KABANATA DALAWAMPU: Paghaharap

360 10 0
                                    

NAKARATING na ang hukom sa yungib ng mga makasalanan at nagulat ang lahat nang makita siya na wala namang kasama kahit Ideyo man lamang.

"Ano ang sadya ng hukom sa amin?" ang tanong dito ni Higante Sur

"Nandito ako, para sa Miyelang iyan," sagot ng hukom at dala nang matinding galit ay isang malakas na mahika ang pinalabas nito at pinatama kay Miyela na nagpatilapon dito at ikinabagsak niya sa mga batong naroon. Gulat ang mga naroon at ang iba ay natakot kaya't nagpagilid na lamang.

"Ano ang iyong ginagawa, hukom! Wala kang karapatan manakit ng aking nasasakupan!" agad na tutol ni Higante Sur.

Galit na tiningnan ng hukom si Higante Sur.

"Gagawin ko ang gusto ko at hindi mo ako didiktahan!"

Marahan nitong itinikom ang kaniyang mga kamao at bigla na lamang namilipit si Higante Sur mula sa pagkakatayo.

"Huwag kang makikialam kung ayaw mong pati ikaw ay pagbuntunan ko!" sigaw dito ni Hukom Gerdo.

Tinapos din agad ng hukom ang paghihirap ni Higante Sur at nilagpasan itong halos hindi makatayo sa hindi maipaliwanag na sakit na nararamdaman sa kaniyang buong katawan. Nilapitan nito ang nakahandusay na si Miyela habang may dugong lumabas sa bibig nito dahil sa lakas ng pagkakabagsak niya. Inilabas ng hukom ang maliit na kristal kung nasaan si Prinsipe Solomon at ipinakita sa nakahiga pa ring si Miyela.

"Panahon na para malaman mo ang tunay mong pinanggalingan. Pagkatapos nito, magsasama na kayong dalawa ng ama mo sa kabilang buhay!" nanggagalaiting sabi ni Hukom Gerdo kay Miyela.

"A-ano bang p-pinagsasabi ninyo?" hirap sa pagsasalitang unti-unting ibinabangon ni Miyela ang sarili. Pinagulong ng hukom ang kristal papunta sa kaniya.

"Hayan. Pagmasdan mo. Siya mismo ang iyong tanungin," nakangiti ng sabi ni Hukom Gerdo.

Kasabay ng paggulong ng kristal papunta kay Miyela ay dinampot niya ito agad at tinitigan. Nagulat ito nang makitang naroon ang kumausap sa kaniya noon na nagngangalang Solomon.

"A-anong nangyari sa inyo?"

"Miyela... natutuwa akong makita ka muli. Aking anak. Ako ang tunay mong ama. Kagagawan ng hukom ang lahat kung bakit ka napawalay sa amin ni Polaya. Iyon ang dahilan kung bakit may taglay kang kapangyarihan," agad na pagsisiwalat ni Prinsipe Solomon sa kaniya.

Bumaks ang pagkagulat sa mukha ni Miyela.

"Ngayong alam mo na ay oras na siguro para pagsamahin ko kayo sa kabilang buhay," nagsalita naman kaagad ang hukom na si Gerdo.

"Napakasama niyo palang talaga! Sisiguraduhin kong pagbabayaran mo ang pagsira sa mga buhay-buhay namin. Ikaw ang dapat na naririto at hindi kami!" pagkuwa'y sigaw ni Miyela rito.

"Wala ng saysay pa ang sinasabi mo, Miyela."

Nang uumpisahan na ng hukom ang pagtapos sa kanila ay pinigilan ito ng isang kamay.

"Nagkita tayong muli, Gerdo."

"Ayela?" tila nagulat pa si Hukom Gerdo nang makita si Ayela.

"Hindi ko papayagang saktan mo ang mag-ama nang walang sapat na dahilan, Gerdo," sabi ni Ayela.

Iwinaksi nito ang kamay ni Ayela.

"Wala na akong babalikan pa sa Bilona dahil sa mag-amang iyan! Bago pa man ako maparusahan ay papatayin ko muna sila! Yamang nandirito ka nga pala, may sorpresa ako sa iyo," pagkuwa'y nakangiting anito kay Ayela.

Agad na ibinigay ng hukom ang kristal na isa pa.

"Ina!"

"Layni, anak..."

Napaiyak si Ayela nang muling makita ang anak.

"Anong ginawa mo sa kaniya!" baling ni Ayela kay Hukom Gerdo.

"Ina, tinangka niya akong paslangin nguni't prinoteksyunan ng aking kapangyarihan ang aking sarili. Napatay niya ang ama ni Bak nang patakasin mo ako. Sinundan niya ako sa Morne at doon ay napatay niya ang ama ni Bak. Walang ibang nakaalam niyon sapagka't wala roon ng mga oras na iyon si Bak, ina. Nang malaman niyang hindi niya ako mapapatay ay ikinulong niya ako rito," pagsasalaysay agad ni Layni.

"Hindi pa man pala nagtatagal ang pagiging hukom mo ay napakasama mo na palang talaga, Gerdo!" masama ang titig na ibinigay ni Ayela sa hukom.

Isang pagkumpas ang itinugon ng hukom. Sa isang iglap pa parang papel na bumagsak si Ayela at nawalan ng malay. Natigilan lamang ang hukom nang makitang nagliliwanag ang kinaroroonan ni Miyela.

"Paanong nangyari ito? Hindi mo dapat magagamit ang iyong kapangyarihan dahil narito ka sa yungib ng mga makasalanan," buong pagtatakang sabi ng hukom.

Nang walang ano-ano'y bumungad sina Hari Abraham, Reyna Laksana,  Jhez-Yael at si Polaya.

"Dahil hiningi namin sa mga Ado at Ada na ipawalang bisa na ang ibang mga batas na ipinatupad mo," ang sabi ng hari.

Nagulat ang hukom nang makita ang mga ito.

"Itigil mo na ito, Gerdo, dahil alam na rin ng mga Ado at Ada ang lahat ng ginawa mo maging sa mag-inang Ayela at Layni," segunda naman ng reyna.

"Hindi... hindi ako basta-basta makakapayag na gawin niyo ito sa akin!"

Naglabas ito ng mahika kung saan ay ilang maliliit na espada ang lumabas papunta sa kanila. Nguni't hinarang ito ng kapangyarihan ng magkapatid na Polaya at Laksana. Dahil sa mahikang taglay ni Gerdo ay pinalutang niya ang magkapatid at pinabayaang bumagsak ang mga mumunting espada. Sinakal niya ang magkapatid sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan. Nang akmang susugod ang iba pa ay ginamitan muli ito ng mahika ng hukom at parang itinulos ang mga ito sa kinatatayuan nila. Paigting nang paigting ang paghinga ng magkapatid.

Nang walang ano-ano'y naramdaman ng hukom na lumulutang din siya.

"A-anong..?"

"Bitiwan mo sila!" si Miyela. Pinatamaan nito ng pulang kapangyarihan mula sa kaniyang mga mata ang hukom na naging dahilan ng pagbagsak ng huli.

Bahagya ring bumagsak sina Polaya at Laksana. Mayamaya pa ay parang kusang nabitak ang dalawang kristal na kinalalagyan nina Prinsipe Solomon at Layni. Kasabay ng pagkawala nila sa kristal ay ang pagbalik nila sa dati. Muli silang bumalik sa normal na laki. Tinakbo ni Prinsipe Solomon si Polaya at ganoon din ang hari kay Reyna Laksana. Bigla namang nagkamalay si Ayela at niyakap nito ang anak na si Layni. Tiningnan ni Polaya si Miyela at maluha-luha niya itong nilapitan. Hinawakan nito sa pisngi si Miyela.


"Anak... akala ko talaga'y nawala ka na sa akin."

"Kalimutan na natin ang nakaraan. Ang mahalaga ay malaya na tayo sa mga kasinungalingan," sagot ni Miyela habang titig na titig kay Polaya na sinasabing kaniyang ina.

Nagyakap ang mag-ina at lumapit din dito si Prinsipe Solomon. Makikita ang ngiti sa bawat isang naroon maging si Higante Sur kahit medyo masakit pa rin ang katawan nito.

Tale Of The Crowned Queens (High Fantasy - PiP Collaboration Series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon