NAGTIPON-TIPON lahat ng engkantado at engkantada. Sa pinaka sentro ng kaharian ay naroong nakatayo ang mag-asawang hari at reyna na sina Haring Felipeo at Reyna Amaya."Tinipon ko kayong lahat na engkantado at engkantada upang ipaalam sa inyo ang pag-alis namin dito sa kaharian ng Bilona. Pero alam naman nating lahat ang patakaran bago kami tuluyang magpunta sa kahariang Puti. Kinakailangan munang maipahayag namin kung sino ang susunod na uupo rito bilang hari at reyna. At alam na rin nating lahat na ang nakatakdang maging reyna ay si Polaya sapagka't dugong magkasalungat ang nananalaytay sa kaniya. Dugong engkantado at parisa. Ang kaniyang ama ay engkantado at parisa naman ang kaniyang ina," mahabang pahayag ni Haring Felipeo.
Dugong magkasalungat ang tawag sa nilalang na may lahing engkantado o engkantada at pariso o parisa. Sino mang maging anak ng mga ito ay may nakatakda ng puwesto sa kaharian ng Bilona.
Kung babae, ito ang nakatakdang susunod na reyna. At nakatakdang hari naman ay ang lalaking anak ng hari at reyna. Si Polaya ay ang napili dahil sa lahat ng magkasalungat na dugo ay ito ang kinakitaan ng markang puti sa kaliwang tagiliran nito o ang tinatawag na sinag. Ang marka ay mula sa mga nilalang sa kahariang Puti o ang mga dating hari at reyna ng Bilona. Nangangahulugang ang sinag ay galing sa kanila upang palatandaan na pinili nila ito.
"Ang nakatakda namang maging hari ay isa sa anak namin ni Felipeo. Isa kina Prinsipe Solomon at Prinsipe Abraham ang magiging hari. Kung sino sa kanila ang magwawagi ay siyang magiging hari at kabiyak ni Polaya," sabi naman ni Reyna Amaya.
"Bukas nang gabi, kung sino ang pinakamalakas ay siyang tatanghaling bagong hari at magiging kabiyak ni Polaya," pagtatapos ni Haring Felipeo.
Nang matapos ang pagtitipon ay dalawang anino ang makikitang sumasalisi papunta sa kristal na balon. Nasa kristal na balon ang kuwintas ng kapangyarihan. Ang kuwintas na nagtataglay ng pambihirang kapangyarihan ng mga elemento. Dito nagtagpo at nagyakap ang dalawang anino. Tanging ang kuwintas na nasa loob ng kristal na balon ang naging saksi sa lihim na pagniniig ng dalawang nilalang na iyon. Ito ay walang iba kundi sina Prinsipe Solomon at ang bagong reyna, si Polaya.
Nang muling maibalik ang kanilang mga saplot ay magkatabing naupo sa tabi ng making bato ang dalawa.
"Paano kung hindi ako ang tanghaling bagong hari bukas nang gabi?" nag-aalalang tanong ni Prinsipe Solomon kay Polaya.
Biglang tumayo si Polaya bago sinagot si Prinsipe Solomon.
"Sikapin mong magwagi bukas, Solomon. Dahil oras na hindi ikaw ang tanghaling bagong hari, kalimutan mo nang nagmamahalan tayo," mariing sabi ni Polaya.
Pagkarinig sa sinabi ni Polaya ay napatayo ito.
"Ibig mong sabihin, tatalikuran mong pagmamahalan natin makamit mo lang ang kuwintas na iyan? Upang mapalakas lalo ang taglay mong kapangyarihan?" dismayadong tanong nito habang nakaturo sa kristal na balon.
"Oo! At upang tingalain bilang reyna ng bilona!" matapang na sagot ni Polaya.
Lumapit si Solomon at mariing hinawakan sa magkabilang balikat si Polaya.
"Maaari naman tayong tumakas kung sakaling hindi ako ang tatanghaling hari bukas Polaya. At ikaw ang nabigyan ng sinag mula sa kahariang Puti. Tataglayin mo pa rin ang kapangyarihan ng kuwintas!" pangungumbinsi niya sa bagong reyna.
BINABASA MO ANG
Tale Of The Crowned Queens (High Fantasy - PiP Collaboration Series)
FantasyPrince and Princess. King and Queen. They are for each other in this magical world. What if this rule ruins a queen's good heart? Will another queen rise or an ordinary girl deserves the crown this time? |TAGALOG STORY| ✓Completed #PenAwardsFebruary...