KABANATA LABING-ISA: Mensahe

424 17 0
                                    

NAKAUPO si Jhez-Yael malapit sa isang punong hitik ng bunga at malalim ang iniisip. Naaawa ito kay Miyela at nagtataka rin talaga siya kung bakit napakahigpit masyado ng mga magulang ng kaniyang kaibigan.

Napabuntonghininga na lamang siya at saka nangalumbaba. Napangiti ito nang biglang maalala ang nangyari sa kanila ni Miyela sa Morne. Kung paano silang nakaalis pa roon ng walang iniindang sakit sa katawan....

"Lapastangan kang nilalang ka! Akala mo ba'y makakaalis ka pa rito! Dakpin sila at ikulong! Gawin silang alipin at walang kahit anong halaga ng ginto ang tatanggapin mula sa pamilya nila upang mabawi sila!" utos ni Pinunong Bak sa kaniyang nasasakupan.

Agad sumunod ang mga naroon. Naghanda si Jhez-Yael. Hinugot nito ang espada mula sa likod niya at hinugot naman ni Miyela ang espada mula sa kaliwang tagiliran nito. Ngunit tinulak lang ni Miyela si Jhez-Yael sa kaniyang likuran at sa unang pagsugod ay agad sinipa ni Miyela ang papunta sa kaniya bago isa-isang pinatamaan ng espada ang mga naroon. Makikita ang malalakas na pag-unday niya sa espada. Parang mga lata lang na natumba ang mga malalaking katawan ng mga lalaki roon. Hirap man sa pagtayo ang mga ito ay nagsalita ang isa.

"Wala tayong tama! Hindi niya tayo pinuruhan!" ang may pagkamanghang sabi ng isa.

Nang mapagtanto ito ng pinuno ay tiningnan nito ang hawak na espada ni Miyela. Baliktad ang pagkakahawak nito kaya naman ang hawakan lamang ng espada ang tumama sa mga taga Morne.

"Kahit na ang hawakan lang ng espada ang tumama sa atin ay hindi maipagkakailang malakas ang natamo natin! Hindi siya basta-basta!" umaatras namang sabi ng isa.

Agad bumaba si Pinunong Bak at hinarap nito si Miyela. Umakma ito ng suntok at sumugod kay Miyela. Inilagan lang nang inilagan ni Miyela ang bawat suntok ni Pinunong Bak at sa huling ilag ni Miyela mula sa malakas na pagsugod ni Pinunong Bak, sumubsob ang pinuno sa sahig na ginto.

"Itigil mo na ito, Pinunong Bak. Hindi kita nilapastangan katulad ng sinabi mo. Ang ginawa ko ay base sa patakarang sinabi mo sa akin kaya't masasabi kong hindi rin kita nilinlang. Ikaw ang tunay na manlilinlang, Pinunong Bak. Isa kang pinuno at sa halip na maging maganda kang halimbawa ay hindi," pahayag ni Miyela.

Tumayo si Pinunong Bak na hawak-hawak ang panga nito na sumubsub sa gintong sahig.

"Sabihin mo sa akin, bakit hindi mo ginamit ang talim ng iyong espada?" tanong ng pinuno sa kaniya.

Ibinalik ni Miyela ang espada sa beywang nito bago sumagot.

"Dahil hindi kailangan, Pinunong Bak. Dahil naniniwala ako na may kabutihan pa rin sa puso ng bawat isa sa inyo," sagot niya at inilibot nito ang paningin sa ibang naroon, "Kaya naniniwala ako na hindi ko dapat kayo gamitan ng dahas. Sa iyo naman Pinunong Bak, bilang paggalang sa pagiging pinuno mo ay hindi kita kinanti ni dulo ng daliri mo. Kaya't sana'y paalisin niyo na kami ng mapayapa."

Pagkasabi niyon ay mapayapa ngang nakaalis sina Miyela at Jhez-Yael sa Morne.

Matapos alalahanin ni Jhez-Yael ang nangyari ay masigla itong tumayo at umuwi na.

ABALA si Hari Abraham sa pagsusulat ng mensaheng ipapadala sa iba't-ibang panig ng kanilang mundo. Nang matapos ay iniabot niya na ito sa mga tagapagbantay na inatasan.

"Anim na papel iyan na may mensahe ng tungkol sa paghahanap ng kung sino mang nilalang na may sinag. Para sa Garnaya, ang lugar ng mga pariso at parisa. Diwanyan, kaharian ng mga diwata. Sebar, ang lugar ng mga manggagamot. Tribu Suhbar, ang mga suhbaryan at pupuntahan din ninyo ang Morne. Alam kong hindi na dapat dahil pawang mga lalaki lamang sila. Subali't ipinagpapalagay naming baka may kakilala silang kakikitaan ng sinag. Padalhan din ninyo ang ating hukuman. Maaring isa sa mga katiwala nila roon ay nagsilang ng may taglay ng sinag. Humayo na kayo at hangad kong sa inyong pagbabalik ay hindi magtatagal at may magtutungo ritong nagtataglay ng sinag," tagubilin ni Hari Abraham sa magdadala ng mga sulat.

Nang akaalis ang mga inatasan ay nagpaalam si Reyna Laksana sa hari.

"Aking hari, magtutungo lamang ako sa silid ni Polaya. Nais ko siyang aliwin," paalam ng reyna.

Tumango lamang ang hari bago ito naupo sa kaniyang trono.

UNANG pinuntahan ng mga naatasan ang Garnaya yamang ito ang pinakamalapit sa kaharian ng Bilona.

"Nais naming ipaabot sa inyo ito," sabi ng mensaherong ipinadala ng Bilona.

Iniabot nito ang nakarolyong papel sa isa sa mga parisang naroon. Pagkatapos ay isinunod nila ang Diwanyan, Tribu Suhbar, Morne at pinakahuli ang Sebar kung saan isang araw pa nila itong nilakbay at isa pang araw bago nakabalik dahil sa layo.

TRIBU SUHBAR

Isa sa mga suhbaryan ang nagbasa ng nilalaman ng mensahe.

"Heto ang sinasabi ng sulat mula sa kaharian ng Bilona..."

Sa lahat ng nakatanggap nito, nais ko, si Hari Abraham at ang aking kabiyak na si Reyna Laksana, na iparating ang aming pagbati at sana'y nasa maayos kayong kalagayan habang binabasa ito. Alam naming ni minsan ay hindi nagkaroon ng ugnayan ang inyong ginagalawang mundo dito sa aming mundo. Alam din ninyo na ang aming korona ay naglilipat-lipat lamang sa kung sinong naitakda. Alam din ninyo na lalaki lamang ang nagiging anak ng hari at reyna. Subali't dahil sa suliraning dumating sa amin, ang aking reyna ay nagbuntis sa pamamagitan ng mga diwata ng araw, buwan at ulan. Dahil dito, babae ang naging supling namin. Inasahan namin na dahil babae ito, siya ang magtataglay ng sinag na senyales na siya ang susunod na reyna. Subali't bigo kami. Wala sa kaniya ang sinag. Kaya't layunin ng kasulatang ito na maiparating sa inyo na kung isa man sa inyo ay nagkaroon ng puting sinag o kayo ay may anak na may puting sinag, nais namin siyang anyayahan sa kaharian ng Bilona. Siya ang nakatakdang hahalili bilang reyna. Ang kaniyang pamilya o maging ang kaniyang buong nasasakupan ay bibigyan namin ng pagkakataong magkaroon ng ugnayan sa aming kaharian at magiging kahati sa ano mang tinatamasa namin. Nawa'y matulungan ninyo kami.

Mula sa,
KAHARIAN NG BILONA

"Mapapaganda ang buhay natin kung nasa atin ang nilalang na iyon. Hindi na tayo maghihirap!" naliligayahang hiyaw ng isang suhbaryan.

"Tama! Kaya sa mga buntis diyan, may pag-asa tayo!" segunda naman ng isang suhbaryan na buntis.

"Puwede rin namang may kasamahan na tayo rito na nagtataglay ng sinag. Mga kasama mayroon ba sa inyo o sa mga anak ninyo?" tanong naman ng suhbaryan na nagbasa ng sulat.

Naging mailap ang mga mata ni Himena ng mga oras na iyon. Nagbiro pa si Mido na noo'y nakikinig din.

"Aba, ina! Wala ho ba ako niyong sinasabing sinag? Kapag nagkataon po baka matulungan nila tayong mapagaling si Apo Baking!" nakapameywang nitong sabi.

"O, baka naman si Miyela. Napakagaling niya kasi at likas siyang naiiba sa atin dito. Biro ninyo, pati mga taga Morneng nagpahirap sa atin mula pa sa mga kaninu-ninuan natin napaamo niya!" sabat naman ni Jhez-Yael.

"Naku, Jhez-Yael. Tigilan mo 'yan. Gusto mo lang yatang makasalamuha ang mga taga Bilona, eh!" irap naman ni Miyela rito.

"Aba! Malay mo, iyon palang anak ng hari at reyna magkagusto sa akin!" nagmamalaking sabi ng lalaki.

"Ang taas din ng pangarap mo ano?" tinaasan lang naman siya ng kilay ni Miyela.

"Aba! Sa guwapo ko ba namang ito,"  pagkasabi niyon ay pinulot nito ang nakitang bilog na kahoy doon at pinatong sa ulo niya pagkatapos ay pumormang parang prinsipe.

Si Mido naman ay napatawa. Mahahalata namang hindi nagustuhan ni Miyela ang sinabi nito at hindi niya maintindihan kung bakit parang tutol ang puso nito sa sinabi ni Jhez-Yael na baka magustuhan siya ng anak ng hari at reyna. Natigil lamang sila sa pagbibiruan nang sumabat si Himena.

"Magsitigil nga kayo! Wala rito ang hinahanap nila kaya tigilan ninyo ang pag-iilusyon!" pagkasabi niyon ay tumalikod na ito.

Sinundan naman ng tingin ni Lator ang asawa.

Tale Of The Crowned Queens (High Fantasy - PiP Collaboration Series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon