KABANATA ANIM: Pagdalaw

498 17 0
                                    


ISANG mahaba, makulay at napakagandang kasuotan ang nagpalitaw lalo ng kagandahan ni Laksana. Ito ang gabi ng kasiyahan. Nakatakdang ipasa kay Laksana ang korona at ang kuwintas ng kapangyarihan. Hindi maitatago ang kaligayan sa mga mata nito at sa lahat ng naroon. Maging ang mga magulang nito ay tuwang-tuwa rin ngunit hindi rin nila maiwasang maisip na kapalit ng mapait na kapalaran ni Polaya ang tagumpay namang tinatamasa ngayon ni Laksana.

Matapos maibigay ni Karta ang kuwintas ng kapangyarihan ay nagpamalas kaagad ang bagong reyna ng kapangyarihan mula sa kuwintas. Mula sa kanang kamay ni Laksana ay mistulang may isinaboy ito. Isang napakagandang bahaghari ang napalabas nito. Nagbigay liwanag lalo sa kaharian ang bahagharing ipinamalas niya. Pagkatapos ay nanatili na ito ng permanente sa bandang itaas ng kaharian ng Bilona. Waring naging senyales ito ng panibagong kasiyahan sa Bilona.

Masuyo namang nakatunghay lang ang hari sa bahaghari habang buhat-buhat ang anak nila. Larawan ng kapayapaan ngayon ang Bilona.

"Polaya, parte ka pa rin ng Bilona at Garnaya. Hihintayin namin ang pagbabalik ninyo ng aking kapatid," bulong ni Hari Abraham sa hangin.

KINAUMAGAHAN ay ginulantang ang mga taga Bilona ng isang balita mula sa isa sa mga tagapagbantay. Humahangos itong nagpunta sa hari at reyna.

"Mahal na hari, mahal na reyna, ipagpaumanhin ninyo. Subali't may kailangan kayong malaman," balisang sabi ng tagapagbantay.

"Ano iyon, tagapagbantay?" kunot ang noong tanong ni Hari Abraham.

"Ang bahaghari," sagot ng tagapagbantay.

"Bakit? Ano ang problema sa aking bahaghari?" nagtataka namang tanong ni Reyna Laksana.

"Nawala ang kulay ng buong bahaghari, mahal na reyna. Hindi po ito katulad kagabi na kakikitaan ng iba't-ibang kulay at maliwanag. Ngayon ay hindi na," paliwanag ng tagapagbantay.

Agad lumabas ang hari at reyna upang tingnan ang ibinalita ng tagapagbantay. Nagulat nga ang mga ito sa nakita.

"Anong nangyari? Bakit nagkaganito? Ano ba ang ibig sabihin nito?" nababahalang sambit ni Reyna Laksana.

Maya-maya ay nagsalita ang hari na waring malalim ang iniisip.

"Marahil ay tungkol ito sa sinag," ang hari.

"Ano ang ibig mong sabihin?" baling sa kanya ng reyna.

"Mistulang nagpapahiwatig ang bahaghari na dapat ay kasama natin sa pagdiriwang ang nagtataglay ng sinag," sinabi ng hari ang kutob nito.

"Subali't ang sabi mo ay maaaring wala pang nabibiyayaan ang mga-"

"Kailangan nating puntahan si Polaya sa yungib ng mga makasalanan. Malaki ang aking pagdududa na si Polaya ay nagbuntis din. Marahil ay nagbunga ang naging pag-iibigan nila ni Prinsipe Solomon," pagputol ni Hari Abraham kay Reyna Laksana.

Napanganga si Laksana sa tinuran ng hari.

Maaari nga kayang tama ang haka-haka ng hari? Si Polaya nga ba ay nagbuntis at ang naging bunga ng makasalanang pag-iibigan nila ay ang nagtaglay pa ng sinag?

NAKAHANDA na ang hari at reyna sa pagpunta sa yungib ng mga makasalanan upang alamin kung buntis nga ba si Polaya. Pagpasok sa unang pinto ng hukuman ay makikita sa dulo na nakaupo ang hukom. Hinintay ng hukom na makalapit ang hari at reyna at saka nagsalita.

Tale Of The Crowned Queens (High Fantasy - PiP Collaboration Series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon