KABANATA LABING-APAT: Paghahanap

428 18 0
                                    

KASALUKUYANG binibihasan ni Himena ang anak na si Mido nang lapitan ito ni Miyela.

"Ina, maaari ko ba kayong makausap?"

Bahagyang napatigil si Himena at nagsalita.

"Mabuti naman at naisipan mo akong kausapin. Akala ko'y makikipagmatigasan ka sa akin," walang emosyong sagot ni Himena.

Umupo si Miyela sa tabi nito at niyakap ang ina mula sa likod nito.

"Patawarin niyo ako, ina, gusto ko lamang po talaga kayong tulungan at maranasan ang mga bagay na ginagawa ng lahat dito sa atin," mapagkumbabang sabi ni Miyela.

Nakaramdam naman ng habag ang ina sa anak bago ito hinarap.

"Anak, ginawa ko iyon para sa 'yo," mahinahon na rin ang boses ni Himena.

"Ano ang ibig ninyong sabihin?" kumunot ang noo ni Miyela.

"Simple lang. Ayaw kong mapahamak ka. Babae ka at ikaw ang unang anak ko na kaytagal kong hinintay. Kaya't pinapangalagaan lamang kita," sagot ni Himena.

"Nguni't ina... babae rin naman si Mido, hindi ba?" nagtatakang tanong niya.

Nag-iwas ng tingin si Himena at tumayo.

"Iba si Mido, iba ka," pagdadahilan ng kaniyang ina.

"Bakit hindi niyo pa ako deretsahin, ina?"

"Huwag ka nang makulit, Miyela," pag-iwas ni Himena.

Nang akma ng aalis si Himena ay nagsalita pang muli si Miyela.

"Dahil ba sa kakayahan kong gawing totoo ang sinasabi ng aking isipan, ina? Iyon ba ang itinatago ninyo sa akin kaya ninyo ako pinaghihigpitan?"

Gulat na gulat na napalingon si Himena rito.

"Anong... sinasabi mo, Miyela?"

"Alam ko na ang totoo, ina," matatag na sagot niya.

"Hindi ko alam ang mga sinasabi mo, Miyela," naguguluhang sagot ni Himena.

"Ako ang nakapagpabalik ng mga gintong itinapon sa katubigan, ina. Bigla ko lamang nasabing sana'y bumalik sa akin ang mga gintong natapon at iyon nga ang nangyari," pagsisiwalat ni Miyela.

Hindi alam ni Himena kung ano ang mararamdaman ng mga oras na iyon. Wala talaga siyang alam sa sinasabi ng anak.

"Ina—"

"Wala akong nalalaman sa sinasabi mo, Miyela. Tigilan mo ang kalokohang ito!" pagpigil niya sa susunod pa sanang sasabihin ng anak.

Pagkasabi niyon ay dali-daling lumabas si Himena at naiwan si Miyela na bigong makamit ang kasagutan sa nangyari kanina.

INIWAN ni Jhez-Yael ang mga ginto sa bangka at nagpasyang maglakad patungo sa direksiyon ng Bilona. Nais din niyang makita ang Bilona at ang kaniyang balak ay tanawin lamang ito. Subali't hindi pa man siya tuluyang nakakarating ay naramdaman niya ang paghagupit ng isang tila latigo sa kaniyang batok na naging dahilan para mawalan siya ng malay.

Nagkamalay na si Jhez-Yael sa isang silid. Nang ilibot niya ang paningin ay nasigurado niyang nasa loob na siya ng kaharian ng Bilona.

"Sino ka nilalang na naligaw dito sa Bilona?" ang hari ang bumungad kay Jhez-Yael.

Bumangon mula sa pagkakahiga si Jhez-Yael.

"Patawad subali't hindi ko sinasadya na mapadpad dito. Naligaw lamang ako," paliwanag niya.

Nang biglang may tagapagbantay ang dumating.

"Mahal na hari, may nakita kaming ginto sa bangkang maaaring sinakyan ng nilalang na iyan," pagbabalita ng dumating.

Tale Of The Crowned Queens (High Fantasy - PiP Collaboration Series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon