#pagpapanggap

136 5 0
                                    

APRIL fool's day. Sa pagkakaalala niya iyon ang araw na ginawa niyang boyfriend ang lalaking sa totoo lang, hindi na niya masyadong maalala ang itsura. Iyon lang din kasi ang unang araw na nakilala niya ito at nakita. Itinuro lang ng kaklase niya't sinabing may crush iyon sa kanya.
Syimpre pilya nga, sumunod naman siya sa mga kaibigan na gawin iyong katuwaan. Napatunayan nga niya na patay na patay ito sa kanya. Bilhin ba naman ang lahat ng gusto niya. Hindi na niya nagawang tumingin sa mukha nito dahil syimpre, nakonsensiya rin siya pero nagawa na niya eh. Kaya ang ending, hindi na tuloy niya maalala ang itsura nito. Nag-date silang hindi nga niya alam ang pangalan nito. Nabanggit iyon ng kaklase pero hindi na rin niya maalala.
"Bakit ba inaalala ko pa ang lalaking 'yon? Baka nga may asawa na 'yon ngayon."
Tiningnan niya sa salamin ang mga mata. Mukhang hindi naman gaanong halata ang mala-maalaala mo kaya moment niya kagabi. Hindi nakakahiyang sumakay ng taxi at magpunta sa restaurant.
Sa pagdating niya sa restaurant, naka-park na nga doon ang kotse niya. May pera pa naman siyang bigay ng kapatid. Itatanong na lang muna niya kay Lei kung magkano ang nagastos nito.
Bago magtungo sa kusina, nagpunta na muna siya sa opisina ni Lei. Kumatok muna siya bago pumasok.
"Good morning," bati niya dito. Sa nangyari kahapon feeling niya kahit papaano friends na sila.
Tumingin ito sa kanya pero agad din namang ibinaling ang atensyon sa laptop nito. "Anong ginagawa mo dito?"
Hindi man lang ito ngumiti. Nagmukha lang tuloy siyang feeling close. Napasimangot na lang siya.
"Itatanong ko lang kung magkano ang bayad sa kotse ko."
"Huwag mo nang isipin 'yon. Ayusin mo na lang ang trabaho mo't iwasang makabasag ng mga pinggan at baso."
"Hayaan mo nang bayaran ko. Nakakahiya naman kasing magkaroon ng utang na loob sa 'yo. Malapit nang matapos ang pinirmahan kong kontrata, baka bigla ka na naman maghabol sa akin."
"Fine, if you insist. Pasasabihan na lang kita mamaya kung magkano ang dapat mong bayaran, masyado akong busy ngayon. You can go."
Napasunod na lang din siya dito. At nang nasa labas na ng opisina...
"Ano, dual personality lang ang peg? Mabait, masungit, caring tapos ngayon ang istrikto? Don't tell me ibinaling talaga niya sa akin ang galit niya sa dating girlfriend?"
Nang umagang iyon, may pinalapit nga ito sa kanya para ibigay ang price ng ginastos nito sa sasakyan. Iyon na lang rin ang binigyan niya ng pera dahil sapat lang din naman ang dala niya. Ayaw na rin niyang makita pa ang Lei na 'yon. Ang hirap spelling-ngin ng ugali!
Sa mga sumunod na araw, hindi niya nakita si Lei. Ayaw man niyang isipin pero kusa itong pumapasok sa utak at hinahanap ng mga mata niya.
"Eh di fine! Di rin naman namin kailangang maging close o magkaibigan!"
Mabibilang na lang ang araw na mananatili siya sa restaurant. Matagal din niyang hinintay ang pagkakataong 'yon pero bakit ngayon kung kailan nalalapit na, bigla siyang nakaramdam ng...lungkot?
Nang makauwi sa bahay, napagtanto niya na panahon na rin siguro para maghanap na siya ng trabaho. Twenty six na siya. Hindi pwedeng umasa na lang habangbuhay sa kuya niya. Kahit ba wala siyang balak mag-asawa, kailangan pa rin niyang buhayin ang sarili. Ano kaya kung mag-madre na lang siya?
Nasa sofa siya at naghahanda na sana papuntang restaurant nang makatanggap ng tawag. Galing iyon sa Mama niya. Agad niya iyong sinagot.
"Ma? May problema ba?"
"Kailangan bang may problema kapag tumawag ako?"
Napangiti siya. "Hindi naman po. Bakit ba kayo napatawag?"
"Malapit na kasi kami ng papa mo diyan sa maynila. Ang sabi ng kuya mo sabay niyo kaming susunduin sa bus station. Naninigurado lang ako. Baka kasi maudlot na naman. Siguraduhin mong wala nang ikakadahilan ang kuya mo para di makipagkita sa amin."
Noong mga nakaraang taon, sa pagluwas ng magulang sa maynila ay may dalang kotse ang mga ito. Ang papa niya ang nagmamaneho. Kaya naman nagulat siya nang sabihin ng mama niyang susunduin nila ang mga ito sa bus station. Mukhang gumawa na talaga ng paraan ang magulang para hindi na makaiwas ang kuya niya.
"S-sinabi niyang magkasama kaming pupunta? Hindi nga niya nabanggit na ngayon na pala ang dating niyo."
"Ganoon ba? Ibig sabihin ba hindi pa rin namin siya makikita? Ano bang nangyayari sa kuya mo Eunice? May nagawa ba kami para iwasan niya?" Dama niya sa boses ng ina ang lungkot.
"Hindi naman po sa gano'n Ma."
"Kung gano'n, ano ba talaga ang problema? Ganoon na lang ba ka-busy ang kuya mo para hindi niya kami magawang puntahan at umuwi sa Zambales? Kahit nga kami na ang nagpupunta diyan, hindi pa rin siya pwede. Umamin ka nga sa akin. May itinatago ba ang kuya mo?"
"Ma, si kuya na lang ang tanungin niyo."
Narinig niya ang pagtunog ng doorbell. Tamang-tama sa timing para maiwasan niya ang tanong ng ina.
"Sandali lang Ma, may dumating. Tatawagan ko kayo. Bye."
Napahinga siya nang malalim. "Magkasama namin susunduin sina Mama? Seryoso ba si kuya? Haharapin niya sina mama nang naka-gown?"
Nagtungo na siya sa pinto at binuksan iyon. Nanlaki ang mga mata niya nang makita kung sino ang naroon.
"Kuya?"
"Palalampasin ko 'yan. Hahayaan na muna kitang tawagin akong kuya."
"Anong nangyari? Bakit ka nagkaganyan?"
"Kung kailan pa 'ko naging mukhang normal, saka mo pa itinanong 'yan. Halika na, susunduin na natin sina Mama at Papa."
"Kuya," mahigpit niyang niyakap ang kapatid. "Alam kong mahal na mahal mo ang buhok mo."
"Ano ka ba, tutubo rin naman 'to. Saka pwede rin naman akong gumamit ng extension. Babalik rin ang ganda ko."
Alam niya kung gaano kamahal ng kuya niya ang mahabang buhok. Noong huli silang nagkita ash blonde ang kulay no'n pero ngayon, nagbalik na sa itim at panglalaki na rin ang gupit nito. Ang kilay nito nadagdagan din. Isa lang ang ibig sabihin no'n. Wala pa itong balak ipaalam sa magulang nila ang katotohanan. Panlalaki na rin ang suot nito na hindi na niya nakasanayan.
"Kuya, bawasan mo ang pag-kembot," aniya nang magtungo na sila sa kotse nito.
"Sorry sis, nakasanayan na."
Pareho silang kabado, nag-aalala na baka pumalpak ang pagpapanggap ng kapatid pero nang makita na nila ang magulang, nawala na iyon sa isipan nila. Nagyakapan na kasi sila at nag-iyakan. Maging ang Papa nila ay naiyak din. Masyadong naging madrama ang tagpo at sa kabilang banda, masaya siya sa nangyari.
"Kumakain ka ba anak? Nangangayayat ka ata. Mukhang mas may laman pa ata itong si Eunice sa 'yo," anang Papa nila sa kuya niya.
"Healthy po ako Pa, don't worry."
Pinaghirapan kaya ng kuya niyang makamit ang figure na iyon. Pero syimpre bilang lalaki, masyado ngang payat ang pangangatawan nito.
"Mabuti pa ay kumain na tayo at gutom na rin kami ng Mama mo."
Of all places na maaaring maisipan puntahan ng magulang, restaurant pa talaga nila Lei. Ano bang nasa restaurant na iyon at doon napapadpad ang mga taong iniiwasan niyang matunton ang lugar na iyon?
"Bakit pa tayo lalayo? Mukhang maganda naman dito," anang Papa niya. "Nanggaling na nga kami sa malayong biyahe at gutom, mahalaga pa ba kung saan kami kakain? Dito na lang tayo."
Hindi na niya napigilan ang ama nang pumasok na ito sa restaurant. Mabuti na lang talaga at wala siyang kinaibigan doon. Kahit may mga nadaanan siyang crew, walang bumati sa kanya. Siguro bilang customer pero hindi bilang kakilala.
Halos sumakit na ang batok niya kakayuko. Natanaw niya kasi sa di kalayuan si Michelle. Duty pa naman siya dapat nang oras na 'yon. Siguradong magagalit ito kapag nakita siya. Kaya naman kahit naiihi, pinipilit niyang pigilan kaso sasabog na talaga. Kailangan na niyang magpunta sa restroom.
Nagpaalam siya sa magulang na pupunta sa restroom. At sa malas, eksaktong tumayo siya, napalingon sa kanya si Michelle. Mabilis na itong nagtungo sa may table nila. Ito lang pala ang kailangan niya para mapaatras ang ihi.
"What are you doing here? Hindi ba't dapat nasa loob ka na?" Pagalit nitong sabi.
"What's going on here?" Napatayo na rin ang Mama niya.
Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon. Kung sasabihin niya kay Michelle na kasama niya ang magulang, paniguradong wala itong balak na isekreto ang ginawa niya at nagtatrabaho siya doon. Baka nga isalaysay pa nito ang pangyayari.
"Let me handle this."
May kakayahan ba talagang mag-teleport si Lei? Hindi na naman kasi niya napansin ang pagdating nito.
"But kuya-."
"Sige na."
Hindi naituloy ni Michelle ang sasabihin. Mabuti na lang at may takot pa rin dito ang kapatid. Umalis na kasi ito.
"Is that woman your sister? How could she be so rude to my daughter."
"Let me apologize in behalf of my sister. I think she's just jealous," ani Lei sabay tingin sa kanya. "I told her to leave my office since my girlfriend is coming."
"And so? Anong kinalaman do'n ng kapatid ko?" Ang kuya Amado niya. Nag-transform na naman kasi ito sa pagiging lalaki.
"Well, its because Eunice is my girlfriend."
Sabay-sabay na napatingin sa kanya ang Mama, Papa at kuya niya.
"So, nasa office pala niya ang restroom," makahulugang sabi ng kuya Amado niya.
"Kaya mo ba ipinipilit kaninang huwag tayo dito kumain dahil nandito ang boyfriend mo? Kailan pa naging kayo? At may balak ka pa palang isekreto pa rin sa amin na may kasintahan ka na pala dito."
Pinapawisan siya nang malamig. Napatingin siya sa Papa niya. Hindi man ito nagsasalita pero siguradong hindi nito nagugustuhan ang nangyayari. Kung bakit ba kasi sa lahat ng pwedeng idahilan ni Lei, iyon pa. Kung ide-deny naman niya, lalabas lang siyang nagsisinungaling.
"I'm sorry, it was all my fault. Unexpected kasi ang dating niyo. We're planning to tell you about our relationship sa pagpunta na sana namin sa Zambales to support Tito Romulo's candidacy."
Pati ba naman pagpunta sa probinsiya nila idinamay na nito sa pagsisinungaling? Sandali, paano nga pala nito nalaman ang tungkol sa probinsiya nila at biglang pagluwas ng magulang? Nakakakaba na yata ang mga nalalaman nito. Pati nga pangalan ng papa niya alam din nito. Stalker ba niya si Lei?
"Do you own this place?" Nagsalita na ang papa niya.
"Yes Tito. I'm running this business together with my sister."
"You seemed busy. Can you really do that?"
Mukhang nagustuhan yata nito ang narinig tungkol sa pag-uwi nila sa probinsiya. Mukhang mapapasubo ata siya.
"Ofcourse Tito. I've heard a lot about you and I know you're a great public servant. After I heard from Eunice you're running for a higher position, I voluntered to support. Actually, I came from Zambales too. After I graduated college, I went here in manila to start a business but Zambales is still my hometown. Infact most of our relatives still there."
Kaya pala mukhang marami itong alam. Kababayan niya pala ito. Pero paanong kahit minsan hindi man lang niya ito nakita doon? Walang gwapo sa lugar nila na hindi niya kilala. Siguro dumating ito noong nagpunta na siya ng maynila.
"Sa tingin ko'y magkakasundo tayong dalawa. What's your name again?"
"I'm sorry for not introducing myself beforehand. I'm Lei Villaflor," inilahad nito ang kamay na tinanggap naman ng Papa niya. Maging sa Mama niya't kuya Amado.
"Villaflor? Kilala mo ba si Ramonito Villaflor?"
"He's my grandfather."
"Magkakasundo nga tayo."
Sa pagkakaalala niya, mentor ng Papa niya si Ramonito Villaflor. Ito ang nag-udyok dito na tumakbo. Marami na siyang nakilala mula sa pamilya nito pero si Lei, hindi niya nakita sa probinsiya kahit minsan. Kahit nga rin si Michelle. Pero sa pagkakaalam niya, Villaflor din naman talaga ang surname ng mga ito. Nalilito na siya!
"Aasahan ko kayo ni Eunice."
"Makakaasa kayo Tito."
Anong pinagsasabi nito? Bakit nagdedesisyon ata ito para sa kanya? Halos mabiyak na nga ang ulo niya kakaisip ng maidadahilan  sa hindi niya pag-uwi tapos ito kung makapagsalita parang napag-usapan talaga nilang pumunta doon.
Maliban sa wala talaga siyang interes sa politika, siguradong wala lang rin siyang maitutulong sa pangangampanya ng ama. Tingin naman kasi ng mga tao sa kanila sa kanya, blacksheep ng pamilya nila.
Seven years na rin mula nang mapunta siya sa maynila. Doon na siya pinag-aral dahil hindi na rin nga maganda ang imahe niya sa probinsiya. Gusto ng magulang niyang mailayo siya dahil na rin sa mga kumakalat na tsismis. Isa daw kasi siyang bayarang babae, malandi.
Hindi naman niya kasalanang habulin siya ng mga lalaki. Isa pa hindi naman niya pinatulan ang lahat ng nanligaw sa kanya. Siguro dumating siya sa punto na naging pasaway at papalit-palit ng boyfriend pero tamaan man siya ng kidlat, wala siyang sinukuan ng Bataan.
May iilan ring lalaki siyang napaglaruan pero pinagsisihan na niya ang mga iyon. Iyon nga lang wala na, hindi na niya nagawang maisalba ang sarili. Iyon na ang tumatak sa mga taong nasa kanila. Kung hindi lang talaga mabuting tao ang papa niya, baka natalo na ito nang dahil sa kanya. Kumalat nga rin dati na ipinagpalit niya ang katawan para sa mga botong nakuha ng ama.
Kahit medyo pangit ang image, hindi rin naman sa naniniwala lang din agad ang Papa niya sa narinig. May mga bagay na totoo kaya pinagalitan siya at sa mga hindi ay ipinagtatanggol siya nito.
Alam niyang dahil sa pagmamahal ng magulang kaya siya pinaluwas ng maynila at hindi dahil sa maaari siyang ikasira ng mga ito. Pero siya bilang anak, nang mapagtanto niya ang mga nagawa, siya na mismo ang nakaunawa ng masamang maaari niyang idulot sa pamilya.
Natapos ang hapunan nila nang matiwasay. Walang nangyaring gulo. Hindi na nga rin pinabayaran ni Lei ang mga nakain nila na nagpakaba sa kanya. Sinabi niya sa pamilya na hindi na masasamahan ang mga ito sa pag-uwi. Paniguradong iniisip ng mga ito na si Lei ang dahilan. Pero ito naman talaga. Kailangan nilang mag-usap.
"Mag-usap tayo," hindi siya kumatok at dumiretso na sa opisina ni Lei. Sa malas, naroon na naman pala ang kapatid nito.
"Hindi ka ba marunong kumatok? Mukhang nasa dugo mo na nga yata talaga ang pagiging bastos!"
"Michelle!"
"What!? Ako na naman ang aawatin mo?"
"Huwag kang mag-alala, isang araw mo na lang akong makikita. Papasok rin ako bukas ng nine to one at four to eight pambawi ko ngayon. Ayos na ba 'yon sa 'yo?"
Natahimik ito.
"Pwede ko na bang kausapin ang kuya mo? Nang kami lang."
"At bakit ako papayag? Sino ka ba sa tingin mo?"
"She's now my girlfriend Michelle."
"Seriously!?"
Ano ba talagang tumatakbo sa utak nito at maging ang kapatid ay binahagian ng kasinungalingang 'yon?
"So please even if you don't like her, atleast give us some privacy."
"This is insane. I can't believe you kuya. After all she did to me?"
"She already paid for it Michelle."
"I shouldn't have agreed to your idea! Dapat ipinakulong ko na lang ang babaeng 'yan!"
Akala niya susugurin siya nito. Sasampalin, sasabunutan o hindi kaya suntukin nang maglakad ito patungo sa kanya. Babanggain pala siya bago padabog na isinara ang pinto.
"Nakita mong ginawa mo? Lalo mo lang binigyan ng rason ang kapatid mo para mas magalit sa akin. Bakit ba kasi sinabi mo pa 'yon? Nagsinungaling ka na nga sa pamilya ko, pati ba naman sa kapatid mo?"
"I'm just helping you."
"Helping? Mas lalo mo lang ginawang komplikado ang lahat."
"Uuwi rin sa probinsiya ang kapatid ko. Our relatives might ask her about you. I'm just trying to make it realistic."
"Ibig sabihin uuwi ka nga ng Zambales?
"We made a promise to your Dad, remember?"
"Anong we? Mag-isa ka lang!"
"Kung hindi ka naman pala sang-ayon sa mga nasabi ko, sinabi mo sana kanina."
"Sa harap ng magulang ko? Magmumukha lang akong tanga. Ikaw dapat ang bumawi ng mga sinabi mo."
"Okay, hindi naman 'yan problema sa 'kin. Anong gusto mong sabihin ko? Na pinagtakpan kita? Na nagtrabaho ka dito kapalit ng hindi pagpapakulong sa 'yo?"
"Bina-blackmail mo ba 'ko?"
"I'm just telling the truth. Nandito pa ba sila sa maynila? Sabihin mo lang kung nasaan sila ngayon para mapuntahan ko at makausap," tumayo ito.
Mabilis siyang nagtungo sa pinto.
"Huwag kang lalabas! Diyan ka lang!"
"Akala ko ba gusto mong makausap ko ang magulang mo?"
"Huwag na. Ako na ang kakausap sa kanila. Diyan ka lang at huwag ka na ulit makikialam!" Lumabas na siya ng opisina nito.






Just for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon