-himas ang likuran ko bilang pampakalma.

Doon ako tuluyang humagulgol.

Niyapos ako uli ni Lerma. Umiiyak na rin ito. Iniwanan muna kami ni Tita Naty. Panay ang pagpapakalma sa akin ng pinsan kong si Lerma.

"Paano niya nagawa sa akin yun..?" patuloy na hagulgol ko. Sobra na ang paninikip ng dibdib ko noon kaya inabutan na ako ni Lerma ng tubig.

"Niloko ka niya ate...yun lang yun.." matigas na sabi ni Lerma habang pinapainom ako ng tubig.

Umiling-iling ako. "Hindi niya kayang gawin sa akin yun... mag-po- 4 years na kami..." pilit ko pa ring isinasaksak sa isip ko noon na lahat ay biro lang, na hindi totoo ang lahat.

"Ayan na nga eh...ikakasal na siya sa iba..." pinapahid na rin ni Lerma ang luha nito. Galit ang nakikita ko sa mukha ni Lerma. Saksi rin kasi ito sa naging relasyon namin ni Ariel, kaya masakit din para dito ang nangyari.

Pinabayaan ako ni Lerma na umiyak.

Hindi ko matandaan kung gaano ako katagal umiyak noon sa bahay nina Lerma. Nang sa tingin ko ay medyo kalmado na ako ay naisipan ko ng umuwi.

Sa may labasan na malapit sa tindahan ay nasalubong ako ng Mommy ko. Ang pamumugto agad ng mata ko ang napansin nito.

"Ano nangyari sa yo..?" nag-aalala ang boses nito.

Pinilit kong ngumiti. "Wala Mommy....nakakaiyak kasi yung pinanood namin ni Lerma sa kanila..." sagot ko rito at nagmamadali na akong umalis dahil nararamdaman ko na naman ang pagtulo ng luha ko.

Alam kong naiwan ang Mommy ko na nagtataka sa ikinikilos ko at sa itsurang nakita niya sa akin.

Pagdating ko sa bahay ay agad akong nagkulong sa kwarto at doon ko ipinagpatuloy ang hagulgol ko. Tinakpan ko ng unan ang mukha ko upang matabunan nito ang ingay na lilikhain ng pag-iyak ko.

Hindi pa rin ako makapaniwala. Pinilit ko ang sarili ko na isipin na nananaginip lang ako, na magising na ako sa masamang bangungot na yun.

Maggagabi na yata nang mapagod ang mata ko sa pagbuhos ng luha. Naisipan kong kunin sa cabinet ko ang lahat ng sulat ni Ariel. Nanginginig akong binuklat ang huling sulat nito isang buwan na ang nakakaraan. Akala ko ay ubos na ang luha ko, pero nang mabasa ko ang huling sulat ni Ariel ay tumulo na naman iyon. Napakaraming pangarap at plano na nakalagay sa sulat niya. Hindi ko na natapos basahin dahil naninikip na talaga ang dibdib ko sa sobrang sakit.

My God.....I want to die that time.

Please God....gisingin Mo na ako sa masamang panaginip na ito.....



[...my tears kept falling while writing this chapter...]











FOREVER LOVING YOUTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon