Kabanata 2

3.2K 147 11
                                    

Kabanata 2

Hinahampas ng malamig na hangin ang pisngi ni Cael mula sa bukas na bintana ng jeepney. Pamilyar pa naman sa kanya ang dinadaanan kaya sigurado siyang makakauwi na siya.

Malalim na rin kasi ang gabi tulad ng kalaliman ng lamig na nararamdaman niya dahil sa mababang temperatura ng kanyang kapaligiran.

Isang pamilyar na senaryo na 'to kay Cael. Ang umuwi ng gabi, pero hindi ng ganito kalalim. Pamilyar na sa kanya na abutin ng dilim sa eskwelahan dahil sa samut saring responsibilidad na nakuha niya nang siya'y mag-umpisang mag-aral. Wala siyang magagawa. Kailangan kasi niya 'tong gawin dahil mataas din naman ang pangarap niya.

Naramdaman ni Cael ang pag-vibrate ng kanyang telepono kaya kaagad niya itong hinugot mula sa bulsa niya at sinagot.

"Cael, anak! Gabi na! Nano kay hindi ka pa nauwi?"

Napakagat sa ilalim ng labi si Cael nang makilala ang boses. Ito ang kanyang ina at mukhang galit na ito dahil hindi pa siya umuuwi.

"Nakasakay na po ako, Ma! Sandali, hindi ko po kayo marinig. Nasa jeep na 'ko Ma!" Sigaw niya pabalik para kunwari ay hindi na niya ito naririnig.

Mukhang napaniwala nga niya ang mama niya dahil ibinaba na nito ang tawag.

Sanay na rin si Cael sa ganitong tono ng kanyang nanay tuwing inaabot siya ng gabi sa pag-uwi. Hindi naman niya ito masisi dahil sa nanay niya ito, at uso ngayon ang mga krimen. Tulad niya, wala rin itong magawa kundi suportahan na lang ang anak sa pag-abot ng pangarap.

Sinilip ni Cael ang orasan sa kanyang cellphone. Nadatnan niya ang malalim na gabi, sa malalim na oras.

10:46 pm.

Ilang oras na rin at maghahating gabi na kaya medyo nababahala na si Cael sa loob loob niya. Hindi dahil sa panganib ng gabi, kung hindi dahil sa nababahala siyang baka hindi na niya magawa ang gagawin niya ngayong gabi at baka hindi na siya makapagpahinga.

Isinandal ni Cael ang kanyang ulo sa bakal ng jeep at marahang ipinikit ang kanyang mga mata. Siguro'y kailangan niya munang i-clear ang lahat ng nasa isip niya o siguro kailangan niya munang pag-isipan na i-adjust ang schedule niya. Hindi niya alam.

Napadilat muli si Cael ang kanyang mata nang maramdamang nag-vibrate ang kanyang cellphone.

Una niyang inakala na ito ang ina niya pero mali pala siya. Ito pala ang nakakatanda niyang kapatid na ngayon ay nasa kolehiyo.

"Hello Ate." Sagot ni Cael.

"Hello. Hindi ka pa ba uuwi?" Nag-aalala ang tono ng kanyang kapatid kaya bahagyang napatawa si Cael. Alam niya kasing may kailangan lang ito kaya ganito ang tono.

"Hindi." Natawa si Cael sa isip niya dahil sa sagot.

"Lagot ka kay Mama."

Lalong napangiti si Cael dahil sa sagot ng nakatatandang kapatid. Hindi pa pala nito alam na nakausap na ni Cael ang ina bago pa ito tumawag. Lalong nagsumiksik sa utak ni Cael na may kailangan lang ito sa kanya kaya tumawag.

"Tsk. Kalokohan mo Ate. Pasakay na 'ko. Kung may ipapagawa ka na namang paper o kaya essay o kaya kahit anong ikaw dapat ang gagawa, bayaran mo ko."

Sasagot pa sana ang kapatid niya ngunit binabaan niya na ito ng telepono.

***

Napairap sa hangin si Mia dahil sa binulong sa kanyang ng katabing si Evy. Siniko niya pa 'to dahil sa mahinang hagikhik nito. Napalingon tuloy sa kanila ang ibang nakasakay sa jeep. Kasama na ang lalaking kanina pa nilang pinag-uusapan. Ang lalaking kakasakay lang.

"Pogi kaya bes. Hingin mo na digits." Pabiro na namang bulong ni Evy sa kanya kaya pinanlakihan niya ito ng mata.

"Ang ingay mo Evy. Marinig ka." Saway sa kanya ng nakasimangot na si Mia. Para wala lang kay Evy ang suway ng kaibigan dahil muli na naman itong nagsalita.

"Eh 'yung isa bes. 'Yung nasa tapat mo, cutie din bes." Nakangisi nitong bulong.

Tinignan ni Mia ang tapat niya at napansin niyang may hitsura nga ito. Napailing na lang si Mia sa pinagsasabi ng kanyang kaibigan. Kanina pa kasi ito nangungulit.

Impit na napahiyaw si Mia nang biglang sundutin ni Evy ang kanyang tagiliran.

"Ito. Masyadong pabebe." Natatawang sambit ni Evy. Parang wala lang kay Mia ang sinabi sa kanyang kaibigan dahil hindi ito nagsalita at hindi na pinansin ang makulit na katabi. Tumingin siya sa bintana.

Isang madilim na kapaligiran ang sumalubong sa mga mata ni Mia. Ito ang bagay na kanyang pinagtataka. Sa pagkakaalam niya kasi ay hindi nawalan ng poste ng ilaw ang daan papunta sa kanilang tahanan.

Medyo naalog sila dahil parang baku-bako na ang dinadaanan nila. Isa na namang naglagay ng pagtataka kay Mia.

Sa pagkakaalala niya kasi ay sementadong highway ang daanan papunta sa kanilang barangay. Salungat sa kanilang dinadaanan ngayon.

Isang bato-batong daan.

Tumingin si Mia sa loob para silipin ang mga kasama niya sa jeep.

Napansin niya naging iba na rin ang mga tingin ng mga mata nito at may pagtataka na sa mga mukha nila, na parang hindi rin sila pamilyar sa kanilang dinadaanan.

Dahil sa paikot-ikot na tingin sa paligid ay hindi sinasadyang nakasalubong niya ng tingin ang lalaking kakasakay lang, na sa tingin niya ay isa ring estudyante.

Umalog-alog ang buong katawan ng lahat ng nakasakay dahil mas naging mabato ang dinadaanan nila.

"Bes, kinakabahan ako." Seryosong bulong ni Evy kay Mia.

Hindi magpapakaila ni Mia na kinakabahan na siya. Wala na siyang naisip na gawin kung hindi kunin ang kanyang cellphone. Binuksan niya ang flashlight ng kanyang phone at itinapat sa labas ng bintana.

Lalong nagtaka si Mia nang makitang wala kahit isang bahay sa kanilang dinadaanan. Wala rin kahit isang gusali. Hindi na siya pamilyar sa kanilang dinadaanan. Napupuno na lamang na matataas na talahib ang kanilang dinadaanan.

"Bes." Kinakabahang sambit ni Mia. "Hindi ko alam kung nasaan na tayo."

"Shortcut siguro. Pero hindi maganda pakiramdam ko." Seryoso pa rin ang tono ni Evy na malayo sa makulit niyang pananalita.

"Manong! Nasaan na po ba tayo?!" Sigaw ng babaeng naka-umiporme pangguro.

"Oo nga! Parang hindi naman 'to ang daan papunta sa amin!" Sigaw naman ng balbas saradong lalaking malapit sa dulo.

Hindi sumagot ang driver nila ng kahit anong salita... Tawa. Tawa ang tangi niyang isinagot sa mga pasaherong ngayon ay kinakabahan na.

***

Byahe (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon