.....Wakas....
ILANG buwan na ang lumipas pero hindi pa rin makalimutan ni Maymay ang araw na
iyon...
Umiiyak siya sa kalagitnaan ng kanyang pagtatapat kay Edward habang patuloy
naman sa pagpatak ang ulan. Ilang beses siya nitong pinigil sa pagsasalita dahil
gusto na nitong pumasok sa bahay nila. Subalit hindi siya pumayag hanggang sa
maipahayag niyang lahat ang kanyang nararamdaman.Nang sa wakas ay matapos
na siya, nagmamadali siyang tumayo para lumayo sa binata ngunit agad siya
nitong pinigilan sa braso. Napahinto siya at biglang napatitig dito. Ilang saglit ding
nagtama ang kanilang tingin ngunit ni isang salita ay walang namutawi sa bibig
nito.Maya-maya'y gumalaw ang ulo ni Edward palapit sa kanya at bumaba ang
mukha nito hanggang sa maramdaman na lamang niya ang mainit na labing
dumantay sa labi niya. Bigla na lang lumakas ang kabog ng dibdib niya sa labis na
pagkagulat ngunit hindi niya tinangkang pigilin at itulak ang binata. Sa halip ay
napapikit pa siya at buong-pusong tinugon ang halik nito. Ilang saglit din nilang
pinagsaluhan ang sandaling iyon. Pakiramdam niya'y lumulutang siya sa ere. Balot
ng tuwa, pag-aalinlangan at kaba ang kanyang puso dahil hindi niya lubos na
naiintindihan ang nangyayari. Kung iyon man ang una't huling halik na
pagsasaluhan nila ni Edward ay hindi na niya nais na matapos pa iyon.Muli ay parang
piniga ang kanyang puso sa isiping halik iyon ng pamamaalam. Napaluha na naman
siya.
Saka lang niya namalayang tumila na pala ang ulan nang maghiwalay ang
kanilang mga labi. Habol nila ang kanilang paghinga habang titig na titig sa mga
mata ng isa't isa.
“Mahal din kita, Maymay,” pahayag ni Edward sa kanya. Nanlaki ang mga mata
niya dahil hindi siya makapaniwala sa sinabi nito. “Inilihim ko lang ito sa iyo kasi
naisip ko hindi ako ang lalaking karapat-dapat para sa iyo. Hindi ako kasing bait mo.
Hindi ako kasing talino mo. Hindi rin ako—”
Hindi na niya ito pinatapos sa pagsasalita at mahigpit na niyakap. “Wala
akong pakialam kung ano ka pa. Ang mahalaga, mahal kita. Mahal na mahal kita.”
Mahigpit din siyang niyakap nito.
Biglang nagliwanag ang kalangitan. Nang tumingala siya'y nakita niya ang
isang bahaghari na gumuhit doon. Agad siyang kumalas kay Edward.
“Edward, tingnan mo! Rainbow! May rainbow!” masayang wika niya sa binata na
mabilis na tumingala sa kanyang tinitingnan.
“Ang ganda!” namamanghang sagot nito.
Dahil sa kanyang pagmumuni-muni, hindi niya namalayang naroon na pala si
Edward.“Hoy! Maaga pa para managinip,” anito sa kanya sabay pitik ng daliri sa
kanyang harapan na siyang nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan.
“Hindi pa nga ako natutulog, nagkatotoo na ang panaginip ko,” nakangiting
sagot niya rito.
Ngumiti rin ang binata. “Halika na. Uwi na tayo,” yaya nito sa kanya. Tumayo
siya at magkahawak kamay nilang tinahak ang hagdan pababa at daan patungo sa
katuparan ng kanilang mga pangarap sa piling ng isa't isa.
- WAKAS-
BINABASA MO ANG
RAINBOW IN THE SKY
Short StoryRAINBOW IN THE SKY TEASER Isa lang si Maymay sa mga naniniwala sa signs pagdating sa pag-ibig. Iyon bang tipong hihiling ng isang sign at kapag may lalaking gumawa noon, ang lalaking ito na nga ang itinakda para sa kanya. Isa lang naman ang hinihin...