DAHAN dahang tumayo si Polaya.
"Hindi ninyo ako maaaring ipatapon sa yungib ng mga makasalanan, mahal na hukom. May buhay akong dinadala sa aking sinapupunan!" masayang pahayag ni Polaya.
Parang wala sa sarili ang hukom na nakatingin lang sa kawalan. Bakas ang pangangamba sa mga Ideyo at kay Karta sapagka't alam nilang hindi iyon dapat mangyari. Nagsalita nang mahina ang hukom na waring siya lang ang nakaririnig.
"Hindi...hindi ko ito papayagang mangyari," anito sa mahinang tinig.
"Ano ang inyong plano, mahal na hukom?" tanong ni Karta.
"Hindi dapat mabuhay ang batang iyan," walang pag-aalinlangang sabi ng hukom.
"A-anong ibig...niyong sabihin?" nakaramdam ng kaba si Polaya.
Lumapit ang hukom kay Polaya at nagwika, "Hindi na nila kailangan pang malaman ang tungkol sa iyong pagbubuntis. Makasisira ito sa reputasyon ng ating mundo. Ikaw na makasalanan ay magbubuntis? Pababalikin sa Bilona na parang walang nangyari? At kapag nangyari iyon, baka mawalan na ng paniniwala sa akin ang sinumang nilalang dito sa ating mundo. Hindi na nila paniniwalaan ang aking mga batas. Kaya't hindi nila malalaman ito, Polaya. Patawarin mo ako sa aking gagawin," Itinaas nito ang kamay at nagmistulang nilalamukos nito ang sinapupunan ni Polaya upang p'wersahing iluwal na nito ang sanggol.
Namilipit sa sakit si Polaya.
"Aa... aaahhh! T-tama na... huwag ang anak ko..." naramdaman agad ni Polaya ang paghihirap.
Maya-maya pa ay maririnig na ang uha ng sanggol sa ilalim ng mahabang kasuotan ni Polaya.
"A—ang anak ko..." pilit na kinakapa ni Polaya ang sanggol.
Biglang itinaas ng hukom ang kamay at lumutang ang sanggol. Iwinaksi nito ang kamay at malakas na bumalibag ang sanggol sa pader.
Nawala ang iyak.
Kaawa-awang bumagsak ang sanggol.
"Anak!" lubha ang hagulgol nito at pilit ginagapang ang anak.
Naglakad ang hukom at hinarangan si Polaya.
"Ito ang nararapat, Polaya. Hindi ko hahayaang mabalewala ang aking mga batas dahil lamang sa iyo," hindi kakikitaan ng awa ang hukom sa ginawa nito kay Polaya.
Nabahiran ng labis na galit si Polaya.
"Higit kang kasumpa-sumpa ngayon! Ikaw ang mas dapat na maparusahan! Ikaw at ang iyong batas ay kasuklam-suklam! Sabihin mo sa akin... anong batas mo ang nakatago rito na nararapat sa isang mamamatay na hukom na katulad mo?!!" lumuluha nitong pangongondena sa hukom.
Waring tinamaan ang hukom sa sinabi nito. Bumaling sya sa mga Ideyo.
"Ngayon ko lamang ito ginawa at paninindigan ko na."
Kumumpas muli ang kamay ng hukom at bigla na lamang bumulagta at naglahong parang bula ang mga Ideyo. Bumaling ito kay Karta.
"Dalhin mo ang patay na sanggol at ibaon sa tagong lugar. Siguruhin mong walang makakaalam na may namatay na sanggol dito sa ating mundo. Pagkatapos ay magbalik ka rito," utos ng hukom kay Karta.
BINABASA MO ANG
Tale Of The Crowned Queens (High Fantasy - PiP Collaboration Series)
FantasíaPrince and Princess. King and Queen. They are for each other in this magical world. What if this rule ruins a queen's good heart? Will another queen rise or an ordinary girl deserves the crown this time? |TAGALOG STORY| ✓Completed #PenAwardsFebruary...