Nakahiga ako ngayon sa kama ng aking kwarto, kanina pa nakauwi ang dalawa dahil may kalaro pa raw silang darating sa kanilang bahay.
Napabuntong hininga ako at inalis nalang sa aking isip yong kasamang babae ni Andy. Maganda ito, hindi katangkaran, maputi, maikli ang buhok hanggang sa balikat at maganda ang pananamit. Ganon siguro ang type ni Andy? Napatingin ako sa suot ko, puro T-shirt at maong o pantalon lagi ang sinusuot ko, nakakasuot lang ako ng palda tuwing may pasok. Mahaba ang itim kong buhok at medyo kulot ito sa ilalim. Napailing nalang ako at inalis ang mga naiisip ko.
Bumangon ako at nagpasyang maglinis nalang ng bahay. Inuna ko ang kwarto ni nanay at pagkatapos ang akin, kumuha ako ng walis at kung anu ano pang kagamitan para masimulan ko na.
Nilinis ko muna ang mga frames pagkatapos ay ang bintana at mga gamit ni nanay, lalo na ang tukador kung nasaan ang mga kanyang damit. Pagkatapos nagwalis ako at sa may ilalim ng kama, may natamaan ako at tinignan kung ano iyon. Kulay itim na box ito, kinuha ko ito at binuksan. Maraming pictures na kasama si tatay, may picture din kami na kaming dalawa lang ang susunod ay noong sanggol palang ako na kasama si lolo at lola. Tinignan ko si lolo at nakangiti ito ngunit parang pilit lang. Binalik ko sa box at tumingin pa ako ng iba, puro maliliit na gamit lang ni tatay kaya ibinalik ko na sa ilalim ng kama.
Nang matapos na akong maglinis ay isusunod ko naman ang aking kwarto, siguro konting walis lang dahil wala naman masyadong gamit sa aking kwarto, puro frames lang at nandoon yung picture naming dalawa ni Andy. Nakaakbay si Andy sakin at nakahawak ako sa kanyang bewang, ngiting ngiti siya dito kaya napangiti nalang rin ako. Binalik ko ito at nagsimula ulit maglinis. Pagkatapos ay nagpahinga muna ako, kinuha ko ang cellphone ko, 4pm na ng hapon kaya nagpasya akong itext ang aking mga classmate kung may homework ba. May nagreply na iilan at sinabi na magpagaling ako, hindi na ako nagreply at nagpatuloy sa paglilinis. Sinunod ko ang kusina, konting punas lang at walis lang rin, nag-mop na rin ako.
Halos nalinis ko na lahat pero siguro ang hardin naman ni nanay ang isusunod ko. Kumuha ako ng gloves at panglinis, 5pm na ako ng matapos, nakapagtanim na rin ako ng mga gusto ni nanay. Umupo ako sa aming duyan at nagpahinga. Humikab ako ng nagpasyang umidlip hanggang sa mahulog na ang aking mga mata.
Nakaramdam ako ng parang may tumitingin sakin kaya medyo naalimpungatan ako. Minulat ko ang aking mata, medyo malabo pero may tao sa aking harapan, kinusot ko ito bago bumangon. Napahawak ako sa hinihigaan ko dahil naalala ko ay nasa duyan ako. Napatingin ako sa tao na kaharap ko at si Andy yun, nagulat ako pero hindi ko pinahalata.
"Anong ginagawa mo dito?"
Nakatingin siya sakin at parang ang tagal namin hindi nagkita. "Nakita kasi kitang natutulog sa may duyan, medyo gumagabi na at malamok kaya dinala kita dito sa sala." Aniya.
Tumango ako at medyo na-conscious sa hininga ko, medyo tinakpan ko ito at tinignan niya akong nagtataka. Mukhanh nakuha niya iyon at tumawa siya, "Hindi naman mabaho hininga mo." Ramdam kong uminit ang pisngi ko kaya hinampas ko siya sa braso.
"Aray! Dinala na nga kita dito sa sala yan pa isusukli mo sakin." Aniya habanh tumatawa pa rin.
Mas lalong uminit ang aking pisngi at hinampas siya ng malakas, "Hindi ko naman sinabing dalhin mo ko dito, e!" Ngumiwi siya pero naalis rin agad, kinurot niya ako sa pisngi ng marahan.
"Kanina ka pa ba?" Tanong ko. Tumango siya at napahawak sa tiyan niya kaya napatingin ako. "Kumain ka na ba?" Umiling siya at ngumiti sa akin. Umiling ako dahil para siyang bata. "Sige, ipanghahain kita." Tumayo ako at pumunta sa kusina, sumunod naman siya sakin. Umupo siya sa may silya at pinapanood akong inaayos ang gagamitin pang-luto.
Naalala ko na hindi pa ako nakaligo pagkatapos kong maglinis, tumingin ako sa kanya "Teka lang, bago ako magluto maliligo muna ako." Tumango siya kaya madali akong pumunta sa kwarto para maligo. Mabilis akong naligo pagkatapos ay naghanap ng masusuot. May bistida ako na hindi ko pa nasusuot kaya nagpasya ako na iyong an susuotin ko, off shoulders ito at kulay pink na floral ang disenyo. Pagkatapos ko mag-ayos ay lumabas naman ako. Tumunog ang cellphone ko at pangalan ni nanay ang nakita ko. Binuksan ko ang mensahe niya.
Nanay:
Drei, baka ma-late ako ng uwi dahil biglang may emergency. Mag-iingat ka diyan, love you.Nagreply ako sa kanya na mag-ingat rin siya at ayos lang.
Pumunta ako sa kusina at nakita si Andy doon, mukhang may katext kaya hindi napansin ang pagdating ko. Naghugas ako ng kamay kaya napatingin siya sakin ng isang beses at binalik ulit an tingin sa cellphone. Pero maya-maya ay napatingin ulit siya sakin na nanlalaki ang mata at tila'y nagulat. "Bakit?" Tanong ko habang naghihiwa na ng manok. Nagpasya akong adobo ang lulutuin ko.
"Ikaw ba yan Drei?" Tumingin ako sa kanya at gulat pa rin ang nasa kanyang mukha. "Hindi, poster lang ako." Ngumisi ako sa kanya.
"Ang ganda mo," uminit ang pisngi ko ngunit, "Babaeng babae ka na!" Sinamaan ko siya ng tingin. "Matagal na akong babae!" Hindi ko na ulit siya tinignan pero ramdam kong nakatingin pa rin siya sakin.
"Pero seryoso Drei," tumingin ako sa kanya, nakita ko siyang lumunok at hindi tinanggal ang tingin sakin. "Mas bagay mo ganyan ang suot. Ang ganda ganda mo." Umiwas ako ng tingin sa kanya dahil ramdam kong uminit ang aking mukha.
"W-Wag mo nga akong bolahin, Andy." Hindi pa rin ako nakakatingin sa kanya dahil sa hiya.
Nakarinig ako ng tunog ng camera kaya bigla akong napatingin sa kanya, nakatutok ito sakin at bago ko pa maagaw ay lumayo na siya sakin, "Remembrance to dahil ako unang nakakita sayong nakabestida."
