PILIT na kinalma ni Reyna Polaya ang sarili saka lumapit pa kay Hari Abraham.
"Ano ba ang ibig mong sabihin, aking mahal?" malambing na sabi ni Reyna Polaya kay Hari Abraham, "Ang aking kapatid ay gusto tayong sirain kaya't narapat lamang na mapadala siya sa hukuman," pagkatapos ay masuyo niyang hinaplos ang pisngi nito.
Tinanggal ni Abraham ang palad ni Polaya sa kaniyang pisngi bago nagsalita.
"Hindi mo ako malilinlang, Polaya. Nang gabing magsiping tayo, alam ko na hindi ako ang una mong nakasiping," sabi ng hari at hindi na rin nito tinawag na reyna si Polaya.
Nagulantang ang lahat. Hindi halos makapagsalita si Polaya.
"Mga Ideyo, bitiwan niyo si Laksana at sa halip ay ang mapagkunwaring si Polaya ang inyong dakpin, kasama ang aking kapatid na si Prinsipe Solomon," utos ng hari sa mga Ideyo.
Pagkawika niyon ay bigla na lamang may lumitaw na apat pang Ideyo na siyang humawak naman kay Prinsipe Solomon. Ang naunang apat, binitiwan si Laksana at naglaho sila sa tabi nito at doon sumulpot sa tabi ni Polaya.
"Bitiwan niyo ako! Ako ang reyna at wala kayong karapatang gawin ito sa akin," sinubukan nitong iwaksi ang mga Ideyo nguni't malalakas ang mga ito.
Ang kapangyarihan ni Polaya ay hindi niya magagamit sa mga Ideyo sapagka't walang bisa ang kapangyarihan ng kahit sino oras na nahawakan na sila ng Ideyo. Nguni't dahil may sarili siyang kapangyarihan dala ng sinag sa tagiliran niya, nagawa niyang maglabas ng isang pulang kapangyarihan sa pamamagitan ng mata at pinatama ito kay Laksana.
"Laksana!" gulat na tinakbo ni Dana ang kinaroroonan ng anak.
Sumaklolo ang mga naroon kay Laksana at maya-maya'y bigla na lamang sumulpot doon ang hukom. Medyo matanda ang itsura nito at may bigote't balbas na abuhin. May nakalagay din sa ulo nitong bilog na parang sombrero. Ang dalawang kamay ay nasa kaniyang likuran at abuhin ang kasuotan nito. Mahinahon ang itsura nito habang kay Polaya nakatingin.
"Kita ko ang nangyayari doon sa aking hukuman. Labis kang kahabag-habag, Polaya," pagkawika niyon ay bigla nitong ikinumpas ang kamay kay Polaya at nagmistula itong nakulong sa isang malaking hugis kahon na kristal.
"Diyan ay hindi mo na magagawang manakit, Polaya. Tayo na!" baling nito sa mga Ideyong naroon
"Sandali lamang. May nais lang akong malaman," pagpigil ni Polaya at bumaling kay Hari Abraham na maluha-luha at may bahid ng kalungkutan, "Sabihin mo sa akin, bakit hindi mo sinabing batid mo na pala na hindi ikaw ang una noong gabing magtabi tayo?"
Bumuntung-hininga ang hari bago sumagot.
"Sapagka't nais kong matahimik lamang ang kaharian ng Bilona. Ayaw kong magkaron pa sana ng suliranin sa reyna na kaluluklok lamang. Ayaw kong madismaya ang ating mga Ado at Ada. Kaya't pinili kong manahimik lalo pa't hindi ko naman alam na ang aking kapatid ang iyong tunay na minamahal. Ang iyong minamahal na ipinagpalit mo sa lahat. Hindi ka tunay magmahal, Polaya," titig na titig sa kaniyang sabi nito.
Mapait ang naging pagngiti ni Polaya.
"Siguro nga ay hindi karapat-dapat sa akin ang magmahal. Patawarin ninyo ako, nabulag ako sa kapangyarihang akala ko'y magiging akin. Patawarin ninyo ako Ina, Ama. At ihingi niyo rin ako ng tawad sa aking kapatid. Hindi ko sinasadya," pigil ang mga luha nito bago nilingon si Prinsipe Solomon, "Patawad, aking mahal."
BINABASA MO ANG
Tale Of The Crowned Queens (High Fantasy - PiP Collaboration Series)
FantasíaPrince and Princess. King and Queen. They are for each other in this magical world. What if this rule ruins a queen's good heart? Will another queen rise or an ordinary girl deserves the crown this time? |TAGALOG STORY| ✓Completed #PenAwardsFebruary...