#nochoicekuno

133 3 0
                                        

"NASAAN si Lei? Hindi ka ba niya hinatid?" Tanong ng Mama niya pagkapasok pa lang niya ng bahay.
Habang nasa maynila ang magulang, sa kanya tumitira ang mga ito. Taon-taon kasing may dinadaluhang conference ang papa niya kaya lumuluwas ng maynila. At kahit ba nagpakita na dito ang kanyang kuya, hindi pa rin pwedeng sa bahay nito tumuloy ang magulang.
Kulay pink ang bahay ng kuya niya at maraming stuffed toys na Hello Kitty. Marami din itong mga pictures at portrait na nakakalat sa buong bahay nang naka-gown bilang si Amanda. Mabubuking ito.
Sa unang pagkakataon nailang siya sa presensiya ng mga magulang lalo pa't kararating pa lang niya, kasali na agad si Lei sa usapan. Paano niya sasabihin sa mga ito na hindi niya totoong boyfriend si Lei?
"Hindi naman talaga kasi niya ako ihahatid."
"Bakit hindi? Napaka-ungentleman naman ng boyfriend mo."
"Ano po kasi..." Huminga siya nang malalim. "Hindi niya 'ko ihahatid kasi may- sarili akong kotse."
Hindi niya masabi!
"Paano kapag umuwi kayo ng Zambales? Magkaiba rin kayo ng kotseng gagamitin?"
"S-siya na lang daw ang magdadala ng sasakyan."
Naman! Ano bang nangyayari sa kanya? Bakit hindi niya masabi?
"I like him for you," biglang sabi ng Papa niya. "I believe he's a good man. Masaya ako at sa kabila ng mga pinaggagawa mo noong nasa Zambales ka, nakahanap ka pa rin ng matinong lalaki. Kailan nga pala kayo uuwi? Next week na ang simula ng kampanya."
Lagot. Nagustuhan nga ata talaga ng Papa niya si Lei. Ganoon na agad ang tingin ng ama niya dito, matinong lalaki. Sabagay, mukha naman talagang matino ito. Ang kaso nga lang, hindi niya ito totoong boyfriend.
"Natahimik ka. Hindi na ba kayo tutuloy?" Ang kuya niya.
"Kinumbinsi mo ba ang boyfriend mong huwag nang tumuloy? Kaya ka ba nagpaiwan sa restaurant? Kaya ka rin ba hindi inihatid dahil hindi niya nagustuhan ang sinabi mo?"
Pwede atang maging writer ang Mama niya. Sa panandalian niyang walang imik, ang dami nang pumasok sa utak nito.
"Magtatampo ako kapag hindi kayo pumuntang dalawa. Ikaw rin Amado," ang Papa nila.
Nagkatinginan sila ng kuya niya.
Hindi basta-basta ang kalaban ng Papa nila sa pagtakbo nito bilang kongresista. Matalo man daw, magiging masaya na itong kompleto sila sa araw na iyon.
"Opo Pa, pupunta ako."
"O-opo pa, pupunta ako," aniya.
"Kayo ni Lei," pagtatama ng ama sa sinabi niya.
"P-pupunta kami."
"Good. O siya, gabi na. Magpapahinga na kami ng Mama niyo."
Magkasama nang nagtungo sa guestroom ang magulang. Lumipat naman sa kanya ang kapatid at bahagyang hinila ang buhok niya.
"Kailan mo pa boyfriend ang Lei na 'yon? Akala ko ba noong nakaraang araw gusto mo 'kong magpunta dito para makaramay mo sa pagiging brokenhearted? Bakit ngayon may Lei ka nang bigla? Don't tell me basta ka na lang nakipag-relasyon sa kanya?"
Nasabunutan niya ang sariling buhok. "Hindi ko rin alam kuya, kanina ko lang din nalaman."
"Ha? Anong kanina lang? Umayos ka nga ng sagot. Nabaliw ka na ba? Sabagay sino ba naman ang hindi? Tama lang na siya ang ipinalit mo sa Leo na 'yon. Ang pogi! Super bet ko. Wala bang BFF si Lei na gwapo? Baka pwede mong ipakilala sa akin."
"Boyfriend ni Lyka ang bestfriend no'n."
"Ay gano'n? O di sige, ikaw na ang masaya. Magkwento ka na lang. Paano mo nakilala si Lei? Kailan?"
"Saka na natin pag-usapan kuya. Stress ako. Pupunta na 'ko sa kwarto ko. Goodnight," tinalikuran na niya ito.
"Ang selfish nito. Hoy! Bruhilda!"
Halos pabulong lang din namang nagsalita ang kuya niya. Hindi na niya ito pinansin at nagtungo na sa kwarto.
"Ano na ang gagawin ko?" Sinampal niya ang sariling bibig. "Kung bakit kasi di mo na lang sinabi ang totoo!" Napapiksi siya't tumalon sa kama. Nagpagulong-gulong at tinakpan ang bibig ng unan sabay sigaw. Naupo siya sa kama. "Paano na 'to? Nasabi ko na sa kanyang huwag makikialam!" Nagpagulong-gulong ulit siya sa kama at muling naupo. "Sabihin ko na lang kaya talaga kina Mama at Papa ang totoo? Mukhang mas madali 'yon," nahiga na siya sa kama. "Pero... paano nga kaya siya maging boyfriend?" Lumitaw ang gwapong mukha ni Lei sa kanyang isipan. "Ang tanga rin ng babaeng 'yon at nagawa siyang paglaruan. Ang swerte kaya ng magiging girlfriend-," napabangon siya. "Hindi ako 'yon!" Sinampal-sampal niya ang sarili. "Ano bang iniisip mo Eunice!" Nagpagulong-gulong siya sa kama't di nagtagal ay napahinto. "Pagod na 'ko. Basta, final na. Sasabihin ko kina Mama ang totoo."

Just for LoveMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon