KABANATA LABING-ANIM: Nawawalang Sinag

364 15 0
                                    

IPINAABOT ng mga taga Bilona sa Tribu Suhbar ang nangyari kina Jhez-Yael at Miyela. Alalang-alala ang pamilya ng mga ito lalong lalo na si Himena dahil sa isiping malalaman na ng lahat ang itinago niyang lihim tungkol kay Miyela. Natural na magduda nga ang mga ito na si Miyela ang nagtataglay ng sinag dahil sa balitang sinabi rin ng tagapagbantay na nagpunta sa kanila. Nagpamalas daw ng kapangyarihan si Miyela na dahilan ng pagkawala ng malay ng anak ng hari at reyna.

Nang makarating sila sa Bilona kasama ang tagapagbantay na ipinadala sa kanila ay hindi rin naiwasan ng mga taga suhbaryan na humanga sa kapaligiran ng Bilona. Nguni't katulad ni Miyela ay mas natuon ang pansin nila sa bahagharing walang kulay.

Nang walang ano-ano'y bumungad ang hari sa malaking pintuan ng kahariang iyon.

"Papasukin na sila," utos ng hari.

Kasabay ng pagtalikod ng hari ay sumunod na rin ang mga suhbaryan at ang tagapagbantay na kasama ng mga ito. Nang makarating sa bulwagan ng kaharian ay nakita kaagad ni Himena ang anak. Naroong nakatayo at nakagapos sa likod nito ang kaniyang mga kamay. Ganoon din si Jhez-Yael. Ang espada ng mga ito ay nakalapag at wala na sa kanila upang hindi magamit ng mga ito. Tumakbo ito upang lapitan sana ang anak subali't mabilis silang naharang ng mga tagapagbantay.

"Miyela anak... kung sana'y nakinig ka lang sa akin..." ang naghihinagpis na sabi ni Himena.

Habang lumuluha si Himena ay nanatiling walang kibo si Miyela. Maging ang pamilya ni Jhez-Yael ay wala ring magawa upang makalapit sa mga ito.

"Nais naming sabihin sa inyo ang walang pahintulot na pagpasok ng inyong mga anak sa aming kaharian. Alam ninyong matagal ng ipinagbabawal iyon sapagka't hindi naman magkakaugnay ang mga buhay-buhay natin. Nguni't tila kinulang kayo ng pangaral sa inyong mga anak. Gayunpaman, dahil napatunayan naman na hindi nagnakaw ang lalaki sa Garnaya, siya ay aming pakakawalan at maiuuwi na ninyo nang mapayapa. Nguni't ang babae, ang kasalanang kaniyang nagawa ay ang ginawa niya sa aming anak. Makikita ninyong walang malay ang aking anak sa silid na naroon at iyon ay dahil sa babaeng ito. Limang taon siyang ipapatapon sa yungib ng mga makasalanan kapag nagkataon. Subali't isang paraan ang natitira, iyon ay kung mapatunayan namin na ang babaeng ito ay may taglay na sinag na nagsasabing siya ang susunod na reyna rito sa Bilona. Patatayuin namin ang babaeng ito sa bilog na nakikita ninyo ngayon. Sa sandaling magliwanag siya ay nangangahulugang siya ang aming hinahanap," napakahaba at sunod-sunod na sabi ni Hari Abraham sa kanila.

Ganoon nga ang ginawa ng mga ito.

Tumingin si Himena kay Lator.

"Nanaisin ko ng malaman nila ang totoo kaysa tuluyan pang mawala si Miyela kapag ipinatapon siya sa yungib ng mga makasalanan," lumuluhang saad ni Himena.

Napangiti si Lator dito at panatag ang kanilang kalooban na hindi maipapatapon si Miyela sa yungib ng mga makasalanan sapagka't alam nilang may sinag nga ito. Subali't mahabang sandali ang lumipas at walang nangyayari kay Miyela mula sa pagkakatuntong sa bilog na naroon.

Doon nagsalita ang hukom.

"Alisin na ninyo ang babae riyan sapagka't nagsasayang lamang tayo ng oras. Hindi siya ang inyong hinahanap."

Labis ang gulat na nagkatinginan sina Himena at Lator dahil sa nangyari. Mayamaya pa ay may lumabas na mga Ideyo upang dakpin na si Miyela at dalhin sa hukuman.

"Sandali! Hindi niyo siya maaaring kunin, siya ang hinahanap ninyo! Siya ang susunod ninyong reyna sapagka't nasa kaniya ang sinag na sinasabi ninyo!" malakas ang boses na pagtutol ni Himena.

Napatingin ang lahat kay Himena at maging si Miyela ay nagulat din sa sinabi ng ina.

"Ano po bang ibig ninyong sabihin ina?"

"Patawarin mo ako, Miyela, kung hindi ko sinabi sa iyo ang katotohanan. Ibinigay ka lang sa akin at hindi ka namin tunay na anak," patuloy ang pag-agos ng luha ni Himena habang sinasabi ang mga iyon subali't nagwika ang hukom.

"Sa tingin mo ba ay maniniwala kami? Malinaw naming napatunayan na walang sinag ang Miyelang iyan! Nagsisinungaling ka dahil nais mong makaligtas ang iyong anak, tama ba?!"

"Hindi... hindi... hindi totoo iyan dahil nagsasabi ako ng totoo," sunod-sunod na pag-iling ni Himena.

"Maniwala kayo sa amin! Hindi talaga namin anak si Miyela, inilihim lang namin ito sapagka't itinuring na naming para siyang tunay na anak," segunda naman ni Lator.

"Kung nagsasabi kayo ng totoo, nasaan ang sinag ni Miyela?" medyo nagugulahan na ring tanong ng hari.

"Hindi ko alam kung anong nangyari, mahal na hari. Nguni't ang sinag ni Miyela ay makikita dapat sa kaliwang hita niya. Iyon ang dahilan kung bakit mahaba ang ipinasuot kong pang ibaba niya. Upang ikubli iyon sa lahat. Pero... pero hindi ko talaga alam kung anong nangyari at nawala ito," nanghihinang pahayag ni Himena.

"Itigil mo ito, babae. Wala ka ng magagawa pa para iligtas ang iyong anak," sabi ng hukom.

Pagkatapos ay nilingon nito ang hari.

"Maaari ko na bang maisama ang babaeng ito sa aking hukuman upang matapos na ito?"

Walang nagawa ang hari kung hindi tumango.

"Karta, halika na," yakag ng hukom kay Karta.

Nang makita ni Himena si Karta ay muli itong nagsalita.

"Ikaw..." nilingon ni Himena ang hari, "Siya! Siya ang makakapagpatunay, mahal na hari. Siya ang nag-abot sa akin ng sanggol noon. Ang sabi niya nasa panganib ang sanggol na may taglay na sinag kaya ibinigay niya sa akin upang pangalagaan ko. Ang mali ko lamang ay hindi ko sinunod ang sinabi niyang ilabas ko siya sa takdang panahon dahil ang sabi niya ay ang sanggol na iyon ang magiging susi upang malaman ng lahat na hindi karapat-dapat ang inyong hukom. Ang sanggol na iyon ay si Miyela. Maniwala kayo sa akin!"

"Mapapatunayan mo ba ito, Karta? Totoo ba ang sinasabi ng babaeng ito?" baling ni Reyna Laksana kay Karta.

"Wala po akong alam sa sinasabi niya, mahal na reyna. Wala po akong matandaan na may ibinigay akong sanggol sa kaniya noon," pagtanggi naman ni Karta.

"Tama na! Aalis na kami," galit na sabi ng hukom.

Tinangka pa ni Himena na habulin ang anak subali't maraming tagapagbantay ang humarang sa kaniya. Maging si Jhez-Yael na nagtangkang lapitan si Miyela ay sinaktan lamang ng mga ito.

"Jhez-Yael!"

Kasabay nang pagsigaw na iyon ni Miyela ay ang biglang paglabas ng isang malakas na kapangyarihan sa kaniyang katawan na naging dahilan ng pagkakatumba ng mga naroon. Doon ay agad nilapitan ni Miyela si Jhez-Yael at dinaluhan. Subali't agad din siyang ikinulong ng hukom sa isang kahong gawa sa kristal katulad ng ginawa nito noon kay Polaya upang hindi nito magamit ang kapangyarihan.

"Jhez-Yael, huwag ka ng mag-alala sa akin. Kaya kong mag-isa at pangako, babalik ako," pigil ang pagluhang saad ni Miyela.

Nilingon nito ang ina.

"Ina, mahal na mahal ko po kayo. Hindi niyo na po kailangang magsinungaling. Kayo ang ina ko," matatag na sabi ni Miyela.

Dinaluhan ni Dana si Himena na noo'y napaupo na lamang at napahagulgol sa nangyayari kay Miyela.

"Himena..."

"Dana, naniniwala ka sa akin, hindi ba?" nagsusumamo ang mukhang sabi ni Himena.

Hindi tumugon si Dana sapagka't naguguluhan din ito sa nangyayari. Ang anak ni Himena na suhbaryan ay may taglay na kapangyarihan subali't hindi nagtataglay ng sinag.

Paano nga ba nila ito maipapaliwanag?

Tale Of The Crowned Queens (High Fantasy - PiP Collaboration Series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon