Una't Huli

207 1 0
                                    

Una't Huli

GUSTO KITA NOON
Yan ay inaamin ko ngayon
Nagulat siguro kita
Sa biglaang pag-aming ginawa

Hiling ko sayo'y iisa
Mapagbigyan mo kaya?
Tanggapin mo sana bilang regalo
Itong tulang sinulat para sayo

Naaalala mo pa ba
Ang nakaraan nating dalawa
Noong tayo'y mga bata pa
At walang pakialam sa iba?

Ikaw sakin ay mahalaga
Ako sayo ay mahalaga
Magkapatid kung magturingan
Habang buhay na magkaibigan

Mapalaro man o pag-aaral
Hinaharap ng walang angal
Kaya nga di ko malimutan
Nakaraang ating pinagsamahan

Sa umaga'y papasok ng sabay
Sa tanghali'y kakain sa may tulay
Sa hapon tayo'y maglalaro
Sa gabi naman tayo'y magkakalayo

Ngunit ang "paalam" ay di masakit
Dahil sa bawat araw na sasapit
Alam kong makikita ko pa rin
Ang iyong ngiti na para sa akin.

Subalit masyado akong nakampante
Ang imposible ay naging posible
Mundo nati'y biglang nagbago
Kasabay nito ay iyong paglaho

Sa bawat pagmulat ng mga mata
Hinahanap iyong prisensya
Hanggang sa akin ng napagtanto
Tunay na nadarama para sa iyo

Dahil sa distansya na sati'y namagitan
Pinilit ko ang ikaw ay kalimutan
Sapagkat ang alaalang iyong iniwan
Dulot sakin ay lubos na kalungkutan

Gumawa ako ng sarili kong mundo
Isang mundo na wala ang "ikaw at ako"
Pinuno ko ito ng iba't ibang tao
Nagbabakasakaling may makapalit sa iyo

Ngunit sino nga ba ang aking niloko?
Wala namang makakapalit sa iyo
Bakit ba kasi sinanay mo ko
Na nandito ka palagi sa tabi ko?

Hanggang sa nasanay na lamang ako
Sa katotohanang ikaw ay malayo
Pagbabalik mo'y hindi na hinintay
Inabala na lamang ang sarili sa ibang bagay

Paglipas ng oras ay di na namalayan
Hanggang sa ang bawat oras ay naging buwan
Nakatapos ako sa aking kolehiyo
Ng may parangal at medalyang natamo

Maganda ang aking nakuhang trabaho
Lahat ng nangyayari ay naaayon sa aking plano
Subalit masyado na naman akong nakampante
Nangyari muling maging posible ang imposible

Sa daang pinili kong lakaran
Nagtagpo ating landas ng di ko inaasahan
Nagulat ako sa iyong pagbabalik
Lalo na sa yakap mong tila ba sabik na sabik

Nagkamustahan tayo at nagkwentuhan
Binahagi ang mga nangyari sa nagdaan
Napansin ko rin ang iyong mga pagbabago
Na di ko akalaing mangyayari sa iyo

Lumipas ang araw ng tayo'y magkasama
Gumawa ng mga masasayang alaala
Iba talaga pag ikaw ang kasama
Ngiti sa aking labi ay di na nawala.

Hanggang sa pag-uwi ko'y di agad nakatulog
Ang ngiti saking labi'y pahiwatig na ako'y muling nahulog
Hindi ako natakot sa halip tinanggap ko
Ang nanumbalik na nadarama para sa'yo

Napagdesisyunan kong ito'y panindigan
Ang ilihim na lamang ang nararamdaman
Sa takot na ako'y muli mong iwan
At kalimutan ating pagkakaibigan

Ngunit tila ba tadhana'y naglalaro
May nangyari na namang di ko kontrolado
Iyon ay ang saki'y ibinalita mo
Tunay na dahilan ng pagbabalik mo.

"Ikakasal na ko!" iyan ang sabi mo
Ngiti sa labi mo'y abot hanggang dulo
Di ko agad natanggap ang binalita mo
Kaya tumakbo na lang ako palayo sa'yo

Hindi ko akalain na ganto ito kasakit
At tila ba nakisabay sa akin ang langit
Biglang bumuhos ang ulan sa aking pag-iyak
Habang ang puso ko ay parang binibiyak

Hinabol mo ako at hinila sa silong
Nanatili tayo do'n sapagkat wala tayong payong
Mabuti na lamang at basang basa na ako
Di mo nahalata ang mga luha kong tumutulo

"Bakit ka tumakbo?" naalala kong tanong mo
"Naisipan ko lang," pagdadahilan ko
"Punta ka sa kasal ko, ha?" bigla mong sabi.
Tumingin ako sayo at nagpeke na lamang ng ngiti.

Dumalo ako sa iyong kasal tulad ng nais mo
At huli na para tumakbo pa ako palayo
Nagsimula ang seremonya at aking nakita
Ang klase ng iyong ngiti na sa akin lang pinapakita

Pagtulo ng luha ko ay pilit kong pinigilan
Habang pinapanood kayong nagkakasiyahan
Ang pagmasdan kayo sa inyong kasal
Ay katumbas sakin, parang sinasakal

Ikaw sa akin ay tunay na mahalaga
Halaga ko ba sa iyo ay nagbago na?
Gagawa ba akong muli ng bagong mundo? 
Isang mundo na malabo na ang "ikaw at ako"

Patawad kung ito ang aking regalo
Di ba't sinabi na sa'yong wag hihingi ng kahit na ano? 
Wala akong ibang naisip na ibibigay sayo
Kaya tula na lamang na ako ang gumawa mismo

Sana'y nasagot nito ang iyong katanungan
Ang tanong na kung bakit ako lilisan
Di ko kakayanin ang ika'y makita
Na masaya sa piling ng iyong asawa.

Babalik ako sa oras na ayos na ako
Malay mo sa oras na yon, ako na ay may nobyo
Pag handa na akong harapin ka ng ako'y masaya
Magpapakita ako sa iyo ng wala ng luha sa mga mata.

Hindi ko man maipapangakong agad makakabalik ako
Maipapangako ko naman sa iyo na babalik ako. Tatapusin ko na ang tulang ito
Salamat dahil umabot ka hanggang dito

Nagulat siguro kita
Sa biglaang pag-aming ginawa
Gusto man kita noon
MAHAL NA KITA NGAYON

One Shot CompilationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon