Kabanata 10
"Gising na bata." Isang bulong ang narinig ni Cael na nagpadilat ng kanyang mga mata.
Kasabay ng pagdilat ng kanyang mga mata ay ang paggapang ng sakit sa buo niyang katawan, lalo na sa kanyang batok. Pakiramdam niya'y hinihiwalay ang kanyang ulo mula sa kanyang katawan. Napakasakit din ng kanyang mukha.
"Bata. Buti gising ka na." Nadatnan ni Cael si Anton na nakasandal sa isang puno.
Ngayon niya lang napansin na nakahiga pa rin pala siya sa batuhan.
Nandoon pa rin sila sa lugar na kinabagsakan niya nang atakihin sila ng driver. Huminga ng malalim si Cael at sinapo ang batok.
"Nasaan si Earl?" Tanong ni Anton.
Umiling si Cael. "Hindi ko na alam. Sinapak ako ng malakas noong driver kaya nawalan ako ng malay."
Hinawakan rin ni Earl ang mukha niya na masakit. Masakit rin ang ilong niya. Pakiramdam niya ay napisat ng pison ang kanyang ilong. May dugo rin ito.
"Ano bang nangyari kanina? Paglingon ko kasi nakahandusay ka na." Tanong ni Cael.
"Hindi ko nga din alam. Nandito na lang bigla 'yung driver. Bigla na lang siyang lumitaw. Hinampas niya 'ko dito sa puno kaya nawalan na ako ng malay. Hindi ko na rin alam kung anong nangyari." Paliwanag nito.
"Tsk. Maglakad na tayo. Baka swertehen tayo na makita 'yung iba." Saad ni Cael.
Pinilit niyang tumayo kahit na sumasakit ang buo niyang katawa. Wala siyang magagawa. Kailangan niyang kumilos.
Tumayo na rin si Anton at iika-ikang lumapit kay Cael.
"Paano kapag nakasalubong natin 'yung driver?" Tanong ni Anton.
Tumawa muna ng bahagya si Cael bago sumagot.
"Edi takbuhan natin. Tsk. Hindi naman tayo nahabol nung tinakbuhan natin kanina, diba?" Wika ni Cael.
"Sabagay."
Naglakad ang dalawa ng tahimik sa daang kanina pa nila tinatahak. Walang nagtangka sa kanilang magsalita. Hinayaan nilang mamayani ang katahimikan sa paligid.
Napapangiti na lamang si Cael dahil sa mga nangyayari. Nagkaroon kasi ng posibilidad sa utak niya na ito na ang huli niyang gabi sa mundo.
Naisip niyang mas maganda kung haharapin niya ito ng maayos at tatanggapin ang kahit na anumang mangyari sa kanya at sa mga kasama. Kahit kamatayan.
"Tigil." Pagpigil ni Anton kay Cael.
Kumunot ang noo ni Cael at lumingon kay Anton.
"Bakit? Naririnig mo 'yung driver?" Tanong ni Cael kay Anton.
"Hindi. Iba."
Natahimik si Cael at pinakinggan ang kapaligiran. Sa unang pagkakataon ay wala siyang naulinagan na kahit ano. Ngunit nang tumagal ay nakarinig siya ng mga hikbi at dagundong ng takbo.
Nagmumula ang tunog sa kanilang likuran kaya lumingon silang dalawa.
Naaninag nila mula sa kadiliman ang maliit na pigura ng babae. Mula sa maliit na pigura ay lumaki ito. At unti-unti nilang nakilala.
Nakalapit sa kanila ang babae at lumuhod ito ng umiiyak.
Nakilala ni Cael ang babae. Ito ang isa sa mga kasama nila. Si Mia.
"A-Anong nangyari sa'yo?" Tanong ni Anton sa dalaga.
Tumingala ang dalaga. Napupuno ng pinaghalong luha at alikabok ang mukha nito. Nanginginig ang mga labi. Namumula ang mga mata. Magulo ang buhok at maputla.
"S-Si E-Ev-y..." Nanginginig nitong tugon hanggang sa tuluyang mapaiyak.
Lumuhod naman si Cael sa harapan ng dalaga at hinawakan sa balikat. Hinimas-himas niya ang balikat nito.
"Ssshhh. Tumayo ka na diyan. Babalikan natin siya." Pang-aalo ni Cael sa dalaga.
Nakumbinsi naman niya ang dalaga na tumayo. Tinulungan ni Anton ang dalaga na tumayo. Pinunasan naman ni Cael ang mukha nito.
Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa dalhin sila sa isang malawak na lugar. Lumawak rin ang daan na nilalakad nila.
Naglakad lamang sila nang naglakad hanggang sa madatnan nila ang sarili sa harap ng isang malaking arko.
***
Umayos pagkakaupo si Alma bago tuluyang pumasok ang ilang kababaihan at kalalakihan na mula sa baryo ng San Delfin. Lahat sila ay nakagayak na tila sasabak sa digmaan. May mga dala rin silang mga itak, palakol, piko, at iba pang matatalim na armas. Blangko rin ang ekspresyon ng karamihan.
"Pasok kayo." Anyaya ni Apo Tonyo sa mga taong nasa labas.
Pumasok nga sila sa kubo at nagsi-upo sa kung saan sila komportable. Isinantabi din nila ang kanilang mga armas.
"Ano nga ulit pangalan mo?" Tanong ni Apo Tonyo.
"Alma po." Sagot ni Alma.
Matapos sumagot ay bumuntong hininga si Apo Tonyo at nagsalita.
"Ito si Alma. Natagpuan siya kanina ng iba nating mga kasama. Sinabi niyang nasa peligro ang mga kasamahan niya. At siya ay humihingi ng tulong." Paliwanag ni Apo Tonyo.
Namuo ang iba't ibang mga bulungan sa loob ng kubo.
Isang matandang babae naman ang lumapit kay Alma.
"Marami ka bang mga kasama?" Nakangiti nitong tanong. Tumango si Alma bilang pagsagot. "May kabataan ba kayong kasama?" Muli nitong tanong.
Hindi kaagad nasagot ni Alma ang tanong dahil hinawi ng isang matandang lalaki ang babaeng nagtatanong sa kanya.
"Pasensya na, Alma sa asawa ko. Minsan lang kasi siya makakausap ng isang taga-labas." Wika ng matandang lalaki.
"Ayos lang po." Sagot niya.
Tinitigan ni Alma ang hawak na itak ng lalaki.
"Maaari po ba akong makahingi rin ng itak? Mukhang kakailanganin ko rin po kasi." Saad niya. Hindi naman sumagot ang lalaki, bagkus ay tumingin ito kay Apo Tonyo.
"Sige Alma." Tugon ni Apo Tonyo. "Alberto! Kumuha ka ng isang itak sa barandilyo." Utos niya.
Lumabas naman si Alberto sa kubo at nagtungo sa sinabi ni Apo Tonyo.
Napangiti ng tipid si Alma. Kahit na may pagdududa sa mga taong nakapaligid sa kanya, naisip niyang maaari na siyang makauwi. Ligtas na siya at maliligtas na nila ang mga kasama niya mula sa mala-demonyong driver ng jeep na kanilang nasakyan kanina.
"Mamaya rin bago mag-alas dos ay pupunta na tayo sa lugar kung saan mo huling nakita ang mga kasama mo. Huwag kang mag-alala, makakapagpahinga na kayo." Ani Apo Tonyo.
Ngumisi ito at tila nanhintakut si Alma nang makita ang ngipin nitong nangingitim sa sobrang pagkabulok. Kakaiba rin ang mga salitang binitawan nito kaya siya ay bahagyang kinabahan.
Ilang minuto rin ay dumating si Alberto na tumatakbo dala-dala ang isang itak. Hinihingal ito na nagsalita.
"A... Apo Tonyo..." Tumigil ito at huminga ng sandali bago tuluyang nagsalita. "May dumating na naman pong... mga dayo..."
Nagkaroon na naman ng mga bulungan sa loob ng kubo. Pero agad namang nawala nang magsalita si Apo Tonyo.
"Tanggapin ninyo sila." Wika nito.
Si Alma ay nanatiling tahimik at walang imik. Hinihiling niya sa kanyang isipan na sana ay ito ang kanyang mga kasama. Na sana sila ay kompleto at ligtas at walang kahit na anong galos.
Lumabas ang lahat sa kubo at nagpunta sa unahang parte ng baryo. Sinalubong nilang lahat ang mga bagong dating na mga dayo.
***
BINABASA MO ANG
Byahe (COMPLETED)
HorrorBabyahe ka pa ba kung buhay na ang kapalit? Liliko ka pa ba kahit na sa paglikong ito'y may panganib? Magpepreno ka ba kung ito na ang iyong huling sandali? BYAHE! Isang kwentong binubuo ng tatlong parte tungkol sa madugo, magulo, mapanganib, at nak...