CHAPTER FIVE
-Jarem's POV-
Napasugod siya sa police station nang malaman niya mula sa guwardiya ng Good Samaritan Academy na pinagtatrabahuhan ni Lorren na sinundo ito ng mga pulis mga isang oras na ang nakakaraan.
Marahil ay isasailalim ito sa interogasyon tungkol sa tatlong lalaking may tama ng pana sa dibdib na siyang ikinamatay ng mga ito.
Ito kasi ang primary suspect dahil puro nito mga dating nobyo ang mga biktima.
Aaminin niyang noong una niyang mabasa ang mga impormasyong ibinigay sa kanya ng Knights ay nagsuspetsa na siyang ito nga ang pumatay sa tatlong lalaki sa iisang dahilan. Hindi nito matanggap na iniwan siya ng mga lalaking iyon at ipinagpalit sa iba.
Ngunit noong gabing nakita niya itong walang kalaban-laban sa dalawang lalaking nais mang-hold-up dito ay tila nagduda na siya kung magagawa nga nito ang gayong krimen.
Ni hindi nga nito maipagtanggol ang sarili.
Sa tingin niya ay napakahina nitong babae.
Siguradong nasaksak na ito ng lalaking nagtangkang hold-up-in ito kung wala siya roon nang gabing iyon.
Inaasahan niyang mag-iiyak ito sa takot matapos ang nangyari dito ngunit hindi iyon nangyari.
Wala siyang nakitang palatandaan na natakot ito.
At paano niya maipapaliwanag ang malamig at blangkong tingin na ipinukol nito sa kanya?
May bahagi ng isip niya ang nagsasabing hindi ito ang kriminal na pumaslang sa mga lalaking iyon. Ngunit may isang bahagi rin ng isip niya ang nagsasabing walang makapagsasabi kung paano tumakbo ang isip ng isang kriminal.
Dali-dali siyang bumaba sa motorsiklo matapos niya itong maiparada sa parking space sa harap ng presinto.
Tutunguhin na sana niya ang pinto ng presinto nang makita niyang papalabas buhat roon si Lorren. May kasama itong maganda at seksing babae at isang lalaki.
"O, pano sis, mauna na kami ni Troy." narinig niyang pamamaalam ng magandang babae dito bago iniangkla ang braso sa braso ng lalaking kasama ng mga ito na boyfriend yata nito.
Ngunit tama ba ang narinig niya na kapatid ni Lorren ang babaeng ito?
Napatingin siya kay Lorren. Puno ng kalungkutan ang mga mata nito habang nakatingin sa boyfriend ng kapatid.
Tiningnan niya ang lalaki at kitang-kita sa mga mata nito ang kalungkutang nakikita din niya sa mga mata ni Lorren habang nakatingin ito dito.
Nang tingnan naman niya ang magandang babae na tumawag dito kanina ng sis ay nakamarka sa mga labi nito ang isang nakakalokong ngiti habang palipat-lipat ang tingin nito sa dalawa.
"Let's go Troy." muling aya ng babae lalaki.
Tila wala pa sana itong balak na iwan si Lorren ngunit wala na itong nagawa nang igiya na ito ng babae sa kotseng nakaparada sa harap ng police station.
Sumulyap pang muli ang lalaki sa gawi ni Lorren bago tuluyang pumasok sa sasakyan.
Umandar na ang sasakyan palayo doon.
Matagal ng wala ang sasakyan ay nakatanaw pa rin si Lorren sa direksyon niyon.
Maya-maya pa ay parang nanghihinang napaupo ito sa iisang baitang na hagdan papasok sa police station.
Tinakpan nito ng mga kamay ang mukha.
Nakita niyang yumugyog ang mga balikat nito tanda na umiiyak ito.
Lalong nadagdagan ang palaisipan na naglalaro ng mga sandaling iyon sa kanyang isipan.
Sino ang lalaking iyon?
Ano ang koneksyon nito kay Lorren at ganoon na lamang ang tinginan ng mga ito sa isa't isa kanina?
BINABASA MO ANG
Hearts in Trouble (On-Going)
RomanceIsang field agent si Jarem Martinez at misyon niyang alamin ang misteryo sa likod ng pagkamatay ng tatlong lalaki. Kailangan din niyang alamin kung ano ang kaugnayan ng mga biktima sa private school teacher na si Lorren Lim. Ngunit paano niya magaga...