CHAPTER SIX
-Lorren's POV-
Pakiramdam niya ay para siyang naglalakad sa ulap nang mga sandaling iyon.
Nasa unahan niya ang nakatatandang kapatid na si Corrine at ang boyfriend nitong si Troy. Nakasunod siya sa mga ito.
Tinawagan niya ang kapatid nang imbitahan siya sa presinto ng mga pulis na nagpunta sa paaralang pinagtuturuan niya kanina.
Alam niyang tatanungin siya ng mga ito tungkol sa pagkamatay ni Frederick Suriaga.
Nagkakilala sila ni Frederick nang maging engineer ito ng mga classrooms na idinagdag sa paaralang kanyang pinagtuturuan.
Mabait ito kaya hindi nagtagal ay naging malapit silang magkaibigan.
Nanligaw ito at hindi nagtagal ay sinagot rin niya ito.
Ngunit nang araw ring iyon na sinagot niya ito ay natagpuan na lamang ito sa garahe ng bahay nito at wala ng buhay habang nakatarak ang isang pana sa dibdib nito.
Nang tanungin siya ng mga pulis ay nagmatigas siyang hindi magsasalita hangga't hindi pa dumarating ang kanyang abogado.
Hindi naman siya binigo ng kanyang kapatid. Dumating ito sa presinto kasama si Atty. Troy Dava. Kababata nila ito at ngayon ay nobyo ng kapatid.
Si Troy ang kumausap sa mga pulis.
Makalipas ang kalahating oras ay pinayagan siya ng mga pulis na umuwi.
Ngayon nga habang naglalakad silang tatlo palabas ng presinto ay hindi niya napigilan ang sarili na titigan ang likod ni Troy.
Marahil ay naramdaman nito ang titig niya kaya lumingon ito sa kanya.
Sinalubong niya ang mga mata nito bago malungkot niya itong nginitian. Kapagkuwa'y iniwas niya na ang tingin dito.
"O, pano sis, mauna na kami ni Troy." nabaling ang tingin niya sa kapatid nang marinig niya itong nagsalita. Nakita niyang iniangkla nito ang kanang braso sa kaliwang braso ni Troy.
Nasa labas na sila nang mga sandaling iyon.
Tumingin siya kay Troy. Nagsalubong ang kanilang mga mata. Parang nakaharap siya salamin nang mga sandaling iyon dahil gaya ng mga mata niya ay punung-puno din ng kalungkutan ang mga mata ni Troy. Alam niya iyon dahil araw-araw niyang tinitingnan sa salamin ang kanyang kamiserablehan.
"Let's go Troy." muli ay narinig niya ang kapatid na inaaya na si Troy na umalis. Iginiya pa nito ang lalaki sa kotse nitong nakaparada sa tapat ng police station.
Bago pumasok sa loob ng kotse si Troy ay lumingon pa ito sa kanya.
Maya-maya pa'y humarurot na ang sasakyan ng mga ito palayo sa lugar na iyon.
Dumaan ang ilang minuto ngunit nanatili lamang siya nakatayo doon at patuloy na nakatanaw sa direksyon ng mga ito.
Wala na siyang natatanaw pa doon kundi ang kawalan.
Ramdam niya nang mga sandaling iyon ang tila libu-libong karayom na tumutusok sa kanyang dibdib. At tila anumang sandali ay malalaglag na ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan.
Napaupo siya sa dalawang baitang na hagdan sa harap ng presinto.
Itinakip niya ang dalawang palad sa kanyang mukha at hinayaan ang kanyang sarili na magpakalunod sa kanyang mga luha.
Lumipas ang maraming sandali hanggang sa unti-unting nagluwag ang kanyang dibdib.
Hinanap niya ang panyo sa loob ng kanyang bag ngunit hindi yata niya iyon nadala.
Nang mula sa kung saan ay may nag-abot sa kanya ng panyo.
Nang tingalain niya kung sino ang nag-abot niyon sa kanya ay nagulat pa siya.
Ang lalaking nagligtas sa kanya kagabi!
Bakit ito naroroon? Sinusundan ba siya nito?
"Anong ginagawa mo dito?" tanong niya sa lalaki.
Ngumiti ito sa kanya bago sumagot. "Napadaan lang ako dito nang makita kita."
Inabot niya ang panyo mula rito. Tinuyo niya ang mga luha. "Lalabhan ko na lang muna tong panyo mo bago ko isauli. Nakakahiya naman sayo." aniya rito.
"Naku, wala yun. Pero kung yan ang gusto mo, sige sayo na muna yang panyo ko." sagot naman nito.
Bigla ay hinawakan nito ang mga kamay niya at hinila siya patungo sa parking space kung saan naka-park ang motorsiklo nito.
"Hindi ko alam ang dahilan ng pag-iyak mo pero may alam akong lugar kung saan siguradong gagaan ang pakiramdam mo." anito sabay sakay sa motorsiklo nito. "Sasama ka ba?" tanong nito nang balingan siya.
"Er..." atubili siyang sumama dito dahil iyon pa lang ang ikalawang pagkakataon na nagkita sila ng lalaking ito. Kahit tinulungan siya nito kagabi ay hindi pa rin niya maitatatwang estranghero ito. Walang siyang alam dito liban sa pangalan nito. Ngunit ang ngiting nakaguhit sa mga labi nito ay parang nang-e-engganyong pagkatiwalaan niya ito.
"Sasama ako." narinig na lamang niya ang sariling sumang-ayon na sasama siya dito.
Lumapad ang ngiti nito sa kanya. Inilahad nito ang palad na inabot naman niya. Inalalayan siya nitong makasakay sa motorsiklo nito.
"Fasten your seat belt. Get ready to take off." nakangiting baling nito sa kanya bago pinaarangkada ang motorsiklo nito palayo sa lugar na iyon.
BINABASA MO ANG
Hearts in Trouble (On-Going)
RomanceIsang field agent si Jarem Martinez at misyon niyang alamin ang misteryo sa likod ng pagkamatay ng tatlong lalaki. Kailangan din niyang alamin kung ano ang kaugnayan ng mga biktima sa private school teacher na si Lorren Lim. Ngunit paano niya magaga...